ISINAGAWA ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) ang pangangalap ng language profile at wordlist sa wikang Átta sa bayan ng Pudtol, lalawigan ng Apayao nitóng Hunyo 9–10, 2026 sa Barangay Cabatacan, Pudtol, Apayao bílang bahagi ng proyektong Balidasyon ng mga Wika ng Pilipinas.

Pinangunahan nina Dannielle Laggui at Rona Geneva Alcantara, mga mananaliksik ng KWF, ang pangangalap ng datos. Naging posible ang gawaing ito sa suporta ng Pamahalaang Bayan ng Pudtol sa pangunguna ni Punong-bayan Edmar Pascua, JD, katuwang ang mga kawani ng Pambansang Komisyon sa mga Katutubong Mamamayan (NCIP), Luna Community Service Center, at ang komunidad ng mga Átta.

Layunin ng pangangalap na makabuo ng mas komprehensibong talâ ng kalagayan ng wikang Átta, kabílang ang mahahalagang impormasyong pangwika na magsisilbing batayan sa mga susunod na hakbang para sa dokumentasyon, pananaliksik, at pangangalaga sa wika.

Kinikilala ang wikang Átta bílang isa sa pitóng malubhang nanganganib na wika sa Pilipinas. Batay sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA) noong 2020 na sinuri ng KWF, tinatayang nása 97 sambahayan na lámang sa bayan ng Pudtol at Luna sa lalawigan ng Apayao at bayan ng Gattaran sa Cagayan ang gumagamit nitó bílang pangunahing wika sa tahanan.

Ayon sa United Nations Educational, Scientific, and Cultural Organization (UNESCO 2023), nanganganib ang isang wika kapag unti-unti na itong hindi ginagamit ng mga nagsasalita nitó, nagiging limitado ang paggamit nitó sa iba’t ibang larang ng komunikasyon, at hindi na ito naipapása ng nakatatandang henerasyon sa mga nakababatang henerasyon. Maaari din itong impluwensiya ng mga panlabas na puwersang pangkultura, pang-ekonomiya, panrelihiyon, o pang-edukasyon. Bukod dito, nakaaapekto rin ang negatibong pananaw ng isang indibidwal o komunidad sa paggamit ng kanilang sariling wika.

Sa pamamagitan ng patúloy na dokumentasyon at balidasyon ng mga nanganganib na wika, pinalalakas ng KWF ang mga hakbang para sa pangangalaga, pagpapasigla, at pagpapatúloy ng mayamang pamana ng mga katutubong wika sa bansa para sa susunod na mga salinlahi.

