INAKUSAHAN sina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., Senators Vicente “Tito” Sotto III at Erwin Tulfo, Representative Leila de Lima at dating Rep France Castro at iba pa ng 18 ex-Marine na tumanggap diumano ng mga maleta ng pera sa ginanap na hearing kahapon sa Senado. Sa pangunguna ni Senate Ribbon Committee Chairman Senator Pia Cayetano na ipinagpatuloy ni BRC Sub-Committee Chairman Rodante Marcoleta, Senate President Alan Peter Cayetano at Senador Imee Marcos.

Dininig ng panel ang mga affidavit ng 18 ex-Marines na isinumite nila sa Office of the Ombudsman sa tulong ni Atty. Levito Baligod.
Dumalo din sa pagdinig sina Senator Loren Legarda at Senator Robinhood Padilla.
Palasyo: Ano ang ebidensya?
Ipinagkibit-balikat ng Palasyo ang testimonya ng mga ex-Marines at sinabi sa isang press briefing ni Communications Undersecretary Claire Castro, “Ano ang ebidensya? Pakita muna nila yung ebidensya. Madali kasi ang magturo lalo kung ang balak mo lang ay manggiba at magsilbing obstructionist o destabilizer.”
Ayon kay Johnny Buduan, taong 2022, nag-deliver sila ng limang maleta sa Ilocos Norte. Inilagady diumano nila ang mga maleta sa bulletproof Lexus na sinamahan ng itim na bulletproof Toyota Hilux.
“Ikinarga po naming sa Lexus na bulletproof at saka binabackupan ng Hilux na bulletproof din,” kuwento ni Buduan.
Nang tangungin siya kung para kanino ang mga maleta, sinagot niya nang “Ang narinig ko po noon ay para kay President Marcos, sir.”
Nilinaw ni Buduan na dinala ng kanyang grupo ang mga maleta sa “Delta Gate” habang sina Sgt. Belnard Tube at si “Boss Zaldy” (Zaldy Co) ang nagdala sa Ilocos Norte.
Idinagdag pa ni Tube na kalaunan, nagbiyahe siya papuntang Paoay, Ilocos Norte pero hindi niya masigurado kung saang bahay sila pumunta dahil gabi na noon. Inilarawan niya itong malapit sa dagat at nakakita umano siya ng mga litrato ng dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr. at mga miyembro ng pamilya Marcos sa loob ng bahay.
“Letter U na bahay,” sabi ni Tube.
Nang tanungin ni Senator Imee Marcos kung may nakita siyang miyembro ng pamilya noong bumisita sila, sinabi ni Tube na dumating si Representative Sandro Marcos na sinundan ni First Lady Liza Araneta Marcos.
“Noong dumating po kami, sila-sila lang po. Nauna po si Cong. Sandro, then next po si President, then si First Lady,” kuwento niya.
Romualdez itinanggi ang paratang
Ayon kay Buduan, kasama si Leyte Rep at House Speaker Martin Romualdez sa mga tumanggap ng may 60 hanggang 70 maleta tatlo hanggang apat na beses sa isang linggo na iba-iba ang tumatanggap.
Mariing itong itinanggi ni Romualdez at sinabing “I never received or benefitted from the kickbacks in any infrastructure project.” Idinagdag pa niya na wala siyang binigyan ng kapangyarihan na makipag-deal kahit kanino na sisira sa kanyang pangalan. Sinabi niya ito sa pamamagitan ng isang video na ipinalabas kamakailan.
Ayon kay dating Marine Benny Bolutante, sa ginanap na hearing sa Senado, na nagsimula silang mag-deliver sa mga lokasyon na may kinalaman kay dating House Speaker Martin Romualdez nang maging chairman si Boss Zaldy ng Committee on Appropriattions noong Setyembre 2022.
“Yung sa kay dating Speaker Martin Romuladez po, nag-umpisa noong umupo si Cong Zaldy Co as chairman of appropriations simula September hanggang matapos yung termino niya po,” sabi ni Bolutante.
Dagdag pa niya, “2024 po hanggang natapos ang termino ni Boss sa 14 Narra St. na po.”
Nang tanungin siya kung sino ang tumatanggap ng mga delivery ng mga maleta, sinabi niya na si “Jocelyn” at iba pang caretaker ang tumatanggap sa McKinley road.
“Doon sa 42 si mayordoma ang tumatanggap, si Ma’am Jocelyn po, saka yung ibang katiwala niya po na hindi naming kilala,” sabi niya.
Senator Sotto: It’s a bogus investigation in aid of destabilization
Samantala, sinabi ni Bulotante na bahagi siya ng advance team na pumunta sa isng building sa Baclaran na associated kay Senator Sotto bago dumating sina Co at mga kasama nito.
“Nauna kami sa area kasi in-advise-an kami ng team leader naming na mag-proceed na sa building ni Tito Sotto sa Baclaran,” kuiwento ni Bulotante sa mga senador ng Blue Ribbon.
Ayon kay Bulotante, limang malalaking maleta and dinala sa Baclaran noong 2024 bago ang eleksyon.
Nang dumating umano si Co, ang mga maleta ay dinala sa basement ng building at isinakay sa elevator kasama ng ilan pang mga tao na kasama ni Co.
Nang tanunging siya kung ano ang laman ng mga maleta, sinabi niyang, “Pera po.”
Mariing itinanggi ni Sotto ang mga sinabi ni Bulotante.
“I will not dignify such, because I was not a senator from 2022 to 2025. The name they mentioned na EA ko dawn a tumanggap ay si Mark. Mark died in 2015,” paliwanag ni Sotto nang hingan siya ng komento tungkol sa naganap na hearing.
Tinawag niya ang hearing na “ a bogus investigation in aid of legislation.”
Sen Erwin Tulfo: Isang malaking kasinungalingan
Sa pagdinig sa Senado, sinabi ni Bernard Gumban na personal siyang kasama sa dalawang delivery na diumano ay para kay Tulfo.
“Nakapag-deliver po ako kay Senator Erwin Tulfo ng dalawang beses,” sabi niya.
Ayon kay Gumban, ang una niyang delivery ay dalawang maleta, isang maliit at isang medium samantalang ang ikalawang delivery ay anim na maleta na iba-iba ang laki.
Sinabi niya na sa bahay ni Tulfo sa Greenhills nila ito dinala.
Nang tanungin kung bakit alam niya na kay Tulfo ang bahay ay sinabi niyang nagtanong siya kay “Boss Mark” (Tecsay).
“Sabi ko, ‘Boss Mark, kaninong bahay ito?’ Sabi niya, ‘Kay Senator Erwin,” kuwento ni Gumban.
Sa pahayag ni Senator Erwin Tulfo sa website ng Senate of the Philippines, sinabi ng senador na “Malaking kasinungalingan ang mga naging paratang ni Bernard Gumban, isa sa mga nagpakilalang 18 ex-Marines, sa ginanap na bogus Blue Ribbon Committee Hearing. Sa sobrang daming kasinungalingan, siya mismo litong-lito.
“Una, sabi niya sa kanyang naunang sinumpaang salaysay, nag-deliver raw siya sa akin ng anim na medium-sized na maleta. Ngunit, galing na mismo sa kanyang bibig kanina na dalawa at anim na maleta ang kanyang idinedeklara,” sabi ng senador.
“Pangalawa, pati sa halaga ng diumano’y nilalaman ng mga maleta, nagkagulo-gulo na. Sabi dati, kapag small, 15 to 25 million ang laman tapos ngayon, 20-25 million. Samantalang sa medium, 30 to 40 million sa affidavit, tapos 40-50 million naman ngayon. Ano ba talaga?” dagdag ni Tulfo.
Tinuligsa ni Tulfo ang nangyaring hearing at sinabing, “Walang puwang sa Senado ang mga fake news at trolls. Sana nag-FB Live na lang kayo. Magkita-kita tayo sa lehitimong Blue Ribbon committee hearing.”
Mga miyembro ng House, pumalag
Ayon sa nagbigay ng testimonya sa hearing, palagi umanong nakikipag-miting si Rep France Castro kay Co sa kanyang opisina sa Kongreso at sa bahay nito sa townhouse.
“Lagi kaming nagmi-miting nila Boss Zaldy Co sa opisina niya sa Congress saka sa townhouse,” sabi ng witness.
Pagkatapos ng miting, aniya, si Castro at ang iba pa ay may dalang paper bags paglabas ng kuwarto.
Ikinuwento rin ng parehong witness na maging sina dating Kabataan Party-list representative Raoul Manuel at dating Gabriela Party-list Representative Arlene Brosas ay naroon din sa kanilang ilang miting.
“Si Leila de Lima, lagi po yan sa townhouse. Ka-meeting po sila ni Boss.Tapos, pagkatapos po niyan may dala-dala na rin po,” kuwento ng witness.
Ayon kay De Lima at Fr. Flavie Villanueva na inakusahan din na tumanggap ng maleta na walang katotohanan sa mga sinabi ng mga Marine at nag-file na sila ng complaint laban sa 18 ex-Marines at maging sa abogado ng mga ito na si Atty. Levito Baligod.
Sa isang pinagsama-samang pahayag nina Castro, Manuel at Brosas, pinabulaanan nila ang mga alegasyon at sinabing ang lahat ng ito ay “baseless and malicious and a desperate act of political demolition.”
Dagdag pa nila, “All they have are conjectures, vague insinuations, and outright lies, because they have no evidence of any wrongdoing by Makabayan. Anyone can produce a photo and make an outrageous claim, but these so called witnesses have failed to present an iota of evidence that will hold up in any court.”
Ang iba pang mga nabanggit sa pagdinig ay sina Rep Zia Alonto Adiong, Rep Joel Chua, Rep Janette Garin, Rep Benny Abante, Rep Gerville Luistro, Rep Jose Alvarez, at maging ang mga dating mambabatas na sina Stella Quimbo, Terry Ridon, Ace Barbers at Dan Fernandez.

