26.4 C
Manila
Miyerkules, Hulyo 22, 2026

Kindat, kurap, kunot-noo, taas-kilay, tulis-nguso: May mensahe’y walang salita

- Advertisement -
- Advertisement -

SA PAKIKIPAG-USAP o palitan ng mensahe, karaniwan nang gumagamit tayo ng mga salita. Pero may mga mensaheng naipapaabot sa kausap kahit walang salita. Bukod sa mensaheng hindi binigkas pero naipaabot sa kausap sa pamamagitan ng malalimang pagsusuri sa konteksto ng mga salitang binigkas, maiintindihan ang sinasabi ng kausap kahit walang salita, sa pamamagitan ng pag-aaral sa galaw ng katawan at mukha – sa mga kilos ng kamay at katawan, galaw ng mga mata, at iba pang bahagi ng mukha. Ito’y dahil maraming bahagi ng ating katawan at mukha na nagpapahatid ng iba’t ibang mensahe.

Nangungusap hindi lamang ang ating mga labi sa pagbigkas ng mga salita. Nagsasalita rin – ibang lenggwahe nga lamang – ang ating mga mata, kilay, noo, bibig, dila, daliri/kamay, braso, tuhod.

Isa-isahin natin ang mga bahagi ng katawan at mukha na nagagamit sa pagpapahayag ng mensahe.

Mata. Ito raw ang bintana ng ating kaluluwa. Masisilip daw sa mga mata kung ang isang tao ay nagsisinungaling o nagsasabi ng totoo. Pailalim ba kung tumingin? Pasuling-suling ba, palinga-linga o patingin-tingin sa gilid ng mga mata? Hindi ba makatingin nang tuwid sa kausap? Lahat ng mga kilos na ito kaugnay ng mata ay may sinasabi – kung ang isang tao ay nagsasabi ng tapat o may itinatago.

Ayaw bang tumingin sa kausap? Maaaring dahil may itinatago. Pero maaari rin palang batay sa kulturang nakagisnan ng isang tao. May nabasa ako noon,  na hindi ko na maalala kung ano ang bansang pinanggalingan ng isang akusadong tinedyer. Hindi siya tumitingin sa nagtatanong, laging nakayuko habang sumasagot. Tumibay tuloy ang bintang sa kanya. Kalaunan, napag-alaman ng mga nag-akusa na gayon pala ang katanggap-tanggap na gawi sa kultura nila – ang isang nakababata ay hindi dapat tumingin nang tuwid sa kausap kung ito ay nakatatanda. Samakatwid, dapat ding isaalang-alang ang kultura ng iba.


May iba pang gamit ang mata. Mapaglaro ang kindat, posibleng nang-aakit, humihikayat ng pakikisama. Kapag naman kurap nang kurap (iba ito sa korap o corrupt sa Ingles), o papikit-pikit, iba pa rin ang mensahe. Baka nagluluha, o baka naman may itinatago. Kaya ang kurap nang kurap, baka korap.

May salitang MAPANGMATA at NANGMAMATA. Kapag nanghahamak ang isang tao, medyo nakataas ang mukha niya, minamaliit ang kausap na parang nakatataas siya dahil mas mataas ang mata niya kaysa sa kausap. Kapag nanliit ang mga mata, galit ka naman sa kausap. Ang panlalaki ng mga mata ay nagsasabi ng hindi paniniwala sa sinabi ng kausap. O kaya’y pagkatakot o pagkabigla.

Ang pagpikit-pikit, may ibig sabihin din. Sa impeachment trial ni VP Sara, sa komento ni Atty. Armand Ligutan ng prosekusyon kay Atty. Vinluan ng depensa, na “may karapatan ang depensa sa sarili nilang imahinasyon,” (malayang salin ng sinabi sa Ingles), napapikit na lamang ang mas batang abogado – para bang sinabing “nadale na naman ako.”

Ang kilay at noo. Hindi naniniwala sa sinabi ng kausap kapag nakataas ang kilay ng nakikinig. Kapag naman kunot-noo, may hindi maintindihan sa sinabi ng kausap. O posible ring nangangarag. Hindi maganda sa optics, lalo na kung pinapanood ka ng buong Pilipinas. Kaya hindi naging maganda ang dating ni Atty. Narvasa (sa impeachment trial pa rin) dahil ang lalim ng kulubot sa noo niya, bukod pa sa pagpasok-labas ng kamay sa bulsa ng pantalon. Parang kulang ng tiwala sa sarili.

- Advertisement -

Ang bibig/nguso. Paano naman kung pinatutulis ang bibig/nguso? Sa mga Pilipino, ginagamit ang bibig/nguso para ituro ang direksyon. Kapag tinanong kung nasaan ang isang tao o bagay, sa halip na hintuturo ang gamitin, ginagamit ang bibig/nguso para ituro kung nasaan ang itinatanong.

Ang braso, kamay, daliri. Kapag BINRASO, ibig sabihin, pinilit ang isang tao ang gawin ang ano mang bagay. Maaaring literal na pinilipit ang braso, maaaring sa ibang paraan nanakot.

Kapag nagkamay sa pagkain, ibig sabihin, kumain nang walang kutsara at tinidor. Mas masarap daw para sa mga Pilipino ang ganitong pagkain, mas relaks. May tinanong daw na beauty queen sa isang international beauty pageant: “Is it true that in your country, you eat with your hands?” Ang sagot ng Pilipina: “Of course! Why, do you eat with your feet?” Oo nga naman!

Ang totoo, hindi naman buong kamay, kundi mga daliri lamang, ang ginagamit sa pagdampot at pagsusubo ng pagkain.

Kapag sinabing BUKAS-PALAD ang isang tao, ibig sabihin, mapagkawanggawa, nagbibigay nang walang kapalit.

Inamin ng dating pangulo, na nasa The Hague na ngayon, na minsan, FININGER niya o DINALIRI ang dati nilang kasambahay. Mahalay, Your Honor, hindi na kailangang ipaliwanag pa rito kung saang bahagi ng katawan ng kasambahay ginamit ang daliri.

- Advertisement -

Tenga. Ginagamit ang tawag sa katawan at mukha ng tao para ipangalan sa mga bagay sa ating paligid. Mga halimbawa: pisngi ng langit, mata ng bagyo, bunganga ng kweba. Ang hawakan ng kawali ay tinatawag na TENGA ng kawali. Kaya kapag sinabing nag-TENGANG KAWALI, ibig sabihin, hindi nakinig/hindi pinakinggan kung ano man ang sinasabi ng kausap.

Ulo. Napakahalagang bahagi ng isang nilalang ang kanyang ulo. Naririto ang mukha, na siya nating inihaharap sa madla, narito rin ang utak, na kung wala o kapag napinsala, ay hindi tayo makagagalaw nang maayos. Kaya ang salitang ULO ay ginagamit sa PANGULO, o presidente. Ang PANGULO ang pinakamataas na pinuno ng isang bansang demokratiko. Sabi ng kapatid ng bise presidente, isang ULO lamang ang kailangang putulin. Sinabi rin ng bise presidente na gusto niyang putulin ang ULO ng presidente. Ang ULO, samakatwid, ay hindi lamang ang pisikal na ulo ng isang tao, kundi metaporikal din, na mataas na pinuno ng bansa. Dahil diyan kaya itinuring ng National Bureau of Investigation (NBI) na grave threat o malubhang banta sa seguridad ng bansa ang ganitong pananalita.

Ang mga nabanggit ay mga halimbawa kung paano maghahatid ng mensahe gamit ang iba’t ibang bahagi ng katawan at mukha – kahit hindi gumamit ng mga salita.

 

 

 

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -