NAITAKDA na ni Chinese President Xi Jinping na ang pag-iisa ng China at Taiwan ay “hindi maiiwasan.”
At sapagkat buong tigas din na pinaninindigan ni Taiwanese President Lai Chingte na ang Taiwan ay hindi paiilalim sa China, nangangahulugan lamang na ang pagiging “di-maiiwasan” ng pag-iisa ng Taiwan at China na itinakda ni Presidente Xi ay magkakatotoo tanging sa pamamagitan ng digmaan.
Di-maiiwasan ang digmaan para sa pagpapakipagkaisang muli ng Taiwan sa China.
Ang tanong na lamang ay kung kailan ito magaganap.
Kung susuriin ang mga digmaang sumabog sa kasalukuyang panahon, iisa ang nagtatagning sinulid: kabiglaan.
Ang panghostage ng Hamas noong Oktubre 7, 2023 na nagbigay katwiran sa Israel na todo-todo nang pulbusin ang Palestine hanggang sa ngayon.
Ang special military operation ng Russia na sumambulat na sa digmaang di matapos-tapos sa kabila ng mahaba-haba na ring limang taon nang kinain nito.
At ang palala pa nang palalang giyera sa Iran na, ayon sa balita, nilayon lamang ng tambalang Estados Unidos-Israel na tumagal ng isang linggo ay nabanat na nang husto upang magpahiwatig na magtutuloy-tuloy pa rin sa walang katiyakang haba ng panahon.
Kaya nga sinubukan ni Presidente Donald Trump na himukin si Presidente XI Jinping na payagan ang bilyun-dolyares ang halaga na negosasyon ng Estados Unidos para sa armas sa Taiwan. Bilyung dolyares ang gastusin ng Estados Unidos upang tustusan ang giyera sa Iran.
Subalit katanggi-tanggi ni Presidente Xi na pahintulutan ang nasabing negosasyon sa armas.
Mangyari pa, hindi maaaring ang pagtanggi ni Xi ay hindi inasahan na ni Trump. Saan pa ba gagamitin ng Taiwan ang armas mula sa Amerika kundi laban sa China? Ang pagdalaw ni Trump sa China kamakailan ay upang tansahin kung gaano kahanda ang China na salagin ang atake ng Amerika kung saka-sakali.
Si Trump lamang ang nakakaalam noon.
At kung sa tingin niya ay dapat na ngang banggain ang China sa ultimong digmaan, gagawin niya iyun ngayon na – na ang China ay aligaga sa pag-intindi ng samu’t-saring alalahaning panatilihin ang katatagan ng mundo.
Dito maaaring maipit ang Pilipinas sa dalawang nag-uumpugang bato.
Dulot ng mga tratadong militar ng Pilipinas sa Amerika – ang Mutual Defense Treaty (MDT) ng 1951, ang Visiting Forces Agreement (VFA) ng 1998 at ang Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) ng 2016 – sa labanan ng Amerika at China, unang-unang nasa printera ang Pilipinas. Ang bawat isa sa siyam na sityong EDCA ng Amerika ay napagpundaran na ng Typhon Medium Range Missile Launch system na kayang magpakawala ng warheads sa China na ilan daang kilometro lamang ang layo sa Halagang Luzon.
Kagaya ng sorpresang pag-atake ng tambalang US-Israel sa Iran na mga hi-tech missiles ang pinakawalan at antimano dumurog sa infrastrukturang pandepensa ng Iran at kumitil sa buhay ng marami sa liderato nito sa pangunguna na ni Ayatollah Khamenei, ganun kamapaminsala ang gagawin ng Amerika sa unang bugso ng biglang atake mula sa mga sityong EDCA.
Mangyari pa, mulat ang China sa katrayduran ng Amerika sa pakikipagdigma. Bago pa makapamustura ang Estados Unidos gamit ang mga baseng EDCA, tiyak may matagal nang pinag-aralang pangontra ang China.
Malungkot nga lang na ang unang-unang lohikal na dapat wasakin ay ang mga sityong EDCA sa Pilipinas.
Isang-isang bagay lamang ang kailangang mangyari upang iwasan ito.
Lansagin na ang mga sityong EDCA.
Ayon sa kasunduan, ang EDCA ay maaaring mapawalang-bisa sa pamamagitan ng pagliham ng presidente ng Pilipinas sa presidente ng Amerika na winawakasan na niya ang kasunduan. Pagkaraan ng isang taon, ang kasunduan ay mawawalan na ng buhay.
Samakatuwid, bago pa makagawa ang Amerika ng biglang-atake sa China sa pamamagitan ng mga sityong EDCA, ang kasunduan ay nawakasan na.
Ang bolang ito – ng pagwakas sa kasunduang EDCA – ay nasa kamay ng China.
Ayon sa MDT, alinman sa Amerika at Pilipinas ay obligadong magtanggol kung ang isa sa kanila ay inatake.
Di man naipatiuna sa panahon ng pagbuo ng kasunduan, magagawa lamang ng Amerika na makialam kung aatake ang China sa Pilipinas.
Kung walang atake, walang pakikialaman ang Amerika.
Kaya nga kapilit-pilit ng Amerika na painitin ang sitwasyon sa West Philippine Sea, pagalitin ang mga Pilipino sa mga panghihimasok di-umano ng China at makipagduguan na ang Philippine Coast Guard sa China Coast Guard.
Pag nangyari iyun, pasok na ang Amerika.
Ang pagpapainit sa sitwasyon sa West Philippine Sea ang papel naman ni PCG Spokesperson for the West Philippine Sea Jay Tarriela. Kakutsaba ng Commodore sa gawaing ito si Raymond Powell, dating opisyal ng US Air Force at ngayon punong opisyal ng Sealight, grupong paniktik ng CIA na nakatuon nga sa pagpapasiklab ng alitang Chino-Pilipino.
Naging napakakahangahanga nga lang ng diplomasyang namagitan kina Chinese Ambassador Jing Quan at Philippine Foreign Affairs Secretary Ma. Theresa Lazaro upang pigilan ang pakana nina Powell at Tarriela na pag-awayin ang CCG at PCG. Sa huling napaulat na pagtatangka ni Powell na pasamain si Ambassador Quan, pinanindigan ni Secretary Lazaro na ang usapin sa West Philippine Sea ay laràngan lamang ng Kagawarang Panlabas. Wala nang ibang ahensya ng pamahalaan ang makikialam.
Di ba natin napupuna? Ang laki ng inihupa ng tensyon sa West Philippine Sea.
Nandoon ang susi.
Itigil ang away sa West Philippine Sea.
Mawawalan ng dahilan ang Amerika na manghimasok sa seguridad ng Pilipinas.
Kung kailangan nga ng Amerika na giyerahin na ang China gamit ang Taiwan, gawin niya ito na labas ang Pilipinas.
Kaya ano ang dapat gawin?
Tapatan ni Presidente Marcos Jr. ang pagpipigil na ipinakikita ng China kaugnay ng sigalot sa West Philippine Sea. Gawin na niya ang napakahalagang liham na winawakasan na niya ang mga tratadong militar ng Pilipinas sa Amerika. Makaraan ang isang taon, tapos na ang mga tratadong iyon.
Gumiyera na kung gigiyera ang Amerika.
Pero hindi na sa kalupaan ng Pilipinas.
At sa anu’t-anuman, ang giyerang ito ay matagal nang pinaghandaan ng China sa ibang inaasahang larangan.

