NAPANOOD ko ang video ng China Daily na naipost sa Facebook.
Nagpapakita iyun ng caricature ng isang unggoy na nadadamitan ng barong at umaawit sa isang entablado ng karaoke. Sa kanyang kanan, nakamasid ang Estados Unidos, sa kaliwa ang Japan.
Buod ng mga unang saknong ng kanyang kanta ay ang di-umanong tangka na ipuwera ang China sa pagpanimula ng mga pag-uusap tungkol sa pagtakda ng mga hangganan sa South China Sea.
Sa presentasyon, lumilitaw na pinagtutulungan ng America at Japan na pasunurin ang unggoy sa kanilang naisin na ipaawit ang PCA arbitration award at nang hindi ito ang inawit ng unggoy, magkasama ang Amerika at Japan sa pagbuhat sa animal at pagtapon dito sa ere ng South China Sea upang doon pabugahan ng water canon.
Sa wakas, ang PCA award ay ipinalamon sa dagat kasabay ng panghuling mensahe na dapat lahat ay tulong-tulong sa pagpanatili ng kalinisan ng karagatan.
Hindi matanggap ng kolum na ito ang ganung konklusyon. Paninindigan nito na noon pang 2012 nang maganap ang Scarborough Shoal Standoff sa pagitan ng MV Gregorio del Pilar at barkong pandigma ng People’s Liberation Army Navy (PLAN), lamang na ang China sa Amerika sa kahandaan sa giyera sa dagat. Kinailangang isuko muna ng Amerika ang stand off sa Scarborough Shoal bilang isang step backward habang pinaghahandaan ang two-steps forward. Kaya naganap ang arbitration proceedings ng Permanent Court of Arbitration sa The Hague. Na pagkaraan ng ilang taong pagdinig ay naghatol na ang Nine Dash Line Map ng China ay iligal. Malawakang ipinopropaganda ito ng Amerika na tagumpay ng Pilipinas. At magmula noong 2016 nang ipahayag ang PCA award, kandakahog na ang Amerika sa pagpipilit sa Pilipinas na igiit ito bilang bahagi na ng international law.
Punong promotor ng propaganda ay si Raymond Powell, dating opisyal ng US Air Force na ngayon ay Director ng Sealight, think tank na kontrolado ng CIA na nakabase sa Stanford University.
Sa simula, ang gawain ni Powell na pagpapainit ng tensyon sa South China Sea ay koordinado kay Commodore Jay Tarriela, spokesperson ng Philippine Coast Guard (PCG) para sa South China Sea. Kinalaunan, direkta nang pinakikialaman ang pag-ugnay sa mga mahahalagang elemento ng burukrasya ng Pilipinas, hindi na lang ang PCG kundi maging ang Department of National Defense (DND) at Armed Forces of the Philippines (AFP).
May isang panahon na ang trabaho ni Powell ay sumaklaw na rin sa Lehislatura. Natatandaan ninyo nang mga senador at kongresista ay nangagsipagpiyesta sa pagkondena sa China kaugnay ng sigalot sa South China Sea?
Tanging si Foreign Affairs Secretary Ma. Theresa Lazaro ang lumitaw na nakapagpanindigan sa mga panghihimasok ni Powell. Ipinahayag niya na sa isyu ng South China Sea, ang DFA ang may pananagutan.
Kung bakit halatang-halata na sa gawaing pagpasademonyo sa China, palakas nang palakas ang pamumustura ni Defense Secretary Teodoro.
Hayagan niyang kinondena ang China sa nakaraang Shangri-La Dialogue bilang siyang nangungunang taga-basag ng katahimikan sa South China Sea. Bilang parusa ng China sa gawing iyun, pinagbawalan si Teodoro at kagyat na pamilya na maglakbay sa China, Hong Kong at Macau at makipagnegosyo sa mga empresang Chino.
Di alintana ang parusa, patuloy si Teodoro sa pag-alipusta sa China. Na para bang pangunahing gawain na niya na talagang pagalitin ang mga Pilipino sa China.
Sa pinagtatalunang video ng China Daily, animo’y kung ibabatay sa mga pahayag ni Teodoro, ganun na kabastos ang ginawa sa mga Pilipino, pinagmukhang mga unggoy.
Ni katiting na salitang “Pilipino” ay wala kang makita upang ipagpakahulugan na ang animal sa video ay Pilipino nga.
At iisa ang karikatura ng animal.
Subalit kung turingan ni Teodoro ang taong unggoy ay “mga Pilipino.”
Saan hinugot ni Teodoro ang ganung pagsasalarawan na sa China Daily video, ang “mga Pilipino” ay pinagmukhang mga unggoy?
Isang paliwanag ang posible.
Unang tingin pa lang niya sa unggoy, kita na agad ni Teodoro ang sarili.
Palibhasa nga kasi, ganun siya.
Magmula nang matalo siya sa eleksyon sa panguluhan noong 2010, naglaho na sa eksena sa Pilipinas si Teodoro. Hindi alam ng sambayanan, itinatwa na ni Teodoro ang kanyang Filipino citizenship at nagpalit ng nasyonalidad bilang mamamayan ng Malta. Ang bansang ito na bahagi ng European Union ay magandang pamuhunanan para sa mga investor na nais magkamal ng kayamanan. Na sa pagsisimula ng administrasyon ni Pangulo Ferdinand Marcos Jr. si Teodoro ang nahirang na Secretary of National Defense ay nangangahulugan lamang na siya ang napisil ng Amerika para sa puwesto.
Naging kasaysayan na ng Pilipinas na sa usapin ng pambansang depensa na mahigpit na nakalubid sa geopolitical na interes ng Amerika, ang Secretary of National Defense ay Batang Kano.
Kaya kesehuda na hindi na Pilipino si Teodoro. Ang mahalaga, siya ay masugid na alipures ng Amerika.
Sa pangalawang pagkakataon, itinatwa ni Teodoro ang kanyang nasyonalidad upang mahirang na Secretary of National Defense – mula sa Maltese citizenship ay muling niyakap ang pagiging Pilipino.
Nang mabungaran niya sa Facebook ang video ng China Daily na nagpapakita sa unggoy na naka-Barong, kitang-kita niya agad ang sarili.
At kagaya ng lagi na niyang nakagawian, ang sarili ay ipinagpakahulugan na ang mga Pilipino.
Mali.
Iisa lang ang unggoy sa video.
SI Teodoro lang.

