NANGAKO si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. nitong Martes na ipagpapatuloy ng pamahalaan ang pagpapaunlad sa Port of Lucena upang makasabay sa mabilis na paglaki ng bilang ng mga pasahero at kargamento sa Calabarzon at mga karatig-rehiyon.
“But of course, we will continue to develop. As I said, what my experience is, pag nagpapatayo tayo ng infrastructure, kung anuman ang itatayo mo, mapupuno ‘yan. Kaya sasabihin mo, good na ‘yan for 10 years. Now, nauna ‘yung taon at napupuno,” ani ng Pangulo sa isinagawang inspeksyon sa passenger terminal building (PTB) ng Port of Lucena sa Quezon.
“But that’s good. Good for the commerce of the region. Good for Lucena. Good for Quezon. Good for all of the surrounding ports also,” dagdag ng Pangulo.
(Mabuti ito para sa kalakalan ng rehiyon, para sa Lucena, para sa Quezon, at para rin sa lahat ng mga karatig na daungan).
Ayon sa Pangulo, layunin ng pagpapahusay sa mga pasilidad ng Port of Lucena na matiyak ang kaginhawahan at kaligtasan ng mga pasahero, lalo na sa pamamagitan ng pagbibigay ng pansamantalang masisilungan kapag hindi makabiyahe ang mga barko dahil sa masamang panahon.
Inaasahan ng Pangulo na magiging handa na sa susunod na buwan ang bagong passenger terminal building, at binigyang-diin na mahalaga ang proyektong ito dahil sa malaking papel ng Port of Lucena sa daloy ng mga pasahero at kalakal sa rehiyon.
Sinabi rin niya na humahawak ang Port of Lucena ng tinatayang 500,000 biyahero bawat taon.
Ang konstruksyon ng bagong passenger terminal building na nagkakahalaga ng PhP153.43 milyon ay pinondohan mula sa corporate budget ng Philippine Ports Authority (PPA).
Ang bagong PTB ay may 1,268.19 metro kuwadradong pre-departure area na may kapasidad na tumanggap ng 928 na pasahero. Mayroon din itong terminal fee booth, mga ticketing counter, silid para sa mga nagpapasusong ina at panalanginan, gayundin ang 100-kilowatt solar panel system.
Matatagpuan sa Barangay Talao-Talao, Lucena City, ang Port of Lucena na nagsisilbing pangunahing daanan na nag-uugnay sa Timog Luzon at Marinduque.
Bukod sa pagseserbisyo sa mga domestic vessel na nagdadala ng mga kargamento at pasahero, nagsisilbi rin itong rutang pandagat patungong Masbate City at Romblon. | PND

