MUL nang ipatupad ang Universal Access to Quality Tertiary Education Act (RA 10931) o ang Free Higher Education Law, mahigit 5 milyong ‘unique beneficiaries’ o mga indibidwal na benepisyaryo na ang nakinabang sa naturang batas ayon kay Senate President Win Gatchalian.
Tinataya ng tanggapan ni Gatchalian na kabilang sa mga benepisyaryo ang 4.070 milyong nakinabang sa Free Higher Education Program. Samantala, 1.406 milyon naman ang tinatayang naging benepisyaryo ng Tertiary Education Subsidy (TES). Sa kabuuan, umabot na sa 5.476 milyong benepisyaryo ang naitala mula 2018 hanggang Academic Year (AY) 2025–2026.
Ang ulat ng Bicameral Conference Committee hinggil sa mga panukalang amyenda sa Free Higher Education Law, na pinagtibay na ng dalawang Kapulungan ng Kongreso, ay handa na para sa enrollment.
Binigyang-diin ni Gatchalian na sinusuportahan ng 2026 national budget ang mga pagsisikap ng State Universities and Colleges (SUCs) na tugunan ang mga limitasyon sa kanilang kapasidad. Noong nakaraang taon, pinuna ng senador na hindi nakapag-enroll ang hindi bababa sa 168,493 na mga kwalipikadong mag-aaral.
Noong nanungkulan si Gatchalian bilang chairman ng Senate Committee on Finance, dinagdagan ng Senado ng P6.3 bilyon para sa taong ito ang pondo ng SUCs at P5.2 bilyon sa naturang pigura ay para sa pagtugon sa limitasyon ng enrollment capacity.
“Makakaasa po ang ating mga SUCs na patuloy natin silang susuportahan upang maabot pa natin ang mas maraming mga mag-aaral at makapaghatid tayo ng dekalidad na edukasyon,” pahayag ni Gatchalian.

