IPINANUKALA ni Senadora Loren Legarda ang Senate Bill No. 1483 na layong palawigin ang mandato ng Second Congressional Commission on Education (EdCom 2) hanggang Disyembre 2027, bilang pagkilala sa patuloy nitong lakas at mahalagang papel sa pagsusulong ng mga repormang nakabatay sa datos sa sektor ng edukasyon.
Bilang co-chair ng EdCom 2, binigyang-diin ni Legarda ang mga ulat ng Komisyon na “Miseducation: The Failed System of Philippine Education” at “Fixing the Foundations: A Matter of National Survival” bilang “pinakamalalim at pinakabatay-sa-ebidensyang pagsusuri sa sistema ng edukasyon sa bansa sa mga nagdaang taon.”
Ayon sa apat na terminong Senadora, hindi lamang pagsusuri ang naibigay ng Komisyon kundi direktang impluwensiya sa batas, pondo, at koordinasyon ng mga ahensya.
“Pinag-isa ng Komisyon ang mga pambansang ahensya, lokal na pamahalaan, paaralan, institusyong pananaliksik, at mga katuwang sa lipunan upang isalin ang ebidensya tungo sa reporma,” pahayag ni Legarda.
Sa ika-19 na Kongreso, nakatulong ang EdCom 2 sa pagpasa ng sampung batas sa edukasyon. Sa ika-20 Kongreso, sinusuportahan nito ang pagbuo ng anim na pangunahing panukala sa ilalim ng Legislative-Executive Development Advisory Council (Ledac), bukod pa sa iba pang mungkahing layong palakasin ang akses, katarungan, at kalidad ng edukasyon.
Ipinahayag ni Legarda ang kanyang patuloy na pagsuporta sa mga repormang hinubog ng pananaliksik ng EdCom 2, kabilang ang Last Mile Schools bill at ang modernisasyon ng mga charter ng Commission on Higher Education (CHED) at Technical Education and Skills Development Authority (Tesda).
“Ang EdCom 2 ay nagsilbing think tank at coordinating body, nagtataguyod ng tiwala at pagkakaisa sa pagitan ng mga ahensya, guro, magulang, at mga tagapagpatupad ng polisiya,” pahayag ni Legarda, kaugnay ng joint meeting ng Komisyon kasama ang DepEd, CHED, at Tesda, at ang papel nito sa pagtatatag ng Education and Workforce Development Group sa ilalim ng Administrative Order No. 36.
Bagaman nakatakdang magtapos ang mandato ng EdCom 2 sa Disyembre 2025 sa ilalim ng Republic Act No. 11899, nilinaw ni Legarda na hindi pa ito nasa yugto ng pagwawakas.
“Sa halip, patuloy itong kumikilos nang buong lakas, batid ang katotohanang marami na ang nagawa, ngunit mas marami pa ang kailangang isakatuparan upang maitayo ang sistemang pang-edukasyon na nararapat sa ating mamamayan,” pahayag ni Legarda.
“Nasa yugto tayo kung saan abot-kamay na ang pag-unlad,” dagdag ni Legarda. “May direksyon ang trabaho. May koordinasyon. Totoo ang lakas ng pagkilos. Nararapat lamang na palawigin natin ito.”
Ang mungkahing pagpapalawig ay nakatanggap ng suporta mula sa DepEd, CHED, at Tesda sa pagdinig ng Senate Committee on Higher, Technical, and Vocational Education noong Oktubre 8, 2025, na pinamunuan ni Legarda.



