26.4 C
Manila
Miyerkules, Hulyo 22, 2026

Diplomasya paiiralin ng Pilipinas sa kabila ng pambabatuta ng China Coast Guard

- Advertisement -
- Advertisement -

DIPLOMASYA pa rin ang paiiralin ng Pilipinas bagama’t hindi katanggap-tanggap ang pananakit na ginawa ng isang kawani ng China Coast Guard sa mga tauhan ng Philippine Navy sa Ayungin Shoal nitong nakaraang Hulyo 20.

Larawan mula sa The Manila Times

Sa pahayag ng Department of Foreign Affairs (DFA), sinabi nitong hindi katanggap-tanggap ang anumang pananakit at nararapat lamang na tugunan ito ng nararapat na “diplomatic action.”

Ito, habang hinihintay ang araw na mag-uusap ang mga kinatawan ng Pilipinas at China upang pag-usapan ang “de-escalation” o ang pagpapahupa sa nagaganap na girian ng magkabilang panig na nag-aagawan sa mga teritoryo sa West Philippine Sea (WPS).

Nakatakdang magkita sina Foreign Affairs Secretary Maria Theresa Lazaro at Chinese Foreign Minister Wang Yi para sa usaping ito.

Naganap ang insidente sa Ayungin shoal habang nagaganap ang Asean Foreign Ministers Meeting kung saan isa sa mga pangunahing agenda ang regional security sa WPS na tinatawag ring South China Sea.


Sugatan

Sugatan sa ulo ang dalawang kawani ng Philippine Navy matapos silang atakehin ng mga kawaning Tsino gamit ang mga batuta nang puntahan nila ang mga ito para paalisin.

Ipinadala ang mga kawani sakay ng rubber boat matapos mamataan ang mga ito malapit sa BRP Sierra Madre, ang kinakalawang nang maliit na barkong sadyang isinadsad sa Ayungin shoal na nagsisilbing istratehikong paraan ng Pilipinas upang hindi maangkin ang Ayungin Shoal ng China.

Ayon sa pahayag ng Armed Force of the Philiipiones, maayos na pinaalis ng Philippine Navy ang CCG na nasa malapit sa Ayungin shoal ngunit sa halip na makinig, pinagpupukpok ang mga myembro ng Philippine Navy ng batuta ng walong lulan ng rubber boat ng CCG.

- Advertisement -

Sa videong naka-upload sa GMA News Online, kitang kita rito kung paanong sabay-sabay na pinaghahampas gamit ang batuta ng mga kawani ng CCG ang mga kawani ng CCG.

Nagtamo ng sugat sa ulo at kamay ang mga Pilipinong kawani ng Philippine Navy.

Reaksyon ng AFP

Mariing kinondena ng AFP ang bayolenteng reaksyon ng mga Tsinong Coast Guard. Hindi rin nito tinanggap ang sabi ng Chinese embassy na nangunang naghamon ang mga kawani ng Philippine Navy.

Sa pahayag ng AFP nitong Hulyo 21, kinuwestyon nito ang presensya ng rigid hull inflatable boat (RHIB) ng CCG malapit sa BRP Sierra Madre na nakasadsad sa Ayungin shoal dahil maituturing itong “unlawful intrusion” sa ilalim ng international law.

Ayon pa sa AFP, propesyonal at naayon sa Rules of Engagement ang ginawa ng Philippine Navy at itinanggi rin nitong nagpasimula ng komprontasyon ang mga Pilipinong kawani.

- Advertisement -

Dagdag pa ng AFP, nagpigil at dinepensahan ng mga Pilipinong kawani ang kanilang sarili na may pagsunod sa mga panuntunan. Hindi, umano, dapat pagkamalang kahinaan ang propesyonalismo.

Bukod pa rito, ayon sa AFP, katulad ang insidente noong Hulyo 20 sa naganap noong Hulyo 17 sa Ayungin shoal rin kung saan naging mapanakit din ang Tsinong kawani.

Bukod pa rito, pinansin din ng AFP ang mga ginagawan disinformation campaign ng mga Chinese state media kaugnay ng 2016 Arbitral Award na nagpawalang-saysay sa pag-aangkin ng China sa South China Sea.

Ayon sa AFP nagkakaroon ng gulo sa West Philippine Sea dahil sa mga isinasagawang ilegal na aktibidad ng People’s Liberation Army, China Coast Guard at maritime militia ng China.

10 taon nang nagdesisyon ang Unclos

Sampung taon na ang nakararaan, partikular noong Hulyo 12, 2016, nagdesisyon ang Permanent Court of Arbitration sa inihaing reklamo ng Pilipinas na kumontra sa pag-aangkin ng China sa halos buong South China Sea kabilang ang mga isla o mga batuhan na naroroon.

Sa kabila nito, naninindigan ang China na kanila ang mga isla at ang buong South China Sea kahit na may bahagi dito na nasa loob ng exclusive economic zone (EEZ) ng Pilipinas.

Hindi kinikilala ng China ang United Nations Convention on the Law of the Seas (Unclos) nang nagkabisa noon pang 1994.

Sa halip, naninindigan ang China na ang lahat ng nasa South China Sea, kabilang ang parte na tinatawag ng Pilipinas na West Philippine Sea, ay kanila base sa kanilang kasaysayan.

Hindi lamang ito sa Pilipinas nakikipag-agawan, gayundin sa Brunei, Indonesia, Malaysia, Taiwan at Vietnam.

Gayon na lamang ang kagustuhan ng China na maangkin ang buong South China Sea dahil may deposito rito ng langis at natural gas na tinatayang nasa 11 bilyong langis at 190 trilyong kubiko ng natural gas, ayon sa artikulo sa cfr.org.

Sa mga nagdaang taon, nakapagpatayo ang China sa Paracel at Spratly Islands, na inaangkin din ng Pilipinas, ng mga daungan, paliparan at military installation.

Samantala, sa Ayungin shoal, ang Pilipinas naman ay mayroong nakasadsad na nabubulok na barkong pandigma, ang BRP Sierra Madre.

Sa kabila nito, may tauhan ng Philippine Navy na naka-duty rito na papalit-palit at pinapadalhan ng supplies ng gobyerno. Sa mga pagkakataong ito ng rotation and resupply mission nagkakaroon ng girian ang Philippine Navy at ang Chinese Coast Guard.

Sa desisyon ng Unclos, pumabor ito sa Pilipinas na nagsasabing meron itong sovereign rights sa kanyang EEZ na kinabibilangan ng mga pinag-aagawang mga isla.

Upang malaman ang EEZ, may international law na pinagbabasehan ang pagtukoy sa baseline ng isang pampang, ito ang 1982 Law of the Sea Convention. Mula sa baseline o pampang, ang unang 12 nautical miles ay tinatawag na territorial waters. Ang susunod pang 12 NM ay contiguous zone. Ang EEZ naman ay 200 NM ang layo mula sa baseline ng isang bansa kung saan maaari itong pangisdaan ng kanyang mamamayan, o hukayin para maghanap at magmina ng langis at natural gas. Ang lalampas na dito na hindi nasasakop ng anumang bansa ay tinatawag na High Seas o international waters.

Sa ganitong pagsusukat ang Ayungin shoal ay 106.3 nautical miles ang layo mula sa Palawan at 617.39 NM naman mula sa China.

Kaya naman hindi tanggap ng China ang katotohanang ito.

Pinagbabasehan ng China ang U-shaped na eleven-dash line na inilathala ng Taiwan noong December 1947.

Ayon sa desisyon ng Unclos, walang basehan ang claim na ito ng China dahil bagama’t binabanggit nito na sa kasaysayan ay pinapangisdaan na ng mga mangingisdang Tsino ang Souith China Sea, wala namang katunayan na ang inaangkin nitong mga isla o batuhan ay tinirahan din ng mga Tsino.

Para sa Unclos, tanging ang Pilipinas lamang ang may sovereign rights sa West Philippine Sea, na bahagi lamang ng kabuuan ng South China Sea.

Nangangahulugan ito na walang ibang bansa, maliban sa Pilipinas ang maaaring maghukay, magmina, o mangisda sa katubigang nasasakop ng EEZ nito.

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -