PARA sa isang manggagawa sa pabrika na kumikita ng minimum wage tuwing kinsenas at katapusan, kumakayod pa ng overtime at holiday shifts para lang matustusan ang renta at matrikula, o empleyado sa retail na hinahati-hati ang 13th month bonus sa mga bayaring nakapila na sa bahay, nakikita sa bawat payslip ang kaibahan ng makatarungan at hindi makatarungang buwis.
Inihain ni Senadora Loren Legarda ang isang bagong panukalang reporma sa buwis upang matiyak na ang kaibahang ito ay pabor sa mga pamilyang Pilipino. Ang Senate Bill No. 2255, o Keeping Incomes Tax-relieved and Augmented (KITA) Act, ay nag-aamyenda sa National Internal Revenue Code of 1997 upang itaas ang exemptions, alisin ang hindi makatarungang buwis sa kita ng karaniwang manggagawa, at panatilihing nakaayon ang take-home pay sa tumataas na gastusin sa pamumuhay.
“Ang mas malaking kinikita ng isang manggagawa ay dapat lang na mapunta sa kanya at sa kanyang pamilya at hindi kakainin lamang ng buwis. Ang bawat overtime pay, bonus, at iba pang dagdag-kita ay bunga ng sipag at sakripisyo, dapat lamang itong maging dagdag sa hapag-kainan, pambayad sa matrikula, o pambili ng gamot, hindi dagdag na pasanin,” diin ni Legarda.
Tugon ito sa patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin na ramdam ng bawat sambahayan. Ayon sa datos ng Philippine Statistics Authority, bumaba sa 6.4% ang headline inflation noong Hunyo mula sa 6.8% noong Mayo, ngunit nanatiling nasa 4.8% ang average para sa unang kalahati ng taon — mas mataas pa rin sa target na 2 hanggang 4% ng pamahalaan. Binalaan ng World Bank na ang oil price shock dulot ng digmaan sa Gitnang Silangan ay direktang banta sa badyet ng mga pamilya, tinatayang maaaring magpababa ng nominal household incomes ng hanggang 3.3%.
Pinakamalaking apektado ang mga empleyadong may takdang buwanang sahod. Sa ilalim ng kasalukuyang batas, kahit ang overtime, holiday pay, at night shift differential ng mga kumikita malapit sa minimum wage ay nabubuwisan pa rin, kahit ito ang madalas na pantustos sa kakulangan ng pamilya. Tatanggalin ng KITA Act ang buwis na ito, at gagawing tax-free ang dagdag na kita mula sa overtime, holiday work, at iba pa, upang ang dagdag na oras ng trabaho ay tunay na dagdag na kita at hindi bawas dahil sa buwis.
“Walang saysay ang dagdag-sahod kung nauubos din ito sa patuloy na pagtaas ng presyo at sa hindi makatarungang buwis. Kailangan nating tingnan ang buong larawan, mula sa pasahod hanggang sa bulsa ng bawat pamilyang Pilipino,” ani Legarda.
Pangunahing probisyon ng KITA Act:
-Itataas ang annual income tax exemption threshold sa P 400,000, kaya’t ang mga kumikita ng hanggang P 33,000 kada buwan ay hindi na magbabayad ng income tax.
-Tataas ang tax-free bonus ceiling sa P 150,000, kaya’t mas malaking bahagi ng 13th month pay at year-end bonuses ay hindi na mabubuwisan.
-Tatanggalin ang buwis sa service charges ng mga manggagawa sa service industry, gayundin sa overtime, holiday, night-shift differential, at hazard pay.
-Gagawing tax-free ang honoraria at allowances ng mga election poll workers, upang ang mga guro at volunteers ay makuha nang buo ang kanilang bayad.
Upang mapanatili ang ginhawa mula sa buwis sa paglipas ng panahon, inaatasan ng panukalang batas ang awtomatikong inflation indexation ng income tax brackets kada limang taon, upang maiwasan ang tinatawag ng mga ekonomista na bracket creep, kung saan ang pagtaas ng sahod ay nagtutulak sa mga manggagawa sa mas mataas na tax bracket nang walang tunay na pagtaas sa kita. Ang awtomatikong pagsasaayos na ito ay isang mahalagang proteksyon ng KITA Act. Kung walang indexation, kakailanganing amyendahan ng Kongreso ang batas nang paulit-ulit tuwing bumababa ang tunay na halaga ng tax exemptions at brackets dahil sa implasyon—isang prosesong maaaring tumagal ng maraming taon at nakadepende pa sa mabagal at hindi tiyak na takbo ng lehislasyon. Hindi dapat maghintay ang mga manggagawang Pilipino ng panibagong batas bago kilalanin ng tax system na bumaba na ang tunay na halaga ng kanilang kita.
“Hindi dapat paulit-ulit na naghihintay ang mga manggagawa sa mabagal na proseso ng paggawa ng batas bago maiangkop ang buwis sa pagtaas ng presyo. Dapat awtomatikong napapanatili ang tunay na halaga ng kanilang kinikita. Kapag tumataas ang presyo ng mga bilihin, dapat sumasabay ang mga tax exemption at income brackets upang mapangalagaan ang purchasing power ng bawat pamilyang Pilipino,” dagdag ni Legarda.
Binigyang-diin ni Legarda na ang automatic indexation ay magpapalakas sa pagiging responsive at matibay ng tax system, upang hindi tahimik na tumaas ang pasaning buwis ng mga manggagawa o unti-unting mawala ang naibigay na ginhawa.
Kasama rin sa panukala ang pagbabago sa fringe benefit taxation, mula sa flat 35% rate tungo sa progressive brackets, exemption sa employer-paid insurance premiums, at pagbaba ng buwis sa life at health insurance premiums mula 12% VAT tungo sa 2%. Para sa micro-enterprises, tataas ang VAT-exempt threshold mula P 3 milyon tungo sa Php 4 milyon, may 50% karagdagang deduction sa labor expenses, at exemption sa withholding tax obligations. Ang mga establisyementong nagbibigay ng diskwento sa senior citizens, PWDs, at solo parents ay maaaring i-claim ito bilang direct tax credits.
Kasama rin ang administratibong ginhawa gaya ng extension ng tax filing deadlines tuwing may kalamidad, mas pinasimpleng registration requirements, at pagtanggal ng TIN requirement para sa mga miyembro ng kooperatiba na may exemptions.
Ang KITA Act ay nakabatay sa mga nauna nang batas na isinulong ni Legarda gaya ng Republic Act No. 12316, ang Fuel Tax Relief Act, na nagbibigay kapangyarihan sa pamahalaan na suspindihin ang excise taxes sa produktong petrolyo tuwing may price spikes, gayundin ang mga panukalang Differentiated VAT Rates Act, Murang Bilihin at Serbisyong Medikal Act, at pagtanggal ng VAT sa singil sa kuryente.
Itinuring ni Legarda na ang KITA Act ay parehong repormang panlipunan at pang-ekonomiya, binigyang-diin na matagal nang nagsisilbing haligi ng bansa ang mga manggagawang Pilipino sa gitna ng mga pagsubok.
“Hindi dapat pasanin ng ordinaryong Pilipino ang epekto ng krisis. Tungkulin ng pamahalaan na protektahan ang halaga ng bawat kinikita ng manggagawa at tiyaking mas marami ang naiuuwing kita para sa pagkain, edukasyon, kalusugan, at iba pang pangangailangan ng pamilya,” pagtatapos ni Legarda.
May ilang panukalang reporma sa buwis na inihain sa Senado na nagbibigay-diin sa take-home income ng mga Pilipino. Ang KITA Act ni Senadora Legarda ay nagbibigay ng natatanging proteksyon sa pamamagitan ng awtomatikong pag-aayos ng income tax brackets kada limang taon batay sa implasyon, upang mapanatili ang tunay na halaga ng kita ng mga manggagawang Pilipino.
Mas malaking take-home pay, mas makatarungang buwis: Legarda inihain ang KITA Act para protektahan ang sahod ng mga Pilipino laban sa inflation at hindi makatarungang pagbubuwis
- Advertisement -
- Advertisement -

