27.6 C
Manila
Biyernes, Hunyo 5, 2026

PBBM, inutusan ang DOE na patatagin ang supply ng kuryente at langis sa bansa

- Advertisement -
- Advertisement -

INATASAN ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang Department of Energy (DOE) na agarang ayusin at patatagin ang suplay ng kuryente sa bansa, lalo na sa Luzon at Visayas, upang maiwasan ang mga aberya at kakulangan sa enerhiya.

Ayon kay Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro, malinaw ang direktiba ng Pangulo sa mga opisyal ng DOE sa kanilang pagpupulong sa Malacañang nitong Miyerkules.

“The directive is to fix or normalize the situation the soonest possible time,” diin ni Castro.

Sinabi rin ni Castro na tinalakay sa pulong ang sitwasyon ng suplay ng kuryente sa Catanduanes at ang pagpapatupad ng mga proyekto para sa sapat na imbakan ng enerhiya.

“At napag-usapan din ang Catanduanes power situation and stock filling project. So, maraming ipinag-utos ang Pangulo,” dagdag pa ni Castro.

Kabilang sa mga ipinag-utos ni Pangulong Marcos ang pagtatayo ng mga bagong planta ng kuryente upang madagdagan ang produksyon ng enerhiya, pagpapalawak ng transmission network, at pagresolba sa mga problemang nagpapabagal sa konstruksyon ng submarine cables at transmission lines.

Binigyang-diin din ng Pangulo ang pangangailangang mapabilis ang mga proyekto ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) upang matiyak ang maaasahan at matatag na serbisyo ng kuryente sa buong bansa.

“Marami pang ibinilin ang Pangulo. Dapat ang ERC (Energy Regulatory Commission) ay mag-conduct ng performance review of the NGCP and ensure that it completes all its deliverables,” ani Castro.

Tinalakay rin sa pulong ang pagpapabuti ng transmission system at ang pagpapabilis sa pagpapaunlad ng renewable energy upang masiguro ang pangmatagalang seguridad sa enerhiya ng bansa.

Matatandaang nakaranas ang sektor ng enerhiya ng mga pagkaantala sa suplay ng kuryente nitong mga nakaraang buwan, kabilang ang paglalagay sa Luzon at Visayas grids sa red at yellow alert status noong Mayo.

Naranasan din ng Palawan Main Grid ang malawakang pagkawala ng kuryente, habang patuloy namang nakararanas ng rotational brownouts ang Catanduanes dahil sa kakulangan sa suplay.

Samantala, iniulat ng DOE na sapat pa ang kasalukuyang imbentaryo ng langis ng bansa. Ayon kay Castro, may humigit-kumulang 46 na araw na reserbang suplay ng fuel ang Pilipinas hanggang Mayo 29, 2026.

Tiniyak ng administrasyong Marcos na patuloy itong kikilos upang mapanatiling matatag ang suplay ng kuryente at enerhiya sa bansa para sa kapakanan ng bawat Pilipino. | PND

 

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -