26.7 C
Manila
Biyernes, Hunyo 5, 2026

Bam Aquino sa DepEd: Bigyang-prayoridad ang pagkukumpuni, pagpapagawa ng mga silid-aralang nasira ng bagyo at lindol

- Advertisement -
- Advertisement -

NANAWAGAN si Senator Bam Aquino sa Department of Education (DepEd) na bigyang-prayoridad ang agarang pagkukumpuni at pagpapagawa ng mga silid-aralan na nasira ng mga nagdaang bagyo at lindol upang matiyak na ligtas ang pagpapatuloy ng pag-aaral ng mga estudyante.

Ayon sa ulat ng DepEd, humigit-kumulang 5,000 paaralan sa iba’t ibang rehiyon ang nasira sa lindol, karamihan ay sa Central Visayas, Davao Region, at Negros Island Region. Bukod dito, mahigit 5,000 silid-aralan din ang nagtamo ng iba’t ibang pinsala dahil sa mga Bagyong Tino at Uwan sa iba’t ibang panig ng bansa.

“Kailangang agarang maisaayos ang ating silid-aralan para ligtas na maipagpatuloy ng ating mga estudyante ang kanilang pag-aaral,” sabi ni Aquino, at idinagdag na dapat bigyang-pansin ang mga paaralang matinding napinsala.

Nanawagan din si Aquino, chairperson ng Senate Committee on Basic Education, sa DepEd na makipagtulungan sa mga local government units (LGUs) upang mapabilis ang pagkukumpuni at pagpapatayo ng mga silid-aralan para makabalik agad sa paaralan ang mga estudyante.

“Mahalaga ang pagtutulungan ng DepEd at mga lokal na pamahalaan para mapabilis ang pagkukumpuni ng mga paaralan at matiyak na maayos, ligtas, at matibay ang mga silid na babalikan ng ating mga mag-aaral,” ani Aquino.

Dumalo kamakailan si Aquino sa 1st Infanta Education Summit at ininspeksiyon ang mga nasirang silid-aralan sa Binulasan Integrated School sa Infanta, Quezon.

Batay sa datos mula sa mga lokal na opisyal, binigyang-diin niya na sa Infanta pa lamang, humigit-kumulang 1,000 silid-aralan ang napinsala, habang ang buong lalawigan ng Quezon ay kulang pa ng halos 3,400 silid-aralan.

Sinabi ni Aquino na inaprubahan ng Senado ang pagtaas ng pondo para sa pagpapatayo ng mga silid-aralan — mula P13 bilyon patungong sa P68 bilyon –na sapat para makapagtayo ng 26,000 hanggang 30,000 silid-aralan.

“Ang susi na lang po dito: masigurado natin na ang perang iyan, hindi mapunta kung saan-saan. Mapunta po sa mga lugar na makakagawa ng classroom nang mabilis at sa tamang presyo,” wika niya.

Inisponsoran kamakailan ni Aquino ang kanyang Classroom-Building Acceleration Program (CAP) Act, na naglalayong tugunan ang napakalaking 165,000 classroom backlog sa mga pampublikong paaralan at palakasin ang transparency at accountability sa pagpapatayo ng mga classroom.

“Unang-una, popondohan natin ang paggawa ng classroom. Pangawala, hindi na po DPWH ang gagawa ng karamihan ng classroom. Ang gagawa po nito, mga LGU na. Ibig sabihin niyan, iyong pera na nakalaan sa national, diretso po iyan sa LGU,” paliwanag ni Aquino.

“Iyan po, gagamitin ng mga mayor kasama ng local school boards para gumawa ng classroom agad-agad at sabay-sabay. Kung isang ahensiya lang ang gagawa ng classroom sa ating bansa, siguro talaga hindi natin matatapos iyan. Pero kung ang bawat mayor, bawat governor, bawat lugar sabay-sabay gumagawa at napopondohan ng national government, may tsansa tayong masara ang classroom gap,” dagdag pa niya.

Dalawampu’t dalawang senador ang lumagda sa Committee Report No. 6 para sa Senate Bill 1482, habang sina Senators Kiko Pangilinan, Bong Go, Loren Legarda, Robin Padilla, Raffy Tulfo, Joel Villanueva, Pia Cayetano, Sherwin Gatchalian, Erwin Tulfo, JV Ejercito, Mark Villar, at Jinggoy Estrada ang co-sponsors ng panukala.

Co-authors naman sina Senators Imee Marcos, Camille Villar, Raffy Tulfo, Legarda, Villanueva, Estrada, at Gatchalian ng nasabing panukala.

Bukod sa suporta ng kanyang mga kapwa senador, nakatanggap din ng malakas na suporta ang panukala ni Aquino mula sa 800 lokal na opisyal, kabilang ang mga gobernador, bise gobernador, alkalde, bise alkalde, konsehal, board members, at iba pang lokal na lider.

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -