33.1 C
Manila
Martes, Hulyo 21, 2026

Sakit na maaaring maidulot ng mabahong landfill, ikinabahala ni Sen Raffy

- Advertisement -
- Advertisement -

SINITA ni Senate Committee on Environment and Natural Resources Chairperson Sen. Raffy Tulfo ang naging pahayag ni Department of Health (DOH) Environmental and Occupational Health Division Chief Dr. Gabriel Borlongan na wala umanong direktang epekto sa kalusugan ng mga mamamayan ang mababahong landfills.

Sa hearing ng  komite nitong July 20, tinanong ni Sen. Raffy si Borlongan kung may datos ba ang DOH sa mga sakit na posibleng makuha ng mga taong nagtatrabaho sa landfill areas, kung saan may posibilidad na ma-expose sila sa mga toxic at contaminated chemicals gaya ng mercury.

“For the past years, maraming lumalapit saking programa na mga tao na nakatira malapit  sa babuyan, sa landfill at sila ay nagkakaroon daw ng asthma, lalo na ang mga bata at senior citizens, humihina pa ang immune system. Dapat ay pag-aralan ninyo ito,” saad niya.

Dito ay personal na inamin ni Borlongan na wala silang routine monitoring at surveillance  sa mga ganitong kaso.  Inamin din niya na base sa mga lokal at internasyonal na pag-aaral, maari ngang magdulot ng infectious diseases at abnormalities sa immune system ang pagkaka-expose sa mga naturang kemikal.

Tinanong din ni Sen. Tulfo kay Borlongan kung paano nito nasabing walang direktang  epekto ang sa kalusugan ng mga tao  ang mababahong landfills gayong marami na siyang natatanggap na mga reklamo sa kanyang programa mula sa mga residenteng nakatira malapit sa mga babuyan o landfill. Ayon sa senador, ang mga bata at senior citizens sa mga lugar na ito ay madalas na nagkakaroon ng sakit tulad ng asthma, bronchitis, Chronic obstructive pulmonary disease (COPD) at patuloy na humihina ang immune system.


Dahil dito, sinabi ni Sen. Raffy na tila walang sapat na paghahandang ginagawa ang  gobyerno ukol sa naturang isyu. Iminungkahi rin niya na pag-aralan ang pagkakaroon ng sapat na gamot sa mga barangay para sa mga nasabing sakit – bagay na sinang-ayunan ni Borlongan.

Sinabi ni Borlongan na tama ang punto ni Sen. Raffy na ang prolonged exposure sa mga toxic wastes gaya ng hydrogen sulfide ay maaaring mag-trigger ng asthma at iba pang respiratory diseases na lubhang mapanganib sa kalusugan at nararapat lamang na agarang aksyunan.

Bagamat hindi umano masasagot ng direkta ni Borlongan ang tanong tungkol sa mga  epekto ng landfill collapse, sinabi niyang maaaring makipag-ugnayan ang DOH sa iba pang ahensya na may kinalaman sa disaster response upang mas mapaghandaan ang ganitong mga sitwasyon, kabilang ang physical devastation at mga posibleng chemical at biological effects nito.

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -