BINIGYANG-DIIN ni Senator-Judge Imee Marcos na ang Impeachment Court ay may kapangyarihan lamang na litisin ang mga umano’y paglabag na nagawa sa kasalukuyang termino ng isang opisyal, alinsunod sa malinaw na itinakdang alituntunin ng Korte Suprema.
Dahil dito, inihayag ni Senator-Judge Marcos ang kanyang pagtutol sa pag-isyu ng mga subpoena para sa bank, BIR, at Anti-Money Laundering Council (AMLC) records na sumasaklaw pa sa mga panahong wala sa kasalukuyang termino ni Bise Presidente Sara Duterte.
Ayon kay Marcos, malinaw ang pinal na desisyon ng Korte Suprema sa kasong Duterte v. House of Representatives (G.R. No. 278353) na ang mga paratang sa isang kaso ng impeachment ay dapat tumukoy lamang sa mga kilos na may kaugnay sa kasalukuyang terminong pinaglilingkuran ng isang opisyal.
“Nagsimula ang termino ng bise presidente noong Hunyo 30, 2022. Ang mga sinasabing ginawa bago ang petsang ito ay hindi maaaring maging paksa ng impeachment laban sa kanya bilang bise presidente,” pahayag ni Marcos.
Aniya, anumang alegasyon ng hindi maipaliwanag na yaman na umano’y naipon bago ang Hunyo 30, 2022 ay wala sa saklaw ng paglilitis sa impeachment. Kung may usapin tungkol sa mga naipong ari-arian bago ang kanyang panunungkulan bilang bise presidente, ang nararapat na forum para rito ay ang mga regular na hukuman at hindi ang Impeachment Court.
Nilinaw ni Senator-Judge Marcos na hindi siya tutol sa pagkuha ng bank at BIR records kung ang mga ito ay mahigpit na limitado lamang sa kasalukuyang termino ng bise presidente, simula Hunyo 30, 2022. Aniya, ang Bank Secrecy Law ay nagpapahintulot sa pagkuha ng mga rekord na ito sa impeachment proceedings, ngunit tanging sa loob lamang ng panahong saklaw ng kasalukuyang termino. Dagdag pa niya, ang BIR records ay maaari lamang ilabas sa pahintulot ng Pangulo sa ilalim ng National Internal Revenue Code at dapat ding limitado sa kasalukuyang termino.
Nanindigan si Senator-Judge Marcos sa kanyang pagtutol sa paghingi ng mga datos mula sa Anti-Money Laundering Council (AMLC). Ipinaalala niya na ang Impeachment Court ay hindi exempted sa mahigpit na confidentiality requirements ng Anti-Money Laundering Act, lalo na matapos itong amyendahan ng Republic Act No. 11521.
Nagbabala si Marcos na ang pagdinig sa mga alegasyong wala sa saklaw ng kasalukuyang termino ng bise presidente ay paglabag sa itinakdang hurisdiksyon ng Impeachment Court at pag-agaw sa kapangyarihang nakalaan sa Hudikatura. Aniya, ang mga hinihinging subpoena ng prosekusyon ay labis ang saklaw at tahasang taliwas sa malinaw na mga alituntunin ng Korte Suprema, kaya ang pag-apruba sa mga ito ay maituturing na labis na pang-aabuso sa pagpapasya.

