NOONG nakaraang linggo ay dumalo ako sa isang seminar na pinatakbo ng De La Salle University (DLSU) at Philippine Institute for Development Studies (PIDS) tungkol sa papel ng digitalization sa pagpapasulong ng mga supply chain sa mga bansa sa Asean at Asia Pacific Economic Cooperation (APEC).
Lumabas diskusyon sa seminar na ang pangunahing hamon ng Pilipinas kasama na ang mga bansang papapunlad sa Asean sa pagpapasulong ng digital economy ay ang kakulangan ng pangangapital sa pagtatayo ng imprastruktura ng information at communication technology (ICT). Mahalaga ng imprastruktura ng ICT dahil ito ang pundasyon kung saan dumadaloy ang mga serbisyo at produktong inilalalaan ng e-commerce, digital content and media, at digital government services.
Dahil sa kakulangan ng pangangapital sa imprastruktura ng ICT, maraming lugar sa Pilipinas ay wala o mahina ang koneksyong digital kaya’t milyong milyong Filipino ang hindi nakikinabang sa mga biyaya ng digital economy. Sa mga lugar ng may koneksyong digital, mahal ang presyo ng koneksyon at mabagal ang pagdaloy ng internet dahil dumaaan ito sa mga sinaunang kable. Kaya’t nahuhuli ang Pilipinas sa mga bansa sa Asean sa paglikha ng mga produkto at serbisyong digital kasama ang nakaloob na mga empleyo nito bunga ng kakulangan ng pangangapital sa imprastrukturang ICT.
Ayon sa isang pagtatantiya ng international consulting firm Arthur D. Little, mangangailangan ang Pilipinas ng $1.1 bilyon upang mapunan ang agwat sa lawak ng fiber optic at maabot ang target na pamantayan sa rehiyon. Ayon ng naman sa World Bank upang maitayo ang mas malawak ng broadband infrastructure kakailanganin ng Pilipinas ng $2 bilyon taon taon upang maging pantay sa pamantayang internasyonal.
Ang pangangapital na ito ay maaaring pondohan ng pamahalan, pangungutang, pribadong sektor at pagtutulangan ng pribadong sektor, pamahalaan at organisasyong internasyonal. Ang bawat opsyon ay may kanya kanyang benepisyo at sakripisyo.
Sa kasalukuyan, ang Department of Information ang Communications Technology ay (DICT) ay nangunguna sa paglalatag ng National Fiber Backbone (NFB) at ang Free Public Internet Access Program. Sa pagpopondo ng pamahalaan ng mga programang ito ang pamahalaan ang magiging magmamay-aari ng mga imprastruktura ng ICT at mabibigyan ng koneksyong digital ang mga lugar na hindi mabigyan ng koneksyon ng mga pribadong kompanya. Kukunin pamahalaan ang pondo mula sa buwis nakokolekta ng pamahalan. Kung ang pamahalaan ang magiging may-ari ng imprastrukturang ICT pinondohan nito maaaring maging mura ang koneksyong internet dahil hindi maniningil ang pamahalaan ng malaking balik sa pangangapital nito.
Dahil ang nakokolektang buwis ng pamahalaan ay pinaghahatian ng maraming ahensya ng pamahalaan upang bigyan ng iba’t ibang uri ng serbisyo ang mahigit na 117 milyong Filipino, maliit lamang ang nailalaan ng DICT sa pagpapalawak ng imprastruktura. Kaya’t ang pagpopondo ng pamahalaan ay hindi lamang manggagaling sa buwis ngunit sa pangungutang lalo na sa World Bank.
Ang World Bank ay nagbibigay ng official development assistance (ODA) sa mga papaunlad na bansa upang tulungan sila sa kanilang programa sa transformasyong digital. Kasama sa ODA na ipinagkaloob ng World Bank ay inilaaan sa Philippines Digitation Infrastructure Project (PDIP) na nagkakahalaga ng $287 milyon. Magiging mura din ang singil sa koneksyong internet at mabilis sa mga makabagong kableng itinatayo sa mga programang ito dahil sa mga concessional na pautang mula sa World Bank. Sa ganitong mga utang magbabayad lamang ang Pilipinas ng principal at mababang interes na babayaran sa mahabang panahon.
Kaya lang kulang pa rin ang pondong ito dahil maraming papaunlad na bansa ang pinauutang ng World Bank. Kaya’t nakikilahok din ang pribadong sektor sa pagpopondo ng imprastruktura sa ICT. Ang mga higanteng telecom provider tulad ng PLDT, Globe Telecom, at DITO Telecommunity ay nangapital ng trilyong PH Piso upang mapalawak ang kanilang domestic at international subsea fiber network.
Ang isyu sa pangangapital ng tatlong higanteng kompanya ay ang mataas na presyo ng koneksyong internet at mahigpit nilang kontrol sa bilihan dahil mga vertically integrated ang mga ito. Kontrolado nila hindi lamang ang produksyon ng koneksiyon sa internet dahil sa kanila ang imprastruktura ngunit pati na rin ang iba’t ibang industriya tulad ng e-commerce, digital content at media at iba pa na nauuwi sa makitid na kompetisyon. Ang mataas na presyo ay upang bawiin nila ang malaking gastos sa pangangapital sa imprastruktura.
Samantala, may ilang independent providers tulad ng Converge ICT Solution at InfiniVAN Inc. na nangangapital ng halagang bilyong Piso upang mapalawak ang regional coverage at magtayo ng open-access, mga carrier-neutral network, na sinuportahan ng tulong ng pamahalaan sa pagbibigay sa mga kompanya ng tax incentive. Dahil sa suporta ng pamahalaan maaaring maging mura ang singil ng alternatibong pagpopondo sa koneksiyong internet.
Kahit maraming benepisyong makukuha ng pribadong sektor sa pagpapalawak ng imprastrukturang ICT kailangan nilang bawiin ang kanilang pangangapital sa pamamagitan ng pagtatakda ng mataas na presyo. Upang maging mura ang koneksyong internet dapat ang pamahalaan ang mangapital sa imprastrukturang ICT ngunit kulang naman ito sa pondo.

