NANAWAGAN si Senador Win Gatchalian sa Department of Public Works and Highways (DPWH) na tiyakin na ang lahat ng proyektong pang-imprastraktura ay alam ng mga kinauukulang local government units upang maiwasan ang korupsyon at masigurong ang mga proyekto ay tumutugon sa pangangailangan ng kanilang mga nasasakupan.
Binigyang-diin ni Gatchalian, chairman ng Senate Committee on Finance, na ang lahat ng panukalang proyekto para sa 2027 national budget ay dapat masuring maigi at na-coordinate o alam ng LGU.
“Maraming cases ngayon na ‘yung mga projects bigla na lang sumusulpot sa kanilang lugar pero hindi alam ng mga LGUs,” ipinunto ng senador. Binigay halimbawa niya ang bilyong bilyong pisong flood control projects sa Oriental Mindoro na hindi alam ng mga lokal na opisyal.
Sinabi ni Gatchalian na ang mga LGU ay dapat konsultahin muna bago pa man isama ang isang proyekto sa National Expenditure Program (NEP), ang detalyadong plano ng sangay ng ehekutibo sa paggastos ng pera ng taumbayan.
Nakakapagtaka aniya na ang mga proyektong inindorso ng regional development councils (RDCs) sa ilalim ng Department of Economic Planning and Development (DepDev) ay humigit-kumulang 35% lamang ng mga proyektong kasama sa NEP.
“Kailangan nating iwasan itong mga uncoordinated projects; ang pinaka magandang scenario ay aprubado ang mga ito ng RDCs,” pagtatapos ni Gatchalian.



