PINUNA ni Senator-judge Alan Peter Cayetano ang desisyon ng National Bureau of Investigation (NBI) na ipahawak sa Cybercrime Unit ang imbestigasyon sa umano’y mga bantang binitiwan ni Vice President Sara Duterte laban kina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., Unang Ginang Liza Marcos, at dating House Speaker Martin Romualdez.

Aniya, mas nararapat itong hawakan ng Anti-Terrorism o Intelligence divisions ng NBI.
“Whether I was the Presidential Security Command (PSC), the Executive Secretary, NBI, or an ordinary citizen, my first concern is huwag mapatay ang Presidente. But instead of the NBI director taking it upon himself and giving it to the anti-terrorist or to the intelligence (division), sa cyber crime binigay,” sabi ni Cayetano sa ikalimang araw ng impeachment trial nitong July 14, 2026.
“May nagsabi na sa Presidente, ‘papatayin kita.’ How much plainer can that be as an assassination plot?” dagdag pa ng senador-judge.
“I hope if any one of my colleagues here becomes President, magbago y’ung attitude ng NBI. Mas importante pala ang cyber(crime) kaysa sa buhay ng Presidente,” aniya.
Tinanong din ni Cayetano si NBI-BARMM Regional Director Atty. Jeremy Lotoc, na dating namuno sa Anti-Cybercrime Division ng NBI at nanguna sa imbestigasyon, tungkol sa mga pahayag ni Duterte noong November 23, 2024 na ginawa sa isang online briefing.
Binigyang diin ni Cayetano na ang mga tinawag na “admissions against interest” ng bise presidente ay hindi dapat ihiwalay sa kabuuan ng kanyang mga sinabi.
Sabi ni Cayetano, may tatlong pagkakataon na gumawa si Duterte ng “admissions against interest”: ang kanyang mga banta noong November 23, 2024 laban sa Pangulo, Unang Ginang, at dating House Speaker; ang kanyang mga pahayag tungkol sa paglabas ng pondo sa Department of Education; at ang kanyang panawagan na manatiling kalmado sa halip na magkaroon ng people power revolution.
Nang hingan ng kanyang opinyon bilang eksperto, sinabi ni Lotoc na ang tanging maituturing niyang admission against interest ay ang video ni Duterte noong November 26, 2024 kung saan inamin nitong siya nga ang nagsabi ng mga banta ilang araw ang nakaraan.
Nauna nang ipinaliwanag ni Lotoc na ang admission against interest ay, “Sinabi ng isang tao na ikakasira niya, pero instead of denying, ina-admit pa niya.”
Hindi nasiyahan si Cayetano sa pabago-bagong mga sagot ni Lotoc kaya tinanong niya ito kung bakit pinaniwalaan ng NBI ang banta ng bise presidente ngunit hindi ang pahayag nito na may plano ring pumatay sa kanya at ang kanyang panawagan na huwag magkaroon ng people power revolution.
“If you say it’s an admission against interest and you believe it, you also have to believe na papatayin siya n’ung tatlo… So if you’re going to believe her, na y’ung ibang sinabi ay seditious, eh ngayon sinabi nga niya hindi solusyon ang people power,” wika ni Cayetano kay Lotoc.
Nagtangka pa si Lotoc na baguhin ang mga sinabi niya pero pinaalalahanan siya ni Cayetano na nakapagbigay na siya ng sagot.
“Let the record speak for itself,” wika ng senator-judge.

