26.7 C
Manila
Martes, Hunyo 16, 2026

Innovation Praxis 101

PAGBUBUO(D)

- Advertisement -
- Advertisement -

SINASABING ang inobasyon ay mahalaga upang manatili sa larangan (o industriya), manaig sa kompetisyon at patuloy na umunlad. Sa kontekstong ito ay kritikal ang papel na ginagampanan ng work ecology upang makaisip ng mga orihinal at praktikal na ideya para makabuo ng inobasyon. Ang mga sumusunod ay tala ng mga paalala para makalikha ng isang kapaligiran at kondisyon na paborable sa pagbuo, pagpapatupad at pagtatasa ng inobasyon bilang panlipunang praktika.

·      Ilapat ang inobasyon sa konteksto at kapaligirang kinapapalooban ng organisasyon. Ang inobasyon ay hindi dapat hinuhugot mula sa kawalan.

·      Alamin ang mukha at hubog ng inobasyon na nais makita. Sumasalamin dapat ito sa aspirasyon, pangangailangan at pag-asa ng mga bumubuo sa organisasyon.

·      Mag-aral at magbasa ukol sa inobasyon.  Maaaring sumangguni rito bilang lunsaran: Innovation 101 – Pinoy Peryodiko.  Maraming pananaliksik na halaw sa empirikal na pagsusuri ang nagbibigay katuturan at lalim sa inobasyon.

·      Lumikha ng kondisyon na lilinang sa pagkamalikhain ng mga bumubuo sa organisasyon. Mahalagang salik ang pagiging malikhain (o creativity) sa innovation excellence.


·      Linangin ang kamalayan at pag-iisip na bukas sa iba’t ibang metodo at kaparaanan ng pagbuo ng solusyon. Lumabas at kumawala sa balangkas ng mga palasak at palyadong dulog/lapit (approach).

·      Sanayin ang sarili at grupo sa mga tool at technology na kakailanganin sa pagbuo at pagpapatupad ng inobasyon.

·      Bigyang pansin ang sikolohiyal at panlipunang dimensyon ng inobasyon upang maunawaan na hindi lamang ito tumutukoy sa teknolohikal at teknikal na salik.

·      Tukuyin kung paano magiging bahagi ang inobasyon ng pang-araw-araw na larga. Ang everyday innovation ay alinsunod sa pananaw na ang inobasyon ay maaaring dahan-dahang ipaloob sa araw-araw na proseso upang unti-unting lumawak hanggang maging ganap (incrementalism).

- Advertisement -

·      Humalaw ng inspirasyon mula sa ibang larangan, industriya at sektor. Maging mapagmasid dahil lagi’t laging may matutunan mula sa ibang konteksto at kapaligiran.

·      Humalaw rin ng inspirasyon mula sa kalikasan upang makabuo ng mga mapanlikhang solusyon. Matuto mula sa mga sistema at proseso ng kalikasan.

·      Tandaan na ang inobasyon ay kinapapalooban ng problem identification bilang napakahalaga at paunang bahagi ng proseso. Tiyaking matukoy ang ugat ng problema at hindi lamang ang mga sintomas nito.

·      Bigyan ng pagkakataon ang lahat na makapag-ambag sa proseso ng inobasyon. Ang prosesong ito ay dapat maramihang panig.

·      Gawing demokratiko ang proseso sa pamamagitan ng pagbibigay ng pagkakataon hindi lamang sa pamunuan kundi maging sa mga kawani. Gayundin sa mga bagong empleyado at hindi lamang sa mga matagal na sa organisasyon.

·      Unawain ang management ecology kung saan nakapaloob ang binabalangkas na inobasyon. Magsagawa ng kaukulang PESTELE analysis para rito. Ang PESTELE ay tumutukoy sa mga sumusunod na dimensyon: political, economic, social, technological, ecological, legal at ethical.

- Advertisement -

·      Maging malay (o aware) sa tinaguriang VUCA world (volatile, uncertain, complex and ambiguous) upang masiguradong tumutugon ang inobasyon sa kasalukuyang kondisyon. Bukod sa VUCA, sinasabing kinakikitaan din ang daigdig ng mga sumusunod na katangian: diverse, disruptive at digital.

·      Huwag hayaang maging monopolyo lamang ng mga metropole at core territories ang inobasyon. Hindi ito dapat dumadaloy sa iisang direksyon lamang. Kailangang mapaunlad din ang kakayahan ng mga mamamayan sa Global South na makapag-ambag sa proseso.

·      Bumuo at pondohan ang research and development (R&D) department upang higit na yumabong ang agham at sining ng inobasyon. Tandaan na ang pananaliksik ay kritikal na elemento ng innovation excellence.

·      Tukuyin ang kultura ng pananaliksik, antas ng teknolohiya at yugto ng pag-unlad ng organisasyon upang mas maikonteksto at mailapat ang solusyon at inobasyon.

·      Ilapat ang binabalangkas na inobasyon sa espisipikong sektor, industriya at larangan alinsunod sa kani-kanilang state of play. Unawain ang mga umiiral na unibersalidad at partikularidad batay sa mga tinutukoy na kategorya.

·      Ikonsidera lagi kung paano matitiyak na ang mga ideya ay magbubunga ng kongkreto at positibong epekto sa organisasyon at sa bawat isa. Wika nga, tiyaking ang inobasyon ay tatawid at hahantong mula “idea” tungong “impact.”

·      Maglaan ng takdang espasyo para makapagtipon ang mga indibidwal at grupo upang makapagkonseptuwalisa at makabuo ng inobasyon. Makabubuti kung ang espasyo ay parehong tumutukoy sa on the ground (o pisikal) at online (o cyberspace) na plataporma.

·      Lumikha ng ideyal na kondisyon upang masuportahan ang idea incubation para higit na mapag-isipan at maiproseso ang mga nakakalap na datos at impormasyon. Ang idea incubation ay tumutukoy sa paglilinang at pagpapaunlad ng mga bagong konsepto upang maging ganap, praktikal at kongkretong solusyon sa mga problema.

·      Pag-ukulan ng sapat na badyet ang inobasyon lalo na ang mga panlipunang inobasyon. Ang social innovation ay tumutukoy sa proseso ng paglikha ng mga tumutugong solusyon sa mga istruktural at pangkapaligirang hamon sa lipunan. Hinahamon din nito ang mga kinagisnang balangkas at mekanismo na atrasado, makitid at baluktot.

·      Matuto mula sa mga karanasan ng iba sa pagsasagawa ng inobasyon, lalo na sa usapin ng best practices. Tipunin at idokumenta ang mga exemplar na ito.

·      Maging sensitibo sa cross-cultural na aplikasyon ng inobasyon upang maging marespeto sa iba’t ibang kultura at tradisyon. Paghalawan din ang mga karanasan mula sa Asia at Global South.

·      Maging malikhain, mapanghamig at mapanghimok sa pagpapakilala at pagpapalaganap ng inobasyon upang mas maging katanggap-tanggap sa iba.

·      Tukuyin ang mga sagka sa pagsasagawa ng inobasyon. Imapa ang mga balakid na ito batay sa personal (micro), organisasyonal (meso) at panlipunang dimensyon (macro).

·      Magtalaga ng mga innovation trainer at innovation champion sa organisasyon. Bigyan ng pagkakataon na maranasan at magampanan din ito ng iba.

·      Bumuo ng action plan na maglalatag sa hakbang-hakbang na proseso ng pagpapatupad sa inobasyon. Kabilang dito ang pagtukoy sa suliranin, pagbuo ng ideya, pagpili ng ideya mula sa mga opsyon, pagpapaunlad ng ideya, implementasyon ng ideya at ebalwasyon ng ideya.

·      Tandaan ang kahalagahan ng mindset at action plan upang maging kultura at kalakaran ang pagsasagawa ng inobasyon.

·      Humalaw o bumuo ng assessment mechanism upang masuri ang pagiging epektibo o matagumpay ng ipinatutupad na inobasyon.

Bilang pagbubuo(d), dapat tandaan na ang inobasyon ay maaari ring magmula sa sakahan, pangisdaan, kabundukan at lansangan at hindi lamang sa pamantasan, laboratoryo at corporate boardroom.  Pangunahin sa lahat, mahalagang malinang ang ating kamalayan at kakayahan na matukoy ang mga natatanging oportunidad at pagkakataon para makapagsimula ng inobasyon. Ito ay dapat binabalangkas nang may pagsasang-alang sa kasaysayan, katarungan, kultura, kasarian, at kalikasan.

Para sa inyong reaksyon at pagbabahagi, maaari ring umugnay sa [email protected].

 

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -