BAHAGI ng ating pag-iral at pakikipagkapwa ang storytelling. Ang bawat kuwento mula nakaraan ay nagiging kadugtong ng kasalukuyan at hinaharap. Masasabing nakapaloob sa bawat kuwento ang ating kultura. Samantala, ang kultura naman ay naipapasa-pasa sa pamamagitan ng kuwento. Ang mga sumusunod na tala ay tumutukoy sa halaga, potensiyal at kapangyarihan ng storytelling o pagkukuwento sa iba’t ibang konteksto at larangan.
· Bilang isang gawaing pangkomunikasyon, ang storytelling ay paraan ng paglalahad at sumasalamin din ito sa ating pagkakakilanlan (identity). Sa indibidwal na antas, ito ay tumutukoy sa ating pagkatao. Sa pambansang antas, patungkol naman ito sa kolektibong katangian natin bilang isang nasyon. Sa kontekstong ito, mahalagang masagot ang dalawang katanungan: Ano iyong kuwento (micro) at ano ang kuwento ng komunidad/bayan mo? (macro).
· Sa pamamagitan ng storytelling ay nabibigyan ng pagkakataon ang bawat isa na makapagpahayag, mapakinggan, makilala, mapahalagahan at makabuo ng makabuluhang ugnayan sa isa’t isa. Mahalaga ang kuwento sa pagiging bahagi ng isang komunidad.
· Ang isang kwento ay binubuo ng mga maliiit pang kwento (microstories). Ang kuwento ay isang teksto (text) at mahalagang maunawaan na ang etimolohiya ng text ay ‘textus’ na ang ibig sabihin ay ‘hibla.’ Samakatwid, masasabing ang pagkukuwento ay isang porma ng paghahabi (interweaving) ng mga hibla ng maliit pang kuwento.
· Bilang isang sining, may mga piling kombinasyon ng mga pamantayan at elemento rin ang isang mahusay na pagkukuwento kagaya ng mga sumusunod: nakapupukaw na karakter, kontradiksyon, istruktura at lalim ng istorya, kabuoang konteksto, paraan ng paglalahad, nakapaloob na damdamin, natatanging istilo, kapanapanabik na tagpo, inobasyon sa presentasyon at iba pa. Pansinin kung paano mas nagiging epektibo ang pag-aaral ng lipunan kapag tinambalan ng sining ng pagkukuwento.
· Sinasabing ang bawat kuwento ay may tauhan, balangkas, naratibo at konteksto na sumasalamin sa kasaysayan at kultura ng mas malawak na lipunan. Taglay rin nito ang aral (moral lesson) na nagsisilbing gabay sa ating pag-iral at pakikipagkapwa.
· Ang storytelling ay may iba’t ibang porma at maaaring nakapaloob sa mga sumusunod na pormat: balita, pelikula, aklat, komiks, lektura, talumpati, pagpapadaloy ng programa, kuwentong bayan, epiko, patalastas, kampanyang elektoral, at maging sa simpleng pakikipagbalitaktakan o “talapapagan” (talakayan sa papag).
· Malakas ang tradisyong pasalita (oral tradition) sa Pilipinas kaya epektibo ang storytelling sa pagpapalaganap ng kaalaman at kaisipan. Pansinin kung gaano ito kaepektibo bilang estratehiya sa kampanya tuwing eleksyon (kahit pa nga pambabaluktot at panlilinlang na ang pakay ng kandidato at partido).
· Instrumental din ang storytelling sa pagbuo ng tala-angkanan (genealogy) ng pamilya at ninuno. Mula sa kuwento ng mga kapanayam (interviewee) at tagabatid (informant) ay mapapalawig at mabeberipika ang binubuong genealogy.
· Ang pagkukuwento ay isang paraan ng pagsasalin o pagpapasa ng kultura. Mahalaga samakatuwid ang storytelling sa proseso ng intergenerational transfer. Sa pamamagitan nito ay napepreserba ang mga katutubong kaalaman (indigenous knowledge) at kuwentong bayan (folklore). Sa konteksto naman ng organisasyon, ang mga kuwento ay nagsisilbing daluyan at repositoryo ng implicit knowledge at institutional memory. Maraming impormasyon ukol sa pamilya, organisasyon at komunidad ang hindi nasusulat at matutuklasan lamang sa pakikipagkuwentuhan sa mga mas nakatatanda.
· Sinasalamin din ng kalipunan ng mga istorya ang moralidad at sistema ng papapahalaga (values system) ng indibidwal at komunidad na kanyang kinabibilangan. Makikita ito sa mga epiko, alamat at kuwentong bayan ng lokalidad.
· Lumilikha ang kuwento ng koneksyon sa pagitan ng mga indibidwal at grupo bunga ng pagkakapare-pareho ng mga karanasan (halimbawa: kuwento ng pag-asa at pagbangon). Pinagtitibay rin nito ang solidaridad ng grupo at organisasyon.
· Kritikal din ang papel na ginagampanan ng storytelling sa pagbuo ng social network dahil sa magkakawing-kawing na relasyon sa pagitan ng indibidwal at grupo.
· Isa sa mga layunin ng storytelling ay makapagbigay ng aliw (entertainment). Sinasabing unibersal na katangian natin ang maghangad ng kasiyahan kaya itinuturing na epektibong gamitin ang storytelling bilang estratehiya ng komunikasyon.
· Malaki rin ang ambag ng storytelling sa larangan ng edukasyon. Mas pinagyayaman nito ang karanasan ng pagkatuto. Sa pamamagitan ng mga kuwento ay mas nagiging kawili-wili ang pag-aaral at mas tumatatak din ang bawat leksyon sa alaala ng mga mag-aaral.
· Agresibo ring ginagamit sa marketing at advertising ang storytelling para mas pumukaw sa mga tagatangkilik, pag-alabin ang kanilang emosyon at pagtibayin ang customer loyalty. Pansinin kung paano itinatampok sa Pilipinas bilang isang ‘remittance economy’ ang madamdaming kuwento ng mga overseas Filipino workers (OFW) at kanilang pamilya sa bansa sa ilang patalastas at anunsyo.
· Ang kuwento ay isang naratibo at ang bawat naratibo ay may pagkiling o pagpanig. Maaari itong pumabor sa mga naghaharing-uri o makapangyarihan (‘narrative from above’). Halimbawa nito ay ang bersyon ng kuwento ng mga kolonisador, panginoong may lupa at dinastiyang politikal.
· Sa larangan ng pagbabalita, ang istorya ay kakikitaan din ng pagiging suhetibo (o subjective) na sinasalamin ng agenda-setting, framing at priming ng media producer. Sa isang sistemang panlipunan at pang-ekonomiya na ang ‘default ideology’ ay kontrolado ng dominanteng puwersa, ang storytelling ay kapansin-pansing pumapabor at nagtatanghal sa kanilang mga nasa itaas at nasa kapangyarihan (valorization).
· Samantala, ang naratibo naman ay maaaring maging kontra-daluyong at nagbubukal mula sa hanay ng mga inaaapi at pinagsasamantalahan (‘narrative from below’). Tumutukoy ito sa mga kuwento ng magsasaka, mangingisda, katutubo, manggagawa, kababaihan, LGBTQIA+, matatanda, kabataan, may kapansanan, mahihirap at iba pang bulnerableng sektor ng lipunan.
· Sa pamamagitan ng counter-stories ay naitatampok at naitatambol ang mga kuwento ng mga binusalan at binalewala sa lipunan (o yung mga tinatawag ding ‘the last, the least, and the lost’). Hinahamon ng counter-stories at counter-histories ang mga bersyon ng kuwento ng mga naghaharing uri na nagtatampok sa kanila bilang matuwid at nagbubura sa batayang sektor sa alaala (historical erasure). Sa kontekstong ito, ang pagsusulat ng kasaysayan ay maitututing na isang tunggalian ng kuwento at kamalayan.
· Sadyang makapangyarihan ang kuwento na maaaring magbaluktot at magpalabo sa naratibo. Sa kabilang banda, gamit ang mga kontra-kuwento ay maaaring hamunin ang dominanteng naratibo at maituwid ang elitistang paglalahad ng kasaysayan. Ang storytelling samakatuwid ay isang porma ng prinsipyadong paninindigan para igiit ang katwiran, katotohanan at karapatan.
· Kaugnay ng mga nabanggit, malaki ang maitutulong ng storytelling sa pagsusulong ng adbokasiya at kilusang pagbabago sa pamamagitan ng pagtatampok ng mga kuwento ng pakikibaka.
· Ganoon din kahalaga ang storytelling sa pag-oorganisa at pagpapaunlad ng komunidad (community organizing and community development) dahil sa mapanghamig at mapangbuklod nitong katangian.
· Laganap na rin ang storytelling research bunga ng tinatawag na ‘narrative turn’ noong mga nakaraang dekada kung saan itinatampok ang mga tema ng lived experience ng mga indibidwal at grupo at ang kinapapalooban nitong panlipunang konteksto.
· Sinasalamin din ng kuwento ang bawat tagumpay at kabiguan sa buhay ng isang indibiwal (micro), komunidad o organisasyon (meso) at bansa (macro). Mahalaga ito sa pagtutuwid, pagpupunyagi at pagbibigay ng inspirasyon.
Bilang pagbubuo(d), makapangyarihan ang kuwento dahil maaari itong makapukaw ng damdamin, makapagpalawak ng isipan, makapagpalalim ng kamalayan, makapagpanibagong-hubog ng pagkatao, makapag-organisa ng hanay, at, higit sa lahat, makapagpakilos tungo sa makatarungang pagbabago.
Para sa inyong reaksyon at pagbabahagi, maaari ring umugnay sa pamamagitan nito: [email protected]

