27.6 C
Manila
Biyernes, Hunyo 5, 2026

Kapag puno na ang salop, kalusin na 

ULTIMONG BIGWAS 

- Advertisement -
- Advertisement -

SIMULAN sa unang limang sityong EDCA (Ehanced Defense Cooperation Agreement) na ipinagkaloob ng Pilipinas bilang sariling mga base militar ng Amerika noong 2016: Cesar Basa Airbase sa Pampanga, Fort Magsaysay sa Nueva Ecija, Mactan-Benito Ebuen Airbase sa Cebu, Antonio Bautista Airbase sa Palawan, at  Lumbia Airbase sa Cagayan de Oro. 

Sa pag-upong-pag-upo ni Presidente Ferdinand R. Marcos Jr., apat pang sityong EDCA ang nadagdag na ipinamigay, ang Camp Melchor de la Cruz sa Gamu, Isabela, La-lo Airport at Camilo Osias Naval Base sa La-lo Cagayan, at ang Balabac Island sa Palawan. 

Ang mga sityong EDCA, bagama’t nasa loob mismo ng mga kampo ng Armed Forces of the Philippines (AFP), ay sa totoo lang mga base militar ng America, pag-aari ng Amerika sa dahilang mga patakaran lamang ng Estados Unidos ang nasusunod at hindi maaaring inspeksyunin man lang ni katiting ng mga awtoridad ng Pilipinas. 

Kahit presidente ka pa. 

Walang nakatakdang  haba ng panahon ang mga sityong EDCA. Ang sinasabi ng kasunduan, kung gusto na ng Presidente ng Pilipinas na tapusin na ang EDCA, liliham siya sa Presidente ng Estados Unidos na ibig na niyang wakasan ang EDCA, at makaraan ang isang taon, tapos na ang kasunduan. 


Pwede nang ibalik sa Pilipinas ang mga sityong EDCA. 

At kung anoman ang mga pasilidad na naitayo ng Amerika sa mga sityong iyun ay pababayaran sa Pilipinas. 

Di kaginsa-ginsa, biglang bulaga ang Pax Silica Initiative na walang kamalay-malay ang bayan ay pinagkasunduan na pala ng Pilipinas at ng Amerika sa pamamagitan ng kani-kaniyang mga ahensyang pang-ekonomiko. Sa ilalim ng kasunduan, halos 2000 ektaryang lupain  sa New Clark City sa Tarlac ang ipagkakaloob ng Pilipinas nang walang bayad sa loob ng 99 taon upang pagtayuan ng kung anu-anong mga modernong industriya – tatawaging Luzon Economic Corridor. 

Huwag munang pag-usapan kung totoong ang Luzon Economic Corridor ay magdudulot ng kaunlaran kuno sa Pilipinas. Wala pang patunay dito. Ang totoo ngayon pa, ang 2000 libong ektaryang lupain ay hihiwain na mula sa Pilipinas ngayon pa lang na parang hindi na bahagi ng soberaniya at teritoryo ng bansa at sa susunod na 99 taon ay ganap nang labas sa anumang hurisdiksyon ng Republika ng Pilipinas. 

- Advertisement -

Eto ngayon ang pinakahuling siste. 

Para bang ang mga nagdaang paghiwa-hiwa sa lupain ng Pilipinas ay kulang pa, eto ngayon si Defense Secretary Gilbert Teodoro, namuno sa isang operasyon noong Mayo 18, 2026 na humuli sa 70 manggagawang Chino ng Philippine Sanja Steel Corporation na nasa loob ng Philippine Veterans Investment Development Corporation (PHIVIDEC) Industrial Esrate, Misamis Oriental. 

Nakakaintriga na ang operasyon ay pinamunuan ng Secretary ng Defense.  Antimano may pahiwatig na ang operasyon ay may direktang kaugnayan sa sektor ng seguridad. 

Ang operasyon ay isinagawa ng mga ahente ng National Bureau of Investigation (NBI) at Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC), suportado pa rin ng Association of Generals and Flag Officers (AGFO) ng Armed Forces of the Philippines (AFP). Hinuli ang mga manggagawang Chino sa di-umanong sala na paggamit ng mga nakalalasong kemikal sa pagmanufactura ng bakal at pagtatrabaho ng walang kaukulang permiso.  

Ang mga alegasyon na ito ay mariing pinasinungalingan ni  Philippine Sanja Steel Corporation Legal Counsel Julia Chu na nagsabing bawat isa sa mga hinuling manggagawang Chino ay may mga kaukulang ligal na dokumento upang magtrabaho. 

“Handa kaming ipakita ang mga dokumentong ito anumang oras na kanilang hingiin,” wika ni Chu. 

- Advertisement -

 Pinasinungalingan din ni Chu ang paratang na ang pabrika ng bakal ay iligal. 

Ayon Kay Herman Tiu Laurel, pangulo ng Asian Century Philippines Strategic Studies Institute (ACPSSI) na naalarma sa operasyon ni Teodoro at kaagad na rumesponde sa pamamagitan ng kanyang palatuntunan sa radyo, ang sinalakay na kumpanya ay nasa loob ng compound ng PHIVIDEC, isang Government Owned and Controlled Corporation (GOCC). 

“Papaanong magiging iligal ang isang kumpanya na nakatatag sa loob mismo ng pag-aari ng pamahalaan?” komento ni Laurel. 

Inilahad ni Laurel ang kasaysayan ng Philippine Sanja Corporation, na, aniya, ay hinimok ng gobiyerno ng Pilipinas upang magpundar nga ng pabrika ng bakal sa compound ng PHIVIDEC.  

“Papaanong magiging iligal ang isang negosyo na gobiyerno mismo ang humimok na itatag?” wika ni Laurel. 

“Pwera na lamang kung ang gobiyerno ay iligal,” dugtong ni Laurel. “Iligal ba, ha, Gibo?” 

Bukod sa 70 manggagawang Chino, ang mawawalan ng hanapbuhay sa ginawa ni Gibo ay 300 manggagawang Pilipino. 

Binalikan ni Laurel ang papaunlad nang steel industry sa ilalim ng administrasyon ng amang Ferdinand Marcos. Napigilan ang tuloy-tuloy na pag-unlad ng industriya nang sa basbas ng Amerika ay napatalskik sa puwesto si Marcos. Ngayong sa tulong ng China ay nakapagpanibagong simula ang naunsiyaming pangarap ng kanyang ama, makapapayag ba si Bongbong na ito ay muling kitilin? 

Sa agad na pananaliksik na ginawa ni Laurel bilang pagresponde sa pangyayari, lumitaw na ang PHIVIDEC estate na siyang kinatatayuan ng Philippine Sanja Steel Corporation ay siya palang pinorograma ng Amerika na pagtayuan ng higanteng naval base na tutugon sa mga operasyon ng US Navy sa Davao Region. 

Noon pang nakaraang taon, kinumpirma na ng Pentagon na kakailanganin ng US Navy ang mag imbak ng di kukulangin sa 41 milyon galon ng langis para sa mga operasyon nito sa South China Sea.  

Kakailanganin nga naman ang malawak na estate ng PHIVIDEC upang matugunan ang pangangailangan ng Estados Unidos sa mga pakikipagiyera nito sa Asya Pasipiko. 

Maliwanag na ang pananalakay ni Teodoro ay unang hakbang lamang sa isa muling paghiwa sa teritoryo ng Pilipinas.  

Tiyak na tulad ng mga Sityong EDCA, ng 2000- ektarya Luzon Economic Corridor ng Pax Silica, at ng sapilitang inagaw na PHIVIDEC Industrial Esrate, marami pang presyosong mga parsela ng lupang hinirang ang pagpipira-pirasuhin para tugunan ang walang sagad na kagahamanan ng Estados Unidos. 

Walang katapusang panduduhagi sa soberaniya’t dangal ng Pilipino. 

Ang masakit, sa harap ng lahat nang ito, tahimik pa rin ang sambayanan. 

Tama na.  

Sobra na. 

Pilipino, umaray ka naman na.  

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -