PINANGUNAHAN ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. nitong Huwebes ang pagbibigay ng pangalan, gayundin ang pormal na delivery ng kauna-unahang methanol dual-fueled bulk carrier sa mundo, sa isang seremonya na ginanap sa tinaguriang shipbuilding capital ng bansa sa West Cebu Estate sa Balamban,Cebu.

“I name this ship Brave Pioneer. May God bless her and all who sail on her,” pahayag ng Pangulo sa christening ceremony ng KAMSARMAX Vessel SC-443 na may sukat na 229 metro at may bigat na humigit-kumulang 81,200 deadweight tons (DWT).)
(“Pinapangalanan ko ang barkong ito na Brave Pioneer. Nawa’y pagpalain siya ng Diyos at ang lahat ng sasakay dito.”)
Ayon sa Pangulo, ang delivery ng KAMSARMAX Vessel SC-443 ay isang makasaysayang tagumpay para sa industriya ng shipbuilding sa Pilipinas.

“This achievement sends a clear message to the whole world: The Philippines is ready to lead in the global transition towards low-carbon and sustainable maritime transport,” ani Pangulong Marcos sa kanyang talumpati.
(“Ang tagumpay na ito ay malinaw na mensahe sa buong mundo: handa ang Pilipinas na manguna sa pandaigdigang transisyon tungo sa low-carbon at sustainable maritime transport.”)
“This occasion not only celebrates the launching of a vessel; it is also a celebration of progress and of innovation. And above all, we celebrate the Filipino capacity to rise to the challenge of a rapidly changing world,” dagdag ng Pangulo.

(“Ang okasyong ito ay hindi lamang pagdiriwang ng paglulunsad ng isang barko; ito rin ay pagdiriwang ng progreso at inobasyon. Higit sa lahat, ipinagdiriwang natin ang kakayahan ng Pilipino na harapin ang hamon ng mabilis na nagbabagong mundo.”)
Binanggit din ni Pangulong Marcos na sa pamamagitan ng kooperasyon sa pagitan ng Japan at Pilipinas—sa Tsuneishi Group at Aboitiz Group—pinagsama ang makabagong disenyo ng barko, husay ng manggagawang Pilipino, at matibay na lokal na manufacturing base.
“While this project is a product of bilateral cooperation, it is also, and very importantly, a showcase of Filipino craftsmanship, ingenuity, and competitiveness,” aniya.
(“Bagama’t produkto ito ng bilateral cooperation, ito rin ay patunay ng galing, talino, at competitive na kakayahan ng mga Pilipino.”)
Idinisenyo ang KAMSARMAX Vessel SC-443 para lubos na mabawasan ang emisyon ng carbon dioxide, nitrogen oxides at sulfur oxides.
Ayon sa Pangulo, ang paglalayag ng makabagong barkong ito ang maglalagay sa Pilipinas sa mapa bilang isang future-ready maritime manufacturing hub na kaayon ng International Maritime Organization decarbonization targets at pandaigdigang pamantayan sa sustainability.
“It is especially vital as we move towards green shipping: an approach that embraces cleaner fuels, optimized vessel design, improved energy management, and sustainable shipping corridors,” paliwanag ng Pangulo, na binigyang-diin na habang humihigpit ang global regulations, lalong tataas ang pangangailangan sa low-emission at alternative-fuel vessels.
(“Mahalaga ito habang tayo ay kumikilos tungo sa green shipping: isang pamamaraan na gumagamit ng mas malinis na fuel, optimized vessel design, mas mahusay na energy management, at sustainable shipping corridors.”)
Dagdag pa ng Pangulo, ang mga shipyard sa Pilipinas na makakagawa ng ganitong uri ng barko ay magkakaroon ng access sa premium international markets.
“Green vessels also open doors to sustainability-linked loans, green bonds, and climate finance, bringing new investment into our shipbuilding sector,” aniya, at idinagdag na ang transisyon ay magpapalago rin sa mga kaugnay na industriya gaya ng advanced marine components, coatings, materials, at energy-efficient systems.
(“Ang green vessels ay nagbubukas din ng oportunidad para sa sustainability-linked loans, green bonds, at climate finance, na magdadala ng bagong pamumuhunan sa ating shipbuilding sector.”)
Bilang kauna-unahang methanol dual-fueled KAMSARMAX bulk carrier sa mundo, ang Brave Pioneer ay idinisenyo upang makabawas ng 10 porsiyento sa carbon dioxide emissions, 80 porsiyento sa nitrogen oxides, at 99 porsyento sa sulfur oxides kumpara sa mga tradisyunal na modelo.
Ang dual-fueled vessel ay may mga makina at fuel system na maaaring tumakbo gamit ang methanol at conventional marine fuel gaya ng heavy fuel oil.
Inilunsad ang KAMSARMAX SC-443 noong Hulyo 17, 2025 sa Balamban, Cebu ng Tsuneishi Heavy Industries Inc. (THI), isang joint venture ng Tsuneishi Group ngJapan at ng Aboitiz Group ng Pilipinas. | PND



