27.2 C
Manila
Huwebes, Hulyo 16, 2026

PBBM tumaas ang satisfaction rating pero tuloy ang trabaho at paghahatid ng serbisyo sa mga Pilipino

- Advertisement -
- Advertisement -

MANANATILING nakatuon si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa paghahatid ng serbisyo at pagtugon sa pangangailangan ng mga Pilipino anuman ang resulta ng kaniyang public satisfaction ratings.

Ito ang tiniyak ni Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na nagsabing “Ang Pangulo ay hindi po apektado ng numero. Tumaas ‘yan, bumaba ‘yan. Ang focus ng Pangulo ay magtrabaho.”

“Kung ano ang kailangan maipaabot sa ating mga kababayan, ‘yun po ang gagawin ng ating Pangulo at ng administrasyon na ito,” dagdag pa ni Castro.

Batay sa pinakabagong survey ng Social Weather Stations (SWS) na isinagawa noong Hunyo 20 hanggang 29, umakyat sa 38 porsiyento ang satisfaction rating ni Pangulong Marcos sa ikalawang quarter ng 2026, mula sa 33 porsiyento noong Marso.

Samantala, bumaba naman sa 45 porsiyento mula 49 porsiyento ang mga hindi nasisiyahan sa kanyang performance, habang bahagyang bumaba sa 17 porsiyento mula 18 porsiyento ang mga hindi nakapagpasya.


Nilinaw naman ni Castro na hindi isinasantabi ng administrasyon ang mga resulta ng survey dahil nagsisilbi itong gabay sa mga miyembro ng Gabinete upang matukoy ang mga programang dapat pang pagtuunan ng pansin at pagbutihin ng administrasyon.

“Hindi ’yan dini-disregard at ito naman ay nakikita rin ng mga miyembro ng Gabinete. Ano ang dapat na i-push, ano ’yung dapat na pagtuunan ng pansin,” ani Castro.

“Pero ang Pangulo, gumanda man, hindi gumanda ang survey, para sa kanya, hindi siya maaapektuhan nito. In the first place, hindi naman siya tatakbo bilang Pangulo sa susunod. So trabaho lang ang Pangulo,” dagdag pa ni Castro.

Iniulat din ng SWS na bumuti ang net satisfaction rating ng Pangulo sa lahat ng pangunahing rehiyon ng bansa. Pinakamataas ang kanyang marka sa Balance Luzon na may “moderate” +11, sinundan ng Visayas na may “neutral” -3, Metro Manila na may “poor” -24, at Mindanao na may “bad” -35.

- Advertisement -

Kumpara noong Marso 2026, tumaas din ng pitong puntos ang net satisfaction rating ng Pangulo sa mga rural area, mula “neutral” -9 tungo sa “neutral” -2, habang umangat naman ng walong puntos sa mga urban area, mula “poor” -20 tungo sa “poor” -12.

Isinagawa ang survey sa pamamagitan ng face-to-face interviews sa 1,200 na nasa hustong gulang na respondent sa buong bansa. Mayroon itong ±3 porsiyentong margin of error para sa pambansang resulta at ±6 porsiyento para sa Metro Manila, Balance Luzon, Visayas, at Mindanao. | PND

 

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -