28.7 C
Manila
Linggo, Hulyo 19, 2026

Ulat ng Ombudsman sa mga kaso nina Padilla, Cayetano at Aplasca

- Advertisement -
- Advertisement -

SARADO na para kay dating aktor at Senador Robinhood Padilla ang pagkakataon upang maghain ng kanyang counter affidavit sa Office of the Ombudsman kaugnay ng reklamong obstruction of justice na nag-ugat sa naunsyaming pag-aresto kay Senador Ronald “Bato” Dela Rosa nitong nakaraang Mayo.

Sa video ng press conference ni Ombudsman Crispin Remulla, sinabi niyang sumagot na si Senador Alan Peter Cayetano, ngunit walang naging tugon mula kay Senador Padilla.

“He has not filed anything. He has not responded. He has not said anything about the cases, the summons given to him. Deadline has passed. He chooses to ignore the Ombudsman, so,  be it.

“They have given a chance to deny, or to dispute, or to reason out, but he can choose to waive everything. Looks like he has chosen to waive it. I don’t know if he has been given any legal advice,” sagot pa ni Remulla kaugnay ng hindi pagtugon ni Padilla.

Bagama’t tapos na ang unang palugit, binigyan naman ng Ombudsman ng karagdagang limang araw ang isa pang respondent na si dating Senate acting Sergeant-at-Arms Mao Aplasca para makapaghain ng kanyang counter-affidavit matapos iparating ang kanyang kagustuhang mabigyan ng extension.


Inaasahan na maihahain ang testimonya ni Aplasca hanggang Hulyo 23.

Sa kabila ng magkahiwalay na tugon nina Senador Cayetano at Aplasca at ng hindi pagtugon ni Senador Padilla, aandar ang kaso bilang isa at hindi dedesiyunan ng tig-iisa, paliwanag pa ni Ombudsman Remulla.

Dahil lagpas na sa itinakdang araw na ibinigay kay Padilla para tumugon, hindi na tatanggap pa ng anumang dokumento o pakiusap ang Office of the Ombudsman.

Reaksyon ni Padilla

- Advertisement -

Sa isang facebook post ni Robin Padilla, sinabi nito na “balakid” ang papanagutin sa isang bagay na walang  basehan bukod pa na dayuhang warrant of arrest ang pinagmumulan ng “panggipit.”

Balakid rin umano ang pinansiyal dahil hindi mura ang pagkuha ng abogado.

“Pilipinas ito bakit ang isang halal na senador ay kakasuhan dahil sa warrant of arrest ng dayuhan,” ayon pa kay Padilla.

Dagdag pa niya, walang pumigil sa kanila nang umalis sila ni Dela Rosa sa GSIS Complex sa kabila ng “isang libo na pulis.”

Idinagdag pa niya ang umano’y sabi ng Department of Interior and Local Government (DILG) na walang warrant of arrest para kay Senador Dela Rosa.

Obstruction of justice

- Advertisement -

Kinasuhan ng Ombudsman ang tatlo ng obstruction of justice dahil sa mga ikinilos ng mga ito na nagdulot ng pagkabigong maaresto ng mga awtoridad si Senador Dela Rosa.

Sa isang kautusan na may petsang Hunyo 23, 2026, hiniling ni Assistant Ombudsman Moreno Generoso kina Cayetano, Padilla at Aplasca na magsumite ng kani-kanilang counter-affidavit sa reklamong inihaing ng Tindig Pilipinas noong Hunyo 3.

Kinasuhan si Senador Cayetano, na bagong talagang Senate President nang panahong iyon, dahil sa pagbibigay nya ng “protective custody” kay Senador Dela Rosa upang hindi ito maaresto ng mga kawani ng National Bureau of Investigation (NBI) na nagtungo sa Senado dala ang warrant of arrest mula sa International Criminal Court (ICC) noong Mayo 11, 2026, sa araw na muling sumulpot si Senador Dela Rosa matapos ang anim na buwang pagliban.

Nanatili si Dela Rosa sa Senado hanggang sa makaalis ito lulan ng sasakyan ni Senador Padilla noong Mayo 14, dahilan upang makasuhan rin sya ng obstruction of justice.

Ikinokonsidera nang nagtatago sa batas si Senador Dela Rosa base sa deklarasyon ng Department of Justice (DOJ). Ayon dito, valid ang arrest warrant laban sa Senador..

Samantala, nagkagulo naman noong Mayo 13 sa loob ng GSIS complex na kinaroroonann ng Senado nang biglang magbarilan ang mga kawani ng Office of the Sergeant-at-Arms at NBI. Nagsimula ito nang magbigay ng warning shot si Aplasca kung kaya nagpaputok na rin ang mga kawani ng NBI.

Dahil dito, sinuspindi si Aplasca ni Ombudsman Remulla.

“The unjustified discharge of firearm caused panic and disturbance, endangered the lives of unarmed journalists and Senate personnel, and resulted in the emotional distress of some Senators,” saad ng desisyon ng Ombudsman. “Aplasca’s deplorable acts must not be countenanced, and for this reason, he must be held administratively liable.”

Iginiit ni Aplasca, bilang depensa, na may mga hindi nakikilalang armadong mga indibidwal ang naglalahad ng banta sa Senado kung kaya kinailangan nyang gawin ang warning shot.

Subalit, ayon sa Ombudsman, wala naman ang mahahalagang elemento para masabi ito.

Bukod pa rito, nagpakilala  naman na ang mga ahente ng NBI at nakapwesto lamang ang mga ito sa hallway patungo ng GSIS.

“There is no actual, sudden, unexpected or imminent danger to Aplasca and the OSAA,” ayon sa desisyon.

Kung mayroon mang agresyon, si Aplasca ang nagsimula nito, ayon pa sa Ombudsman.

Dating Police Major General si Aplasca na nagretiro noong Agosto 2019.

Tuluyan siyang tinanggal ng Ombudsman sa tungkulin bilang acting Sergeant-at-Arms ng Senado nitong nakaraang Hunyo 25 dahil sa grave misconduct at gross neglect of duty.

Ayon kay Ombudsman Remulla, hihintayin nila ang counter-affidavit ni Aplasca upang mapagsama-sama ang mga issue at makagawa ng resolusyon.

Hindi rin ito nagbigay ng detalye sa nilalaman ng counter-affidavit ni Senador Cayetano.

Sa video statement ni Cayetano na may petsang Mayo 13, 2026, , sinabi niyang “safe and secured” si Senador Dela Rosa sa Senado at hindi ito aarestuhin. Rerespetuhin, umano, ang desisyon ng Korte Suprema na bigyan ng  tatlong araw ang bawat isa sa respondent upang magkomento.

Press briefer ng Korte Suprema

Sa isang press briefer ng Korte Suprema, sinabi rito na kumilos ang Supreme Court (SC) En Banc,  isang special session na may petsang Mayo 13, 2026 para sa “G.R. No. 278747, Rodrigo Roa Duterte and Senator Ronald “Bato” M. Dela Rosa v. Hon. Lucas Bersamin, et al.”

Ayon sa briefer, naglabas ng Resolution ang SC na hinihingi ang komento ng mga respondent sa “Urgent Manifestation with Omnibus Motion (Urgent Manifestation) and Extremely Urgent Supplemental Manifestation with Motion (Supplemental Manifestation)” na isinampa ng petisyoner na si Senador Dela Rosa, sa loob ng 72 oras.

Saad ng SC Press briefer, naghain noong Mayo 11, 2026 si Senador Dela Rosa ng Urgent Manifestation bilang tugon sa balitang naglabas ang ICC ng warrant of arrest laban sa kanya kaugnay ng imbestigasyon sa drug war noong administrasyon ni dating Pangulong Duterte.

Hiniling rin ni Dela Rosa na maglabas ang Korte Suprema ng temporary restraining order (TRO), isang writ of preliminary injunction, o isang status quo ante order (SQAO) upang pigilan ang pag-aresto, pagkulong o paglilipat sa kanya nang walang pahintulot ng korte.

Kinuwestyon din, umano, ni Dela Rosa ang validity ng subpoena  na inilabas ng Philippine National Police Criminal Investigation and Detection Group na nag-uutos sa kanyang magtungo Camp Crame kaugnay naman ng bintang na extrajudicial killing noong siya pa ay Davao City Police Director.

Gayundin, sinabi sa briefer,  na naghain din ng Supplemental Manifestation si Dela Rosa dahil sa umano’y pagharang sa kanya ng mga operatiba ng National Bureau of Investigation (NBI) upang makapasok sya sa Senate Session Hall, gayundin ang pagpresenta ni dating Senador Antonio Trillanes IV (Trillanes) ng kopya ng ICC arrest warrant laban sa kanya.

 

 

 

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -