ANG paglalakbay-masid at paglalakbay-suri ay mga paraan upang maunawaan ang isang komunidad o kapaligiran – ito man ay lugar na ating kinagisnan o pook na hindi pa tayo gaano pamilyar. Sa pamamagitan ng mga ito ay maaaring maimapa ang mga pangkalikasan, pangkabuhayan, panlipunan at pangkalinangang reyalidad sa komunidad na bumubuo sa identidad at kakanyahan ng lugar. Ang mga sumusunod ay ilan sa mga pananaw at repleksyon ukol sa paglalakbay-masid at paglalakbay-suri bilang metodo ng pangangalap ng datos, pagsusuri at pagsisiyasat.
· Bukod sa epekto nito sa klima, ang topograpiya ng isang lugar ay may implikasyon din sa kabuhayan at kultura ng mga mamamayan. Maaaring ang lugar ay kapatagan, bulubundukin, lambak o napalilibutan ng katawang tubig. Mahalagang salik ang topograpiya hindi lamang sa pangkaunlarang pagpaplano (development planning) kundi maging sa disaster risk reduction and management (DRRM).
· Maging mapagmasid sa kalikasan at kapaligiran. Nagpapahiwatig ang mga ito ng taglay na likas-yaman ng lokalidad. Sa pamamagitan ng pagmamasid at pagsisiyasat ay makikita ang mga katawang-lupa at katawang-tubig na pumapaligid sa lugar. Pagkakataon din ito upang panimulang maunawaan ang umiiral na resource management system sa lugar (halimbawa: coastal resource management, land resource management, forest resource management, mangrove management, cave resource management at iba pa).
· Pansinin din ang pangalan ng mga lugar na maaaring may kinalaman sa kapaligiran at kalikasan kagaya ng Manggahan (mangga), Langkaan (langka), Saluysoy (small stream), Salinas (saline o maasin) at iba pa.
· Isa sa mga unang mapapansin sa anumang lugar na bibisitahin ay ang imprastraktura. Kasama rito ang kalsada, tawiran, tulay, terminal, daungan at iba pa. Batid natin ang kahalagahan ng mga proyektong ito upang makapaglakbay ang mga tao, makapagkalakal ng produkto at makapagbigay ng serbisyo.
· Mahalagang bigyang-pansin din ang moda at sistema ng transportasyon sa lugar. Sa bawat lugar ay kapansin-pansin ang pagkakaiba-iba ng istruktura at disensyo ng mga sasakyan. Halimbawa, may mga lugar na matatas ang yari sa tricycle dahil sa buludunduking katangian ng topograpiya at upang maiwasan ang pagsayad sa lupa. Kaugnay ng moda at sistema ng transportasyon, mapapansin din ang bigat o gaan ng daloy ng trapiko at maging ang luwag o sikip ng kalsada.
· Bukod sa imprastraktura ay pukaw atensyon din ang mga kabahayan na may sinauna at modernong katangian na sumasalamin sa magkakaugnay na salik ng heograpiya, kultura at ekonomiya.
· Kaugnay nito ay makikita rin ang iba’t ibang pambakod na ginagamit sa komunidad na maaaring gawa sa bakal, kongkreto o mula sa mga katutubong materyales. May mga pagkakataon ding gumagamit ng mga halaman o puno na inihahanay ng may pagitan lamang na maliliit na espasyo. Tinatawag itong live fences na ginagamit din sa komunidad bilang pinagkukunan ng pagkain, halamang gamot at materyales para sa iba pang esensyal na gamit. Ayon sa Agriculture Magazine, ilang halimbawa ng live fences ay kawayan, ipil-ipil, katmon, malunggay at kakawate.
· Sa pamamagitan ng paglalakbay, pagmamasid at pagsusuri, mapapansin kung nananatiling may agrikultural na katangian ang ekonomiya ng lokalidad. Kabilang sa sektor ng agrikultura ang crop, livestock, poultry at fishery. Ang fishery subsector, halimbawa, ay mahahati sa mas partikular pang mga larangan kagaya ng subsistence fishing, municipal fishing, commercial fishing at aquaculture.
· Kapansin-pansin din ang mga alagang hayop sa komunidad kagaya ng manok, pato, pabo, kambing, baka at kalabaw na sumasalamin sa kabuhayan at kultura ng paghahayupan sa lokalidad.
· Gayundin, makikita ang iba’t ibang mga itinatanim ng lokal na mamamayan sa kani-kanilang bakuran. Maaaring direkta sa lupa ang pagtatanim o sa mga paso, lata, goma o plastic container lamang. Sinasalamin nito ang malakas na kultura ng food self-sufficiency at food sustainability sa komunidad.
· Ang mga kalakal ng mga manininda ay nagpapakita rin ng katangian ng agrikultural na produksyon ng lokalidad. Bilang halimbawa, maari itong tumukoy sa mga karaniwang isdang maaaring mahuli sa kanilang mga karagatan at iba pang katawang tubig. Halimbawa, may mga lugar na hitik sa talakitok at may iba naman na sagana sa bangus depende sa heograpiya at uri ng pangisdaan.
· Kung malakas ang suporta at agresibo ang promosyon ng pamahalaan ay magiging kapansin-pansin ang mga produkto ng One Town, One Product (OTOP) ng lokalidad. Ilan sa mga halimbawa ng OTOP ay ang mga sumusunod: kalamay (Indang), carabao milk products (General Trias), kape (Amadeo), tablea (Alfonso), jacobina square biscuits (Mendez) at iba pa.
· Kung nais talagang masaksihan ang kultura ng isang lugar ay bisitahin ang kanilang pamilihang bayan kung saan matutunghayan ang mga kalakal halaw mula sa karatig na sakahan, kagubatan, karagatan, ilog at lawa.
· Kasama ring bisitahin ang mga karindirya na nagtatampok ng kanilang mga natatanging lutuin. Sa halip na sa mga fastfood chain, mas dapat sadyain at tangkilikin ang mga kainan sa pamayanan kung saan mas mararanasan ang lokal na kultura at tradisyon.
· Makikita rin sa mga tolda o tindahan ang mga lokal na kalakal. Bukod sa mga likhang sining, maaaring tumukoy rin ito sa mga lokal na gulay at prutas na napapanahon sa lugar. Dapat paigtingin ang suporta sa lokal na ekonomiya upang mas makilala at tangkilikin ng mga mamamayan at dayuhan ang mga lokal at katutubong produkto bilang likas at maaasahang pamalit sa mga kadalasang inaangkat ng bansa sa ibayong dagat.
· Maituturing ring atraksyon ang mga tindahan at maging panaderya na may mga produktong kakanin o tinapay na natatangi o popular sa kanilang bayan kagaya ng puto Biñan (Laguna), puto Calasiao (Pangasinan), jacobina (Mendez, Cavite) at iba pa.
· Agad ding mapapansin kung malinis o madumi ba ang isang lugar. May kinalaman dito ang maraming salik kagaya ng solid waste management policy ng gobyerno, sustainable packaging ng mga komersiyal na produkto at ang taglay na disiplina ng mga mamamayan.
· Hindi maitatanggi ang impluwensiya ng urbanisasyon at globalisasyon sa mga lokalidad na halos wala nang pagkakaiba ang poblasyon ng bawat bayan dahil sa komersyalisadong katangian ng espasyo at halos pare-parehong komersiyal na establisimentong naglipana. Kasama rito ang mga nagsulputang mall na sa kaso ng ibang mga lokalidad ay halos sunod-sunod sa bawat kanto o mas masahol ay tapat-tapat pa. Bunga ng labis na urbanisasyon, mapapansin ang paglawak ng mga kongkretong lugar na may hatid na pinsala sa balanse ng ekonomiya at ekosistema. Kaya mahalagang pangalagaan at pag-ibayuhin ang lokal na kultura, tradisyon at ekolohiya para maiwasan ang tinatawag na “rootless growth” at “futureless growth” na mga uri ng pagsulong na walang pagpapahalaga sa lokal na kalinangan at kapaligiran.
· Pukaw-atensyon din sa paglalakbay ang istruktura ng mga simbahan sa bawat bayan o siyudad. Bukod sa mga simbahan ng mga Romano Katoliko ay bigyang-pansin din ang simbahan, sambahan at kapilya ng ibang relihiyon, sekta at iba pang grupong pampananampalataya.
· Makikita rin ang rebulto ng mga bayani at ang mga itinatanghal na lokal na indibidwal sa mga paaralan, plaza o poblasyon kung kanino din kadalasang ipinangalan ng mga kalsada at eskinita. Gayundin, may malaking ambag sa kaalaman ang mga historical marker sa pamayanan upang mas maunawaan ang kasaysayan at kuwento ng lugar.
· Mapapansin din ang mga pook panturista sa mga madadaanang lugar. Subalit mula sa punto-de-bista ng critical tourism, dapat ding maunawaan ang potensyal at aktwal na pinsala ng komersyal na turismo sa kabuhayan, komunidad at kalikasan. Kasama rito ang mga usapin ng dislokasyon, kriminalidad, ingay, basura at pagkagambala sa buhay-ilang (wildlife).
· Hindi rin maiiwasang hindi pansinin ang iba’t ibang uri ng polusyon kagaya ng land pollution, waste pollution, plastic pollution (o white pollution), air pollution, noise pollution at thermal pollution. Kabilang din sa uri ng polusyon ang light pollution na tumutukoy sa pinsalang hatid sa buhay at kalikasan ng labis na liwanag mula sa mga establisimyento at bunga ng labis na urbanisasyon.
· Maaari ring pag-ukulan ng pansin ang mga kanal bilang indikasyon ng antas ng kalinisan o polusyon sa lugar. May mga kanal na dinadaluyan ng malinaw na tubig at may iba namang barado sa nakasusulasok na burak at basura.
· Makikita rin ang mga paaralang elementarya, sekondarya at kolehiyo na maikakategorisa sa pagiging pampubliko o pampribado. Mahihinuha rin sa pangalan ng mga eskwelahan ang mismong pangalan ng lugar o indibiwal na kinikilala sa lugar.
· Mas kumpleto ang paglalakbay-masid kung kapwa pagtutuunan ng pansin ang mga likhang-sining sa kapaligiran kasama ang mga mural, pook pasyalan, silid-aklatan at museo. Kasama rin dito ang mga sementeryong tampok ang iba’t ibang estruktura at disenyo ng mga nitso at mausoleo.
· Sa pamamagitan din ng paglalakbay-masid makikita ang mga palamuti at dekorasyon sa mga lugar na may ipinagdiriwang na okasyon o kapistahan. Maaaring maipakita ito sa porma ng mga banderitas at arko gamit ang mga moderno at katutubong sining.
· Ang pampublikong espasyo ay may mahalagang papel na ginagampanan sa kaginhawahan ng mga mamamayan. Kasama rito ang mga parke, pook pasyalan at bukas na espasyo na unti-unting nilalamon ng mga komersyalisadong interes at estruktura. Ang patuloy na pagkitid at pagkawala ng mga bukas at pampublikong espasyo ay may hatid na pinsala sa pisikal at mental na kalusugan ng mga mamamayan.
· Makikita rin ang mga pampinansiyang institusyon sa lugar kagaya ng mga bangko at sanlaan. May mahahalagang papel sa ekonomiya ang mga pampinansiyang institusyon. Subalit nakababahala rin ang paglipana ng mga sanlaan dahil indikasyon ito ng malaganap na kagipitan sa pera dahil dumarami ang napipilitang magsanla ng kanilang mga ari-arian.
· Sa usapin ng mga resukso at serbisyo, mahalagang pag-ukulan din pansin ang sumusunod sa ating paglalakbay-masid at paglalakbay-suri: linya ng tubig at kuryente sa komunidad, pinakamalapit na evacuation center kung may kalamidad, institusyong pangkalusugan at pagitan ng mga ito sa usapin ng layo at akses sa mga rekurso at serbisyo ng mga may kapansanan.
· Maaari ring maging kapansin-pansin sa paglalakbay ang mga panganib sa kapaligiran lalo na sa mga pook urban kagaya ng open manholes, sala-salabat na kable ng kuryente at madidilim na eskinita. Sa kontekstong ito ay napakahalaga ng pasasagawa ng participatory community safety audit katuwang ang mga mamamayan mismo.
Bilang pagbubuo(d), masasabing ang isang komunidad ay representasyon ng likas at likha. Hindi rin maitatanggi kung paano sinasalamin ng isang lugar ang konsepto ng kaunlaran ng pamunuan at mga mamamayan nito. Sa pamamagitan ng paglalakbay-masid at paglalakbay-suri ay matutukoy natin ang kalakasan ng isang lugar para magsilbing modelo sa iba at maging ang mga kahinaan nito na kailangan namang pag-ukulan ng atensyon at interbensyon.
Para sa inyong reaksyon at pagbabahagi, maaari ring umugnay sa pamamagitan nito: [email protected].

