28.7 C
Manila
Biyernes, Hulyo 17, 2026

Ateneo aquaculture scientist Dr. Janice Ragaza, itinalaga sa patnugutan ng mga international science journal

- Advertisement -
- Advertisement -

Ni Danika Geronimo, Ateneo Research Communications

DAHIL sa kanyang malawak na karanasan sa aquaculture research, itinalaga kamakailan lamang si Dr. Janice Ragaza, associate professor ng Department of Biology ng Ateneo de Manila University, sa patnugutan ng dalawang prestihiyosong international scientific journal. Magsisilbi siyang associate editor ng Animal Feed Science and Technology at kabilang din siya sa Editorial Board ng Journal of Applied Aquaculture.

Pinamumunuan ni Dr. Ragaza ang Aquatic and Fisheries Resources Laboratory ng Ateneo de Manila University. Kabilang siya sa mga unang Filipina na nagsilbi sa editorial boards ng ilang natatanging international scientific journal. Larawan mula kay Dr. Janice Ragaza

Ang Animal Feed Science and Technology ay isa sa mga nangungunang publikasyon sa animal nutrition, feed development, at livestock production. Samantala, kinikilala naman sa buong mundo ang Journal of Applied Aquaculture sa paglalathala ng mga pag-aaral na nagsusulong ng pag-unlad sa aquaculture.

Hindi na bago kay Dr. Ragaza ang pagganap ng mahalagang papel sa academic publishing. Noong nakaraang taon, naging miyembro siya ng Editorial Board ng Discover Animals. Kasalukuyan din siyang miyembro ng Advisory Board ng Aquaculture Research.

Sa Ateneo Aquatic and Fisheries Resources Laboratory, pinangungunahan ni Dr. Ragaza ang mga pag-aaral sa aquaculture nutrition at fish biology. Kabilang sa kanyang mga pananaliksik ang paggamit ng mga lokal na sangkap, plant-based proteins, at agricultural by-products bilang mas sustainable na alternatibo sa aquaculture feeds.

Marami na ring nailathala at naisiping pag-aaral si Dr. Ragaza na makatutulong sa pagsusulong ng mas sustainable na pamamahala sa pangisdaan sa Pilipinas at sa iba pang bahagi ng mundo. Layunin din ng kanyang mga pananaliksik na makabuo ng mas environment-friendly na mga pamamaraan sa aquaculture, partikular para sa Nile tilapia at iba pang species na may malaking kahalagahang pang-ekonomiya.

Higit pa sa kanyang personal na tagumpay, ipinapakita ng mga bagong tungkulin ni Dr. Ragaza ang lumalawak na pagkilala sa ambag ng mga mananaliksik mula sa Pilipinas at Southeast Asia sa paghubog ng pandaigdigang pananaliksik sa aquaculture at animal nutrition.

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -