29.6 C
Manila
Linggo, Hunyo 15, 2025

Place-based Inquiry 101

PAGBUBUO(D)

- Advertisement -
- Advertisement -

ALINSUNOD sa experiential learning, ang paggamit ng place-based approach sa pag-aaral at pananaliksik ay higit na nakapagpapatibay ng ugnayan ng mag-aaral sa kanilang kapaligiran, kalikasan at komunidad. Bagaman mas unang ginamit sa larangan ng natural science education, ang place-based inquiry ay naging kapaki-pakinabang din sa social science at humanities education kinalaunan.  Ang dulog na ito sa pag-aaral at pagsisiyasat ay may malakas na praktikal na aplikasyon na nagpapaunlad ng kaalaman (knowledge), kasanayan (skills) at pagpapahalaga (values) ng mga mag-aaral.  Ang mga sumusunod ay ilan sa mga gabay at tagubilin sa paggamit ng place-based inquiry sa pagtuturo (teaching), pagtatasa (assessment), at pananaliksik (research).

  • Bigyang diin ang kahalagahan ng pook bilang sentral na elemento sa pag-aaral at pagsisiyasat. Ang pook ay nagsisilbing espasyo at entablado ng panlipunang interaksyon at pagbabago. Samakatwid, kapwa kinakatawan ng pook ang teksto at konteksto.
  • Itahi ang place-based inquiry sa umiiral na kurikulum at maging sa mga pinaplanong rebisyon sa hinaharap. Dapat itong itampok sa mga babasahin, talakayan at gawain sa klase.
  • Kilalanin ang mahalagang papel ng kasaysayan sa pagkokonteksto ng kalagayan ng kapaligiran at komunidad. Sa pamamagitan nito mas mauunawaan ang pagbabagong pinagdaanan, pinagdadaanan at pagdadaanan ng komunidad noon, ngayon at sa hinaharap.
  • Bigyang diin na ang karanasan (experience) ay bukal/batis (source) ng kaalaman at ang karanasan ay laging nakakonteksto at nakaugat sa kapaligiran kung saan ito nakapaloob.
  • Paalalahanan ang mga mag-aaral ukol sa kahalagahan ng pagiging mapagnilay (self-reflective). Esensiyal ito sa pagtukoy ng kanyang positionality bilang isang mag-aaral, mananaliksik at mamamayan.
  • Konsultahin ang mga mag-aaral sa pagtukoy sa mga komunidad na maaari nilang makadaupang-palad, makapanayam at gawing kamananaliksik. Sa kontekstong ito, pinahahalagahan ang agency at autonomy ng mga mag-aaral bilang co-learner at co-producer of knowledge.
  • Tandaan na sentral din ang papel ng mga mag-aaral sa pagsisiyasat sa usapin ng pagpili ng paksa, pagbuo ng mga katanungan at pagdidisenyo ng metodo sa pananaliksik.
  • Unawain at ipaunawa sa mga mag-aaral ang ugnayan ng sense of place at ethics of care. Sa pamamagitan ng pagpopook (o pagkokonteksto) sa kapaligiran ay mas lumalalim ang kanilang malasakit sa kalikasan, kapwa, komunidad (lalo na yaong mga bulnerable). Makapangyarihang pagtatambal (o pagsasanib-lakas) ang place-based inquiry ng critical pedagogy at moral philosophy.
  • Gawing lunsaran ang pagiging palausisa (curious) at mapagmalasakit (caring) ng mga mag-aaral upang mas maunawaan nila ang kanilang kaligiran (surrounding) at kapaligiran (environment). Higit na malilinang sa pamamagitan nito ang care ethics and conservation ethics ng mga mag-aaral. Patatalasin din nito ang kanilang pagsisiyasat ukol sa climate at ecological injustice at sa mga pinsalang hatid nito sa kalikasan, kalusugan at kabuhayan.
  • Tandaan na hindi lamang sa tao umiinog ang place-based inquiry dahil ang dulog na ito ay hindi Kasama sa pagpapahalaga at pagsisiyasat ang human, non-human, at more-than-human entities. Tumutukoy ang non-human entities sa technology at built structure. Samantalang, alinsunod sa posthumanist perspective, tumutukoy na naman ang more-than-human entities sa mga flora at fauna.
  • Ipaunawa ang kahalagahan ng socio-ecological approach, scaffolding at self-reflexivity upang linangin ang kultura ng independent at interdependent inquiry sa mga mag-aaral.
  • Pukawin ang kamalayan ng mga mag-aaral na maging mapagmasid at mapanuri sa mga pangkalikasan at panlipunang salik sa kanilang kapaligiran. Sentral na konsiderasyon sa place-based inquiry ang rootedness at relevance. Pinatatalas din ng place-based inquiry ang kamalayan at kamulatan ng mga mag-aaral sa mga lokal na usaping pangkalikasan at pangkaunlaran kagaya ng environmental racism, agricultural pollution, urban heat island effect at iba pa.
  • Simulan ang diskurso o talastasan sa pagbibigay ng pagkakataon sa mga mag-aaral na bumuo ng mga katanungan na nakaugat sa kanilang kapaligiran, komunidad at karanasan. Sa kontekstong ito ay napakahalaga ng kritikal na kaisipan at mapagmalasakit na damdamin.
  • Pakatandaan na higit na mauunawaan ng mga mag-aaral ang mas malalaking unit of analysis (global) kung pagtutuunan muna natin ng pansin ang lokal. Kasama sa kritikal na pag-unawang ito ang ugnayan ng lokal at global.
  • Unawain ang pagkakaiba-iba ng student profile at preference. Alamin din ang kanilang kahandaan sa mga alternatibong dulog sa pagkatuto at ang kaangkupan ng place-based inquiry bilang lapit (o approach) batay sa kanilang mga katangian (demographics, sociographics at psychographics).
  • I-angkop ang mga konseptong natututunan at itinuturo sa klase sa konteksto ng tunay na buhay at lapat sa kalagayan ng kapaligiran. Mas lalong lumalalim ang pagdadalumat sa pamamagitan ng pagpopook. Nagkakaroon din ng pagsasakatawan (embodiment) at pagsasakongkreto (concretization) ang mga aralin sa klase sa pamamagitan ng pagpopook sa lokal na karanasan at kalagayan.
  • Itampok ang mayamang batis ng kaalaman na maaaring halawin mula sa ekolohiya, museo, pamahalaang bayan, bantayog, simbahan, silid-aklatan, sakahan, palaisdaan, pamilihang bayan, parke, palaruan, terminal ng sasakyan at iba pa. Sa pamamagitan nito ay mas madaling maimapa ang community assets and resources kagaya ng mga tangible at intangible cultural heritage.
  • Paigtingin ang malaking potensiyal ng place-based inquiry sa ecological at heritage conservation. Mahalaga rin ito sa memory-making, storytelling at action-taking.
  • Saklawin sa pag-aaral at igalang ang mga katutubong sistema ng kaalaman at gawi (indigenous knowledge systems and practices). Kasama rito ang ethnobotany, ethnomathematics, ethno-nutrition, ethno-media, ethnolinguistics at iba pa.
  • Itampok pareho ang likas (nature) at likha (culture) sa pagsisiyasat at adbokasiya. Sa pamamagitan nito ay mas lalong mapahahalagahan ang bio-cultural resources ng komunidad.
  • Bigyang diin ang kahalagahan ng cross-disciplinary inquiry sa pag-unawa sa iba’t ibang dimensyon ng reyalidad at pag-iral. Hindi magiging ganap ang pag-aaral ng kapaligiran kung hindi gagamitan ng mga sumusunod na larangan at disiplina: philosophy, geography, history, biology, health sciences, anthropology, sociology, demography, economics, political science, psychology, physical education, communication, mathematics, statistics, linguistics, cultural studies at iba pa. Mahalagang maitampok ang halaga ng place-based approach sa magkakakawing na larangan ng science, technology, reading, engineering, arts, mathematics at social sciences (o tinatawag ding STREAMS).
  • Isama ang komunidad bilang katuwang sa pananaliksik at ekplorasyon. Mahalaga ang papel ng komunidad sa stock-taking, position-taking at action-taking lalo na sa pagtugon sa mga problemang pangkaunlaran na may tuwirang epekto sa kanila.
  • Itampok at itambol ang mga naratibo at boses mula sa ibaba. Kasama rito ang mga magsasaka, mangingisda, katutubo, matatanda, kabataan, manininda, lokal na alagad ng sining at mga nasa sektor ng transportasyon. Pagkakataon din ito para maunawaan ang kanilang katutubong kaalaman at kasanayan (halimbawa: likas-kayang konserbasyon ng mga buto, makakalikasang pagpepreserba at pagbabalot ng pagkain, mapamaraang paghahayuma o netmending at iba pa).
  • Ipaunawa sa mga mag-aaral na sa katunayan ang dinamikong ugnayan sa pagitan ng akademya (sila at ang kanilang mga guro), komunidad at kapaligiran ay sumasalamin sa isang trialogue. Pinalalakas din ng place-based education ang academic at more-than-academic literacy ng mga mag-aaral sa pamamagitan ng pagtataglay ng academic at moral excellence.
  • Ipaunawa at ipagamit sa mga mag-aaral ang bodymapping, walking interview at participatory countermapping sa pagsasagawa ng place-based inquiry kung saan mahalaga ang papel ng pakikipagkapwa, pagkabihasa sa agham panlipunan at paggamit ng teknolohiya.
  • Pataasin ang antas ng pakikipagtalaban sa pamamagitan ng paglalantag sa mga malalakas na puwersang panlipunan sa komunidad na nasa likod ng hindi pagkakapantay-pantay at kawalang katarungan. Tinatawag itong critical place-based inquiry na may diin sa kontradisyon sa kapangyarihan. Lumilikha ito ng pagkakataon na bumuo ang komunidad ng counter-memory, counter-history, counter-monument, counter-genealogy at countercultural archive upang hamunin ang mga nananaig na pananaw at praktika.
  • Hamunin ang mga mapaminsalang proyekto na lumalapastangan sa kalikasan, nagtataboy sa mga komunidad at bumubura sa kolektibong memorya at katutubong kaalaman.

Bilang pagbubuo(d), sinasaklaw ng place-based inquiry ang personal (micro), institusyonal (meso) at panlipunan (macro) na dimensyon ng pag-aaral at pagsisiyasat sa konteksto ng isang partikular na ekolohiya at komunidad. Sa proseso, nalilinang ng place-based inquiry ang pagiging maka-kalikasan, maka-komunidad at maka-kapwa ng mga mag-aaral. Nagbibigay rin ito ng pagkakataon na lansagin ang mga pader ng pagkakawatak-watak at bumuo ng solidaridad sa hanay ng akademya at komunidad.  Mahalaga ito sa pagbasag ng indibiwalismo at paglikha ng isang lipunang likas-kaya, mapagbuklod at makatarungan. Nilalandas din nito ang edukasyon at pananaliksik na  mapagpalaya, nakakapagpanibagong-hubog at may pananagutan.

Para sa inyong reaksyon at pagbabahagi, maaari ring umugnay sa [email protected].

 

 

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -