28.2 C
Manila
Lunes, Hulyo 20, 2026

Mahirap, maykaya, at mayaman

DALUMAT AT SAYSAY

- Advertisement -
- Advertisement -

(Ikalawang bahagi)

ANG kahirapan ang matinding kalaban ng lipunang Filipino. Kailangan ng humigit-kumulang 30 taon ang unang henerasyon ng isang pamilya upang makaahon mula rito. Sabihin na nating ang unang henerasyon ay ang estado na parehong mahirap ang mga magulang na may apat na anak. Kung masipag ang parehong magulang kahit dukha sila, sisikapin nilang magtrabaho nang disente at maghanap ng dagdag na trabaho para matustusan ang pangangailangan ng mga anak na makapag-aral. Ang iba’y lumalabas ng bansa para mag-OFW, maghanapbuhay bilang domestic helper, caregiver at factory worker.

Lagpas sa pang-araw-araw na gastusin na nakalaan sa pagkain, ang edukasyon ng mga anak ang kanilang prayoridad. Mangungutang kung kinakailangan para sa mithiing ito. Saludo ako sa mga magulang na may ganitong pagpapahalaga sa edukasyon ng kanilang mga anak. Ibig sabihin, sa simula pa lamang, nais na nilang iahon ang pamilya sa kahirapan.

Ipagpalagay natin na 20 taon ang gugugulin ng mag-asawa para makapagtapos ang unang anak bilang tanda at taon ng kanilang unang henerasyon sa pag-ahon sa kahirapan. Kapag nakatapos na ng pag-aaral ang panganay na anak, tutulungan niya ang pagpapaaral ng kanyang mga kapatid kapag nakahanap na siya ng trabaho. Kayod-marino pa rin ang mga magulang para makapagtapos ang lahat.

Kung kaisa ng panganay na anak ang mithiin ng pamilya na umahon sa kahirapan, madalas hindi muna siya nag-aasawa. May ilan na nagiging matandang dalaga o binata sa pagtanda. Kapag nag-asawa naman siya, papasok na sa ikalawang henerasyon ang pamilya. Kung matatag ang kita ng panganay dahil sa tinapos niyang kurso at sa mga kaalaman at kakayahang taglay niya, maaabot niya ang low-income bracket (P12-23K) sa una hanggang ikalawang taon. Kung tuloy-tuloy ang asenso, makakamit niya ang middle-middle class income (P46-81K) sa loob ng limang taon.


Ang mga datos ng income ay mula sa kompyutasyon ng Philippine Institute for Development Studies (PIDS). Sa loob ng limang taon, kung may sarili na siyang pamilya, makakayanan niyang magsarili o bumukod at makatulong pa rin, kahit papaano, sa mga kapatid na pinapaaral. At kung may trabaho rin ang kanyang asawa, dodoble ang kanilang cash flow at kakayahang suportahan ang kani-kanilang pamilya. Pinag-uusapan iyan ng mag-asawa kung hanggang saan ang maitutulong nila. May mag-asawang bubukod na at tututukan din ang tuloy-tuloy nilang pag-unlad. Subalit, may iba rin na nakaabot-kamay sa pagtulong.

Samakatuwid, umiinog ang dependency culture sa pamilyang umaahon sa kahirapan. May interkoneksyon sa isa’t isa ang sama-samang pag-abot sa mithiing ito. Sa mas malawak na pagtanaw, kasama rin sa interkoneksyon na iyan ang tulong mula sa ibang kamag-anak at kaibigan ng pamilya, halimbawa, tulong mula sa mga tito at tita, lolo’t lola, kumare’t kumpare, at iba pa.

Sa puntong ito, nakarating na sa tantiyang 26-30 taon ang unang henerasyon, at tiyak na makakatapos na rin ang pangalawa, pangatlo, at bunsong anak kung tatlong taon ang pagitan ng kanilang edad. Kung nagsama ang mga magulang na pareho silang 20 ang edad at nagkataon na isilang din ang panganay sa unang taon bilang mag-asawa, aabot sila sa edad na 50 para makapagtapos ang lahat ng anak. Subalit ang lahat ng ito’y mga ideyal na sitwasyon.

Sa katotohanan, maraming salik, hamon, at suliranin ang nakaaapekto sa mithiing ito ng isang mahirap na pamilya. Isa-isahin natin ang mga ito:

- Advertisement -
  • Katatagan ng trabaho ng magulang. Isa o pareho bang may hanapbuhay? Kahit hindi sila tapos ng kolehiyo, sapat ba ang kinikita nila? Kaya ba nilang magpaaral ng apat na anak? Regular ba ang trabaho nila? May extra ba silang trabaho?
  • Kalusugan ng pamilya. Kung parehong pagal ang tatay at nanay, may budget ba sila para sa anumang gastusing pangkalusugan, kasama rin ang para sa mga anak na magkakasakit? Sapat ba ang masustansyang pagkain para sa mga anak? Napapangalagaan din ba ang kalusugang mental ng mga magulang at mga anak?
  • Sapat na oras para sa mga anak. Kahit pagod sa trabaho, nasusubaybayan ba ng mga magulang ang kanilang mga anak? Napapalaki nang maayos at nagagabayan sa kanilang paglaki?
  • Mga bisyo. Dagdag na gastusin ang mga bisyo ng magulang tulad ng sigarilyo, alak, at sugal. Kailangan ba ang mga ito? O higit na mas mahalaga ang mithiin ng pamilyang makaahon sa kahirapan?
  • Pag-aaral ng mga anak. May motibasyon ba ang mga anak na mag-aral? Natutulungan ba sila ng mga magulang sa kanilang takdang-aralin at sa dagdag na gastusin sa paaralan? Pumapasok ba talaga ang mga anak sa eskuwela? Nakararanas ba sila ng bullying mula sa ibang kaklase? May natutuhan ba silang kaalaman at kasanayan sa paaralan? Mababa o mataas ba ang mga grado nila? Nahuhubog ba sila bilang mabubuting mamamayan sa tulong ng edukasyon at pagpapalaki ng mga magulang? Hindi ba sila nakatapos ng pag-aaral dahil nag-asawa at nagkaanak nang maaga?
  • Karagdagang gastusin. Saan nakatira ang pamilya? Nagrerenta ba sila o naninirahan ba sila bilang bahagi ng impormal na sektor? Nakakabayad ba sila sa kuryente at may akses sa malinis na tubig? May gastusin ba sila tulad ng koneksyon sa internet, gadget at devices, at appliances sa tahanan?

Ilan lamang ang mga iyan bilang preliminaryong pagninilay. Sa aking palagay, may tatlong uri ng coping mechanism ang mga pamilyang mahihirap. Una, ang pamilyang nakasalalay sa sarili nilang pagsisikap sa tulong ng interkoneksyon ng mga malalapit sa kanila—kamag-anak, kaibigan, at mga kakilala. Ito ang nabanggit ko sa itaas. Ikalawa, may pamilyang manipis ang social support system na nakasalalay sa ayuda lagi ng pamahalaan. Ikatlo, may pamilyang nakadepende sa support system ng mga kamag-anak at sa ayuda ng pamahalaan. Aling pamilya kaya ang higit na magtatagumpay para makaahon sa kahirapan? Ang tanong na iyan ay bukas sa pananaliksik at pagpapatunay.

Sa puntodebista ng pamahalaan, malinaw na ang kailangang pangkalahatang programa ay nakalaan sa matatag na hanapbuhay, dekalidad na libreng edukasyon, at akses sa mura ngunit masustansyang pagkain. Susi sa pag-ahon ang determinasyon ng mga magulang na makamit ang mithiin, ang paglalaan ng panahon sa mga anak upang magabayan sila, at ang pagtutulungan ng bawat isa. Imperatibo ang mga ito. Kahit minimal ang tulong ng pamahalaan, kung kakayanin ng pamilya, magagawa nilang maisakatuparan ito. Patunay dito ang maraming pamilyang umahon na sa kahirapan kahit na magulo at kalunos-lunos ang sitwasyong politikal sa bansa.

Binabansagang kabilang sa vulnerable sector ang mga mahihirap dahil salat sila sa maraming bagay at nakaumang lagi ang mga banta tulad ng mga hamon at suliraning inilahad ko sa itaas. Kung isa-isa nilang haharapin at mapagtatagumpayan ito, holistikong aangat ang pamilya tungo sa pag-unlad. Kung income level ang pag-uusapan, papasok na sila sa yugto ng pagiging maykayang Filipino. Subalit may mga kaakibat na kondisyon, hamon at suliranin din ang uring panlipunang ito.

(Itutuloy)

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -