“Sa bawat Pilipino, ito ang aking panawagan: Huwag po tayong mapagod na mahalin, piliin, at ipaglaban ang Pilipinas.”
Nanawagan si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa mga Pilipino na patuloy na mahalin, piliin, at ipaglaban ang Pilipinas sa paggunita sa ika-128 anibersaryo ng Proklamasyon ng Kalayaan ng bansa nitong Hunyo 12 sa Luneta Park.

Pinangunahan ng Pangulo ang pagtataas ng bandila at pag-aalay ng bulaklak sa Bantayog ni Dr. Jose P. Rizal bandang alas-7 ng umaga, na sinundan ng parada para sa Araw ng Kalayaan sa Quirino Grandstand.
Sa kanyang talumpati, binigyang-diin ni Pangulong Marcos ang kahalagahan ng pagkakaisa, mabuting pamamahala, at pangangalaga sa kalayaan bilang mga aral na dapat mapanatili para sa kasalukuyan at susunod na henerasyon.
Inalala ng Pangulo ang pakikibaka ng mga Pilipino laban sa kolonyalismo at kinilala ang sakripisyo ng mga bayaning nag-alay ng kanilang buhay para sa kalayaan ng bansa. Sinabi ng Pangulo na naging matagumpay ang himagsikan dahil sa pagkakaisa ng mamamayan para sa iisang layunin.
“Sapagkat hindi sapat na lingunin lamang natin ang nakaraan.Kailangang magsilbing pundasyon ang mga aral nito sa ating kasalukuyan at kinabukasan,” ani Pangulong Marcos.
Ayon sa Pangulo, paulit-ulit nang pinatunayan ng mga Pilipino ang kanilang kakayahang manindigan para sa tama, magmalasakit sa kapwa, at bumangon mula sa mga pagsubok, lalo na sa panahon ng kalamidad.

Hinimok din ng Pangulo ang publiko na maging mapanuri sa paghahanap ng katotohanan, gamitin ang kanilang kakayahan para sa kabutihan, at unahin ang kapakanan ng bayan kaysa pansariling interes.
Binigyang-diin din niya na ang kapayapaan, soberanya, at kalayaang tinatamasa ng bansa ngayon ay bunga ng sakripisyo ng mga naunang henerasyon ng mga Pilipino.
“Palalimin natin ang ating kamalayan. Maging mapanuri sa katotohanan.
Gamitin natin sa tama ang ating kakayahan, hindi sa masama. Lumaban nang patas sa araw-araw. Huwag pagsamantalahan ang pinagpaguran ng iba. At piliin natin ang ikabubuti ng bayan laban sa interes ng iilan.”
“Kung mananatili tayong tapat sa mga adkihaing ito, makatitiyak tayong magmamana ang mga susunod na henerasyon ng isang bansa na mas matatag, mas makatarungan, at mas maunlad,” pahayag pa ng Pangulo.
Sa pagtatapos ng kanyang talumpati, hinikayat ni Pangulong Marcos ang sambayanan na gawing sagisag ng pagkakaisa ang bandila ng Pilipinas, pambansang awit, at pagkakakilanlang Pilipino sa pagtataguyod ng isang Bagong Pilipinas.
Ipinagdiwang ng bansa ang ika-128 anibersaryo ng Proklamasyon ng Kalayaan bilang pag-alala sa makasaysayang pagdedeklara ng kalayaan ng Pilipinas sa Kawit, Cavite noong Hunyo 12, 1898. | PND



