31.2 C
Manila
Sabado, Hunyo 13, 2026

Kailan nagpapakita ang duwalismo sa lipunang Filipino?

BUHAY AT EKONOMIYA

- Advertisement -
- Advertisement -

MARAMI akong kaibigan ang nagtataka kung bakit ang isang mataas na pinuno ng pamahalaan na isinakdal ng Mababang Kapulungan ng Kongreso upang litisin sa Senado ay nakatanggap pa ng napakataas ng approval rating mula sa huling survey ng Social Weather Station (SWS). Ayon sa survey, si Sara Duterte ay nakatanggap ng +29 net satisfaction rating. Mahigit sa kalahati ng mga sumagot sa survey ay nagsabing sila ay nasisiyahan kay Sara Duterte sa pagganap niya bilang Pangalawang Pangulo ng bansa samantalang 25% lamang ang di nasisiyahan.  Sa Mindanao umabot pa sa + 82% ang marka ng nitong nasisiyahan (excellent) kay Sarah Duterte at sa Visayas ay nagtala siya ng +36% markang netong kasiyahan. Sa Luzon umabot lamang ng +5% ang net satisfaction rating ng Pangalawang Pangulo.

May nagsasabing ang pagkakaiba ng pananaw sa kasiyahan ng mga mamamayan sa pagganap ni Sara Duterte bilang  Pangalawang Pangulo ay maituturo sa dahilang balwarte ng mga Duterte ang Mindanao at Visayas. At makikita na sa Luzon lalo na sa Metro Manila, ay matindi ang hindi nasisiyahan sa kanya na ipinakikita ng iba’t ibang kilos protesta upang siya ay matanggal sa puwesto.

Sa aking palagay hindi balwarte ang pangunahing dahilan ang nagtatalaga ng net satisfaction rating ni Sarah Duterte ngunit ang pananaw ng iba’t ibang grupong sosyo ekonomiko sa buong bansa. Ayon sa huling SWS survey nagtala si Sarah Duterte ng pinakamataas na pagtanggap sa grupong may mababang antas ng kabuhayan (Class D at E) samantalang matindi ang pagsalungat ng mga nagtataguyod at tumatanggi mula grupong ABC na kinabibilangan ng mga mamamayang may matataas na antas ng kabuhayan.

Ang ganitong kapaligiran ay maaaring ipaliwanag sa pagkakaroon ng duwalismo sa ating lipunan. Ang duwalismo katangian ng isang lipunan na may dalawang magkahilerang grupo na binubuo ng mga mamamayang nagkakaiba sa antas ng kita, edukasyon, wika, paniniwala at pananaw sa buhay.


Sa grupong ABC sa ating lipunan ang mga mamamayan ay may matataas na antas ng kabuhayan, mas edukado, at gumagamit ng wikang Ingles sa kanilang pakikipagkomunikasyon sa isa’t isa. Naniniwala din sila sa liberal na demokrasya na isang sistema ng pamamahala ayon sa paghalal ng mga kinatawan, pamamahala ng nakararami, proteksiyon sa pribadong kalayaan at yaman, ang paggalang sa karapatan ng minorya, at pagsunod sa batas.  Samantala, ang nasa grupong D at E ay may mabababang kita, mababang antas ng edukasyon, gumagamit ng wikang local, at naniniwala sa pangmasang demokrasya o populist democracy. Ang pangmasang demokrasya ay naniniwala sa pagtataguyod ng mga kagustuhan ng nakararaming ordinaryong mamamayan sa halip ang pangangalaga ng mga institusyon at binabantayan ang pang-aabuso ng liberal na demokrasya. Nakabatay ito sa politika ng pagtutunggali sa pagitan ng mga ordinaryong mamamayan at mga tiwali at makasariling elitista.

Ang inirereklamo ng mga kaibigan kong elista ay kung bakit hindi maunawaan ng mga nasa grupong D at E ang lantad na ebidensya laban kay Sarah Duterte na tinanggap ng 257 na kongresista nang siya ay maimpeach ng Mababang Kapulungan ng Kongreso.

May nagsasabi na hindi ito tinanggap dahil ang ginamit nilang wika ay Ingles na hindi nauunawaan at di ginagamit ng kabilang grupo. May kaibigan akong doktor na nagmungkahi na dapat isalin ang mga mga argurmento ng mga nagtataguyod ng transparency sa wikang Filipino o wikang lokal upang maunawaan ng mga mamamayan nasa grupong D at E.

Sa aking paniniwala, hindi sapat ang pagsalin dahil hindi naisasalin ang mga argumentong isinulat sa wikang Ingles ayon sa niloloob ng mga mamamayang nasa grupong D at E.  Sa aking palagay kahit anong pilit na isaPilipino ni Bam Aquino ang kanyang mga argumento hindi ito kinasasabikan ng mga nasa Class D at E dahil malayo ito sa kanilang pananaw sa buhay.

- Advertisement -

Samantala, ang mga salita nina Robin Padilla at Lito Lapid ay tanggap na tanggap ng mga mamamayang nasa grupong D at E dahil sinasakop nito ang kanilang kamalayan at madali nilang maunawaan sa kanilang paghalalak habang nakikinig. Marahil ang karanasan sa pelikula nina Padilla at Lapid ay naramdaman nila ang niloloob ng mga ordinaryong Filipino lalo na yaong nasa mababang antas ng kabuhayan at nailalahad nila ito sa kanilang pagsasalita.

Kaya’t kung nais nating maunawaan ang pananaw ng mga mamamayan nasa mababang antas ng kabuhayan matuto tayo sa pakikipagkomunikasyon nina Lito Lapid, Robin Padilla, Vice Ganda at marami pang iba. Hindi ko iminumungkahing maging artista ang mga pinuno ng bansa ngunit may kaalaman tayong matutunan sa kanila upang makausap natin ang mga kababayan nating nasa mababang grupong sosyo ekonomiko.

Marahil pumapatok sina Robin Padilla, Lito Lapid, at Vice Ganda sa kasalukuyan at sina Dolphy at Fernando Poe Jr. sa nakaraan dahil nakikita at nararamdaman ng mga nakikinig sa kanila na hindi sila elitista kahit nakaaangat sila sa buhay at hindi sila nakagapos sa pananaw ng liberal na demokrasya kaya’t nauunawaan nila ang hangarin ng mga Filipinong kapos sa buhay.

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -