28.2 C
Manila
Lunes, Hulyo 20, 2026

‘Pahina/Hinahon’ sa ‘National Children’s Book Day’

- Advertisement -
- Advertisement -

WARING isang pangkaraniwang buwan lamang ang Hulyo sa ating kalendaryo. Ang kagyat na papasok sa isip ay ang selebrasyon ng Nutrition Month at ng National Disability Rights Week. Pero may isa pang kakaibang nangyari sa buwang ito na nagbunsod kung bakit ipinagdiriwang ng bansa ang Pambansang Araw ng Aklat Pambata o National Children’s Book Day (NCBD) tuwing Hulyo. Buwan kasi ng Hulyo nang malathala ang muling pagsasalaysay (retelling) ni Dr. Jose Rizal ng popular na kuwentong-bayan na ‘Si Matsing at Si Pagong’ (The Monkey and the Tortoise) sa Trubner’s Oriental Record, isang dyornal sa London na nakalaan para sa mga panitikang mula sa Far East.

Ang poster ng NCBD ngayong taong ito (2026). Disenyo ni Al Estrella. Hanapin sina ‘Matsing at Pagong’ sa naturang poster bilang tribute sa kuwentong bayan na muling isinalaysay ni Dr. Jose Rizal.

Ikatlong Martes ng Hulyo nang taong 1889 nang malathala ang kuwentong-bayan na ito sa naturang dyornal. Kaya nang nag-iisip ang Philippine Board on Books for Young People (PBBY), ang ahensiyang nasa likod ng pagdiriwang ng NCBD, ng isang petsa na ilalaan para sa pagdiriwang ng Pambansang Araw ng Aklat Pambata, naisip nila ang partikular na araw na ito. Mula noon, sa tuwing ikatlong Martes ng Hulyo ng bawat taon ginaganap ang NCBD. Umulan man o bumagyo, tuloy ang pagdiriwang ng araw na ito. Kay sarap isipin na may isang espesyal na araw na nakalaan para sa aklat pambata.

Ang kasalukuyang board members ng Philippine Board on Books for Young People (PBBY): mula sa kaliwa, counterclockwise: Ani Almario, Portia Padilla, Liza Flores, Zarah Gagatiga, Paula Cabochan Reyes, Emily Abrera, Nina Lim-Yuson, Wilma Huang (guest; Museo Pambata President), Frances Ong, Dina Ocampo, Rey Bufi, Vic Villanueva, Tom Fernando, Luis Gatmaitan, at Beverly Siy.

Ngayong taong ito, ang temang napili ng PBBY para sa National Children’s Book Day ay ang ‘PahinaHinahon.’ Pinagsanib ang dalawang salita na ‘pahina’ (pages) at ‘hinahon’ (calm/peace). Dahil kabi-kabila ang giyerang nangyayari sa daigdig gaya ng sa pagitan ng Israel at Iran, sa Israel at Palestina, at sa Ukraine at Rusya, at sa iba pang panig ng mundo, nais ng PBBY na ipanukala na ang pagbabasa ng aklat ay isang mabisang kasangkapan upang pumayapa o huminahon ang ating mga damdamin, partikular ang damdamin ng mga bata sa panahong gaya nito. Maaari ring ipakahulugan ng ‘PahinaHinahon’ na magpahinga o kumalma sa mga pahina ng aklat.  Na maging kanlungan ang pagbabasa. Na maging kanlungan ang aklat.

Gaganapin ang pagdiriwang ng NCBD sa Museo Pambata na isang institutional member ng PBBY. Nasa larawan si Wilma Huang, Presidente ng Museo Pambata, na napaliligiran ng mga bata.

Bilang paghahanda para sa paparating na NCBD sa July 21 (ikatlong Martes ng Hulyo ngayong taong ito), ang PBBY ay nagdaos ng ‘Children’s Book Lab’ lecture-workshop sa National Library of the Philippines noong July 4 tungkol sa paglikha ng panitikang pambata. Si Russell Molina, premyadong children’s book author at comics author-artist, ay tumalakay sa paksang ‘May K kang Mag-Komiks.” Ang inyong lingkod, Luis Gatmaitan, ay nagbigay naman ng gabay sa pagsusulat ng kuwento sa lekturang ‘Reseta sa Pagkatha ng Aklat Pambata.’ Nakatutuwa na kay raming dumalo sa naturang lecture-workshop. Patunay na marami ang interesadong magsulat ng kuwentong pambata. Sa July 25 naman, Sabado ng hapon, ang librarian-author na si Zarah Gagatiga ay magbibigay ng lecture-workshop tungkol sa ‘Stories as Safe Spaces: Storytelling, Bibliotherapy, and the Practice of Belonging.’ Gaganapin din ito sa National Library of the Philippines.

Tangkilikin at ipagdiwang ang mayamang ani ng ating panitikang pambata. Mga bata, magbasa tayo ng aklat!

Ang PBBY ang nasa likod ng taunang patimpalak sa pagsulat ng kuwentong pambata – ang PBBY-Salanga Prize. Ipinangalan ang naturang award kay Alfrredo Navarro Salanga, isang makata, kritiko, at academic. Ngayong taong ito, ang nagwagi ng PBBY-Salanga Grand Prize ay si Genaro Gojo Cruz para sa kanyang akdang ‘Tinamaan Ako ng Galing.’ Hango sa Pinoy expression na ‘tinamaan ka nang magaling,’ ang kuwento’y  nagtatampok sa kahalagahan ng pamilya, kaibigan, at pagmamalasakit sa kapwa. Si Gojo Cruz ay isang premyadong manunulat at guro sa Literature Department ng De La Salle University. Tumanggap naman ng Honorable Mention ang sumusunod na manunulat: Rhandy Diaz Santos para sa ‘Atsarang Papaya’, Shane Orlene Malinay para sa kuwentong ‘Ayaw Kong Magpalda’, at John Patrick Solano para sa ‘Sayaw ng mga Kamay ni Nanay.’

Larawang guhit ni Larry Alcala, National Artist for Visual Arts at founding member ng PBBY.

Ang isa pang patimpalak na itinataguyod ng PBBY ay ang PBBY-Alcala Prize na tungkol naman sa pagguhit ng aklat pambata. Sa ating National Artist sa Visual Arts na si Larry Alcala ipinangalan ang naturang contest. Ang nagwaging akda sa Salanga Prize ang nagiging piyesa para sa patimpalak sa pagguhit. Nagsa-submit ang kalahok ng ilang spread ng ilustrasyon batay sa naturang kuwento. Ngayong taong ito, mapalad na nasungkit ni Jhucel Atienza Del Rosario ang PBBY-Alcala Grand Prize. Si Del Rosario ay isang guro na tubong Naic, Cavite at nagwagi na rin sa taunang Gawad Teodora Alonso ng DepEd. Kabilang naman sa mga Honorable Mention winners sina Hubert Fucio, Ray Nazarene Sunga, Ada Abigael Aco, at Rica Julia Uy.  Gagawin ang paggagawad ng Salanga at Alcala Prize sa Museo Pambata sa July 21.

Naging paksa sa NCBD ang ‘Magbasa at Magkaunawaan’ (Reading and the Promotion of Culture of Peace) maraming taon na ang nakararaan. Kasama ang mga PBBY board members ng mga nagdaang taon: mula sa kaliwa – Herminio Beltran Jr, Nina Lim-Yuson, Luis Gatmaitan, Rizalina Labanda, Gloria Rodriguez (+), Rene O. Villanueva (+), Ramon Sunico, Ani Almario, Beaulah Taguiwalo, Karina Bolasco, Neni Sta. Romana-Cruz, at National Artist Virgilio Almario

Bukod sa taunang PBBY-Salanga Prize at PBBY- Alcala Prize, nasa kamay rin ng PBBY ang pagbibigay ng National Children’s Book Award (NCBA) tuwing ikalawang taon. Ang NCBA ay isang award na iginagawad sa pinakamahuhusay na aklat pambata o young adults na nalathala sa bansa nang nagdaang dalawang taon. Kabilang sa kinikilala nito ay ang nasa dyanra (genre) ng fiction, non-fiction, picture books, graphic novels, at comic books na sadyang nilikha’t nilathala para sa mga bata. Pumipili ang mga hurado ng NCBA ng sampung Best Reads mula sa mga inilahok na aklat. Ang mga huradong ito ay mga eksperto sa panitikan, ilustrasyon, at book design. May hiwalay na mga batang hurado rin ang NCBA na siya namang pumipili ng KIDS’ CHOICE award mula sa mga lahok. Lagi’t lagi kaming nakaabang sa kung ano-anong mga aklat ang mapipili ng mga bata.  Nasa ika-siyam na taon na ang NCBA.

Sample artwork ng PBBY-Alcala Grand Prize winner Jhucel Atienza Del Rosario

Gaganapin ang selebrasyon ng NCBD sa Museo Pambata sa Roxas Boulevard, Manila sa July 21. Inaasahang dadaluhan ito ng mga sectoral representatives na bumubuo ng PBBY. Lahat ng sektor na sangkot sa paglikha’t paglalathala (at pagtataguyod ng pagbabasa) ng aklat pambata ay may kinatawan. May tatlong institutional members ang PBBY: ang Cultural Center of the Philippines (kinakatawan ng CCP President Kaye Tinga), National Library of the Philippines (kinakatawan ni Jose Tomasito Fernando), at Museo Pambata (kinakatawan ni Dr. Nina Lim-Yuson).

Sample artwork ng PBBY-Alcala Prize Honorable Mention Hubert Fucio

Heto ang iba pang bumubuo ng PBBY ngayong taong ito. Sa sektor ng Booksellers, nandiyan sina Paula Cabochan Reyes / Gayle Dizon Acar; sa Publishers, sina Frances Ong / China Pearl Patria de Vera; sa Mass Media, sina Emily Abrera / Divine Gil Reyes; sa Writers, sina Dr. Luis Gatmaitan / Russell Molina; sa Illustrators, sina Liza Flores / Rommel Joson; sa Storytellers, sina Rey Bufi / Bryan Claud Anastacio; sa Librarians, sina Zarah Gagatiga / Candy May Schijf; sa Educators-Basic Education Level, sina Dr. Vic Villanueva / Christine Asas; sa Educators-Tertiary Level, si Ramon Sunico; sa Researchers, sina Dr. Dina Ocampo / Dr. Cheeno Marlo Sayuno; sa Book Reviewers, sina KB Meniado / Fritzie Anne Louise Beley; sa Reading Advocates, si Dr. Portia Padilla. Ang tumatayo namang Secretary-General ay si Dr. Ani Almario ng Raya School at Adarna House.

Sample artwork ng PBBY-Alacala Prize Honorable Mention Ray Nazarene Sunga

Kahit wala kayo sa mismong lugar na pagdarausan ng NCBD (invitational po lamang kasi ito), hinihikayat namin kayong ipagdiwang ang araw na ito sa anumang paraan na nagtatampok sa lokal na aklat pambata. Magbasa ng aklat pambata. Mag-storytelling o kuwentuhan ang isang bata. Samahan ang isang batang bumisita sa isang library.  Bumili at magregalo ng aklat pambata. Magdaos ng parada ng mga tauhan mula sa lokal nating aklat pambata. Mag-book reading o book-based storytelling at i-post ito sa Youtube. Mag-post ng inyong paboritong local children’s book sa FB, Instagram, o iba pang social media platform. Magdaos ng slogan-writing competition tungkol sa pagbabasa. Magdaos ng storytelling contest. O baka may maisip pa kayong mas maganda.

Maligayang pagdiriwang ng National Children’s Book Day!

 

Ang mga tao sa likod ng mga aklat pambata sa The Children’s Library section ng National Library of the Philippines
Nakadispley sa ating Pambansang Aklatan ang ilan sa mga award-winning children’s books
Nagdaos ng children’s book writing workshop ang PBBY sa National Library bilang paghahanda sa paparating na NCBD. Pinangunahan nina Russell Molina at ng inyong lingkod.
Buhay ang panitikang pambata sa bansa. Marami ang dumalo sa PBBY lecture-workshop nina Molina at Gatmaitan sa National Library.
Ang PBBY board member na si Zarah Gagatiga ay magdaraos ng isang workshop tungkol sa paksang ‘Stories as Safe Spaces’ sa National Library.

 

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -