29.5 C
Manila
Martes, Hunyo 9, 2026

Pakikipamuhay 101

PAGBUBUO(D)

- Advertisement -
- Advertisement -

ANG pakikipamuhay ay isang makapagpanibagong-hubog at mapagpalayang proseso ng pagkatuto at paraan ng pakikitungo sa larangan ng pag-aaral, pag-oorganisa at pagpapaunlad ng komunidad. Ito ay kinakapalooban ng pakikipagpalagayang-loob, pananaliksik at pakikiisa sa batayang sektor mula sa hanay ng mga magsasaka, mangingisda, katutubo, manggagawa, maralitang tagalunsod, migrante at bakwet (evacuee) sa pamamagitan ng pagtira, pagsama at paglagi sa kanilang sambahayan at/o pamayanan. Nasasaksihan at nasusuri ng nakikipamuhay na mag-aaral ang natural na kapaligiran (natural setting) kung saan umiiral ang gawaing pamproduksyon, panlipunang relasyon at ekspresyong pangkultura ng mga naturang mamamayan at sektor. Ang sumusunod ay tala ng mga panuntunan at tagubilin sa pakikipamuhay sa komunidad sa konteksto ng kultura at lipunang Pilipino.

·      Linawin sa lahat ng panig ang mga batayang layunin ng pakikipamuhay sa komunidad.

·      Tukuyin ang mga nais matutunan at maranasan mula sa pakikipamuhay alinsunod sa layunin ng programa.

·      Ilatag at ipahayag ang ekspektasyon ng bawat isa ukol sa pakikipamuhay na isasagawa.

·      Magsagawa ng oryentasyon upang maunawaan ng lahat ang mga oportunidad, potensiyal, hinaharap, alalahanin at hamong kaakibat ng pakikipamuhay.


·      Magsagawa ng asset mapping para matukoy ang mga rekurso at kalakasang taglay ng pangkat na makikipamuhay, gayundin ng komunidad na lalagakan at lulubugan.

·      Magsagawa ng paunang pagbabasa at pag-aaral ukol sa kasaysayan at kultura ng lugar.

·      Unawain din ang pagkakaiba-iba (at talaban) ng pook-rural, pook-urban at pook-rurban, gayundin maging ng mga batayan ng kanilang interseksyon (at tambalan).

·      Magpakilala sa pamilya at pamayanan at ipaliwanag ang layunin ng pakikipamuhay.

- Advertisement -

·      Tukuyin ang itatagal ng pakikipamuhay bilang bahagi ng pagtatakda ng ekspektasyon.

·      Tandaan na mahalagang salik sa ikatatagumpay ng pakikipamuhay ang paghahanda sa gawain. Bahagi nito ang pisikal, intelektuwal at sikolohikal na preparasyon.

·      Hamunin ang kinagisnang onto-epistemolohiya na nagpapalagay na ang karunungan ay mula lamang sa pamantasan, laboratoryo at batayang aklat.

·      Pahalagahan ang kaalaman mula sa komunidad na sumasalamin sa karunungang halaw sa kalikasan at pinanday ng karanasan at kasaysayan.

·      Humalaw ng aral at gabay sa Sikolohiyang Pilipino (SP) upang higit na mailapat ang gawain at pakikisalamuha sa konteksto ng pagkatao at lipunang Pilipino.

·      Hasain ang kasanayan sa pag-oobserba sa pisikal at panlipunang kapaligiran.

- Advertisement -

·      Paganahin ang iba’t ibang sense perception kagaya ng paningin, pang-amoy, pandinig, panlasa at pandama upang maunawaan ang kinakapaloobang ekolohiya.

·      Itala sa dyornal ang mga kaisipan at damdamin ukol sa karanasan mula sa pakikipamuhay. Kritikal ito upang matandaan at mapagnilayan ang mahahalagang kaalaman at maidokumenta ito nang may diin, direksyon at detalye.

·      Magpakumbaba sa pakikitungo sa tinutuluyang pamilya at komunidad. Malalim na balon ng kaalaman ang matutunan mula sa kanila na hindi matutumbasan ng paaralan at pamantasan.

·      Unawain ang kultura at kapaligiran kung saan nakapaloob ang mga mamamayan at alamin kung paano nito hinuhubog ang kanilang pagkatao at kakanyahan.

·      Irespeto at kilalanin ang katutubong kultura at tradisyon. Kasama rito ang manipestasyon ng mga katutubong kasanayan at praktika kagaya ng ethnomedicine, ethnonutrition, ethnobotany, ethnohydrology, ethnolinguistics, ethnomusicology at iba pa.

·      Ipakita ang interes, malasakit at simpatya sa mga ibinabahaging kuwento at damdamin ng kapanayam mula sa tinutuluyang pamilya at komunidad.

·      Unawain kung paano nakakaapekto ang kalikasan at heograpiya sa kultura at lipunan, lalo na sa larangan ng kabuhayan, transportasyon, arkitektura, likhang-sining, pananampalataya, wika at komunikasyon sa komunidad.

·      Unawain ang umiiral na relasyon sa kapangyarihan sa komunidad. Maaaring gawing lunsaran ang babasahing ito bilang panimula: Power Mapping 101 – Pinoy Peryodiko.

 

·      Hasain ang sarili sa mga alternatibong paraan ng pangangalap ng kuwalitatibong datos kagaya ng storytelling, oral histories, life histories, life history calendar, photo elicitation, photo voice, ethnovideography, body mapping, transect walk, trip chaining, mobility mapping, countermapping, place-based inquiry, mobile ethnography, autoethnography at iba pa. Maaaring sumangguni sa mga babasahing ito bilang panimula:
Paglalakbay-masid at paglalakbay-suri sa komunidad – Pinoy Peryodiko
Walking interview bilang alternatibong metodo ng pananaliksik – Pinoy Peryodiko
Place-based Inquiry 101 – Pinoy Peryodiko
Autoethnography 101 – Pinoy Peryodiko
Storytelling 101 – Pinoy Peryodiko

·      Huwag maging mapagmataas sa pakikisalamuha at pakikipanayam.

·      Iwasang kasangkapanin ang komunidad upang makabuo ng pananaliksik para lamang sa personal at/o propesyonal na ganansiya. Kasama rito ang mga pananaliksik na may layunin lamang na makapagtapos ng kurso, makatanggap ng pagkilala at makapagtamasa ng promosyon. Iwasang maging manggagamit ng kapwa na kinakapital lamang ang komunidad para sa sariling pakinabang.

·      Isulat ang pananaliksik sa wikang mauunawaan ng komunidad. Maaaring isalin sa Filipino ang papel o pananaliksik kung naunang isulat sa wikang banyaga. Kung masyadong akademiko at teknikal ang paraan ng pagdadalumat at pagkakasulat, paano natin aasahan na mauunawaan at magagamit ito ng ipinagpapalagay na nais sana nating matulungan?

·      Iwasang maging mapagmalaki at mapanumbat ukol sa inaakala nating taglay nating kalakasan at kapasidad.  Nakakapagpababa ito ng moral at pagkatao ng ating kapwa. Kung mayroon tayong ganitong tendensiya sa pamantasan (lalo na sa hanay ng mga dalubguro), ano pa kaya ang inaasahang magiging asal natin sa komunidad?

·      Kilalanin ang ahensiya at awtonomiya ng mamamayan at komunidad. Irespeto ang kanilang karapatan sa sariling pagpapasya (o right to self-determination).

·      Pahalagahan ang oras ng iba kung magsasagawa ng pakikipanayam at pangkatang talakayan.

·      Maging pleksible sa istruktura at daloy ng pananaliksik at panayam dahil sa maaaring magkaiba o hindi nagtatambal na panahon, iskedyul at siklo ng pamantasan at komunidad.

·      Maging maagap sa pagtugon sa mga pagbabago at hindi inaasahang pangyayari bunga ng mga kompleksidad na umiiral sa komunidad.

·      Tiyakin ang kaligtasan ng mga mananaliksik, kamananaliksik, tinutuluyang pamilya, organisasyon at komunidad sa lahat ng pagkakataon.  Sa kontekstong ito ay napakahalagang magarantiya ang pisikal at sikolohikal na kaligtasan (physical and psychological safety) ng bawat isa.

·      Iwasang maging pabigat sa sambahayan at pamayanan sa pamamagitan ng pagtulong sa mga gawaing bahay at gampaning pangkomunidad.

·      Tandaan na bahagi ng pakikipamuhay ang pagsalo sa hapag ng pamilyang tinutuluyan.

·      Ikonsidera rin ang pag-aambag sa hapag-kainan sa pamamagitan ng pagtulong sa preparasyon at/o pagsesentro ng anumang maidadagdag sa pagsasaluhan.

·      Ipatupad sa pinakamataas na antas ang etikal na pamantayan sa pakikipamuhay.

·      Ihingi ng pahintulot sa pamilya at pamayanan kung gagamit ng mga recording device para sa pananaliksik at pangangalap ng datos.

·      Iwasang maging extractivist ang katangian ng pananaliksik kung saan hinuhuthutan lamang ng datos ang mamamayan at komunidad para sa personal at propesyonal na pakinabang ng mananaliksik.

·      Tandaan na ang pakikipamuhay ay may dakilang layunin na makapag-ambag sa
pag-unlad ng mga mamamayan sa pamamagitan ng pagtukoy, paghamon at pagtugon sa mga umiiral na problemang pangkaunlaran sa pamayanan.

·      Ikonsidera na itanghal o ipresenta sa komunidad ang repleksyon at resulta ng iyo/inyong pakikipamuhay at pananaliksik upang maging batayan ng pagkakaisa at pagkilos tungo sa pampamayanan at panlipunang pagbabago.

 

·      Ikonsidera ang pag-oorganisa ng simpleng programa ng pakikiisa, pamamaalam at pasasalamat sa komunidad sa tulong ng mga katuwang na organisasyon. Maaari isagawa ito sa pamamagitan ng kultural na pagtatanghal.

·      Pahalagahan at pagtibayin ang nabuong samahan at pagkakaibigan sa komunidad.

·      Magbalik-tanaw sa karanasan at pahalagahan ang mga naging aral at pagpapanibagong-hubog na dinaanan bilang indibidwal, iskolar at mamamayan.

Bilang pagbubuo(d), mahalagang bigyang-diin ang kritikal na papel ng pakikipamuhay sa iba’t ibang larangan kagaya ng development studies, area studies, cultural studies, community development, social work, health social science, anthropology, sociology at iba pa. Tandaan na higit sa lahat, ang layunin ng pakikipamuhay ay mag-ambag sa ikauunlad at ikabubuti ng komunidad kumpara sa kasalukuyang kalagayan nito.

Pasa sa inyong reaksyon at pagbabahagi, maaaring umugnay sa pamamagitan nito: [email protected].

 

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -