SINUPORTAHAN ng pamunuan ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) nitong Mierkules ang hangarin ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na isulong ang inklusibo at may pananagutang pamamahala sa paglulunsad ng National Government–Bangsamoro Government Convergence Program sa Maguindanao del Norte.

“We should be one with the vision of our President, His Excellency Ferdinand ‘Bongbong’ R. Marcos, Jr., to promote inclusive and accountable governance,” sabi ni BARMM Chief Minister Abdulraof Macacua sa kanyang talumpati sa paglulunsad ng National Government–Bangsamoro Government Convergence Program na ginanap sa Camp Siongco, Awang, Datu Odin Sinsuat, Maguindanao del Norte.
(Dapat tayong maging kaisa sa layunin ng ating Pangulo na isulong ang inklusibo at may pananagutang pamamahala)
“Together we will work as One Bangsamoro people para sa mas matatag na Bangsamoro at para sa Bagong Pilipinas. Let’s keep pushing forward! Indeed, together, we can make a difference for our Bangsamoro people,’ ani Macacua.
(Magkakaisa tayong kikilos bilang iisang sambayanang Bangsamoro para sa mas matatag na Bangsamoro at para sa Bagong Pilipinas. Patuloy tayong magsulong ng pag-unlad. Tunay na sa ating pagkakaisa, makagagawa tayo ng malaking pagbabago para sa mamamayang Bangsamoro.)
Pinangunahan ni Pangulong Marcos ang paglulunsad ng naturang programa kung saan tampok ang simbolikong turnover ng humigit-kumulang P3.4 bilyong halaga ng iba’t ibang tulong pinansyal.
Ayon kay Macacua, nagkaisa ang mga opisyal na pagsama-samahin ang kanilang mga yaman at kakayahan sa paghahatid ng mahahalagang serbisyo sa mamamayan.
Makatutulong aniya ito upang mapabuti ang buhay ng Bangsamoro at mapalakas ang paghahatid ng serbisyo sa pamamagitan ng pagbibigay-kakayahan sa mga tanggapan ng pamahalaan sa rehiyon na maisakatuparan ang kanilang mga mandato, kabilang ang Ministry of the Interior and Local Government (MILG) Infrastructure Program, Ministry of Transportation and Communications (MOTC), at iba pang mga programa at proyekto ng Bangsamoro Government.
Hinimok ni Macacua ang mga kapwa opisyal na magtulungan tungo sa mas magandang kinabukasan ng Bangasamoro.
Prayoridad aniya ngayon ng BARMM ang paglilingkod sa publiko at unahin ang kapakanan ng mamamayan, kaya hinikayat niya ang lahat ng mga ministry ng rehiyon na patuloy na maglingkod nang may malasakit.
“I enjoin all the ministries in the BARMM government to serve with a purpose, to serve with a heart, and to prioritize the welfare of our beloved Bangsamoro people,” ani Macacua.
(Hinihikayat ko ang lahat ng minister sa pamahalaang BARMM na maglingkod nang may layunin, may malasakit, at laging unahin ang kapakanan ng ating minamahal na mamamayang Bangsamoro.)
“On behalf of the Bangsamoro Government, I pay my highest courtesies to His Excellency, President Marcos at the outset, the Bangsamoro Government would like to express its heartfelt gratitude to our President for taking the time to visit our beloved region, even amidst your busy schedule and the demands of your responsibilities. I am indeed honored to welcome His Excellency and the different Ministers of BARMM,” dagdag ni Macacua.
(Sa ngalan ng Pamahalaang Bangsamoro, nais kong ipaabot ang aming pinakamataas na paggalang kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. at taos-pusong pasasalamat sa paglalaan ng panahon upang bisitahin ang aming minamahal na rehiyon sa kabila ng kanyang abalang schedule at mabibigat na tungkulin. Isang malaking karangalan para sa akin na salubungin ang Pangulo at ang iba’t ibang ministro ng BARMM.)| PND

