26.4 C
Manila
Miyerkules, Hulyo 22, 2026

Kiko sa DFA: Dapat humingi ng pananagutan matapos ang pag-atake ng China Coast Guard sa opisyal ng PH Navy

- Advertisement -
- Advertisement -

HINIMOK ni Senator Francis “Kiko” Pangilinan ang Department of Foreign Affairs (DFA) na gamitin ang lahat ng resources at paraan nito upang panagutin ang China matapos ang naiulat na pag-atake ng mga miyembro ng China Coast Guard laban sa isang opisyal ng Philippine Navy sa isang kamakailang resupply mission sa Ayungin Shoal.

“Nananawagan tayo sa Department of Foreign Affairs na agad magsumite ng isang matibay na diplomatic protest. Ipabatid ang insidenteng ito sa Asean at sa iba pang mga bansang kaalyado natin,” sabi ni Pangilinan sa kanyang pahayag nitong Hulyo 21.

“At gamitin ang lahat ng ligal at diplomatikong paraan, kabilang ang malinaw na 2016 Arbitral Award. Lahat ng ito upang papanagutin ang China, palakasin ang suporta ng pandaigdigang komunidad, at ipagtanggol ang karapatan ng Pilipinas, ang kaligtasan ng ating mamamayan, at ang kapayapaan sa West Philippine Sea,” dagdag pa niya.

Binigyang-diin niya na ang Pilipinas ay may karapatang magsagawa ng legal at mapayapang operasyon sa loob ng sarili nitong exclusive economic zone (EEZ), na naaayon sa internasyonal na batas, kabilang ang 2016 Arbitral Award sa ilalim ng United Nations Convention on the Law of the Sea (Unclos).

Ang tagumpay sa arbitrasyon, na iginawad sa Pilipinas isang dekada na ang nakalilipas, ay nagpawalang-bisa sa batayan ng nine-dash-line claim ng China, na sumasaklaw sa halos kabuuan ng West Philippine Sea, kabilang ang mga EEZ ng mga kalapit na bansa sa Timog-Silangang Asya.


“Nasa bakuran na namin kayo, kayo pa ang may ganang manakit. Ang ganitong pananakit at paggamit ng dahas laban sa aming mga tauhan ay labag sa basic GMRC at sa obligasyon ng mga estado sa ilalim ng international law na umiwas sa banta at paggamit ng puwersa,” sabi ng Senador.

“Nagsalita na ang international tribunal: Isang low-tide elevation sa loob ng EEZ at continental shelf ng Pilipinas ang Ayungin Shoal, at wala kayong anumang “historic rights” o sovereign rights na puwedeng mang-override sa karapatan ng Pilipinas sa mga lugar na ito,” diin ni Pangilinan.

Nanawagan siya sa Tsina na itigil ang pambu-bully at sumunod sa mga internasyonal na batas at sa desisyon ng arbitrasyon, na sinusuportahan ng mahigit 40 pang ibang bansa.

Nitong Lunes, isang Philippine Navy personnel anng nasaktan matapos siyang atakihin ng mga miyembro ng China Coast Guard sa isang komprontasyon sa  Ayungin Shoal, na nasa EEZ ng Pilipinas.

- Advertisement -

Kinokondena ang pag-atake ng Chinese Coast Guard ng Department of Foreign Affairs, ng Department of National Defense (DND), at ng National Task Force ng West Philippine Sea (NTF-WPS).

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -