26.6 C
Manila
Sabado, Hunyo 6, 2026

Nobel Laureate Maria Ressa at mga Pinoy Creatives, naging inspiration sa Frankfurt Book Fair

- Advertisement -
- Advertisement -

(Ikatlo sa serye)

ISA sa panauhin mula sa Pilipinas na inantabayan ng maraming dumalo sa nakaraang Frankfurt Book Fair, kung saan ang Pilipinas ang itinampok na Guest of Honor, ay ang Filipina journalist na si Maria Ressa, Nobel Peace Prize laureate at awtor ng aklat na ‘How To Stand Up to a Dictator.’ Siya rin ang nagtatag ng media company na Rappler. Ginamit ni Ressa ang kanyang platform bilang isang kilalang mamamahayag at tagapagsalita para balaan ang mundo tungkol sa panganib ng disinformation at impunity.

Ang Nobel laureate na si Maria Ressa habang ini-interview sa isang event sa Frankfurt Book Fair

Ipinunto ni Ressa na ang social media ay nagiging kasangkapan para sa paglaganap ng kasinungalingan na humahadlang sa katotohanan at tiwala. Nanawagan siya para sa pandaigdigang pagkilos para harapin ang problemang ito, lalo na sa konteksto ng AI at kawalan ng pananagutan ng malalaking kumpanya at lider. Para sa kanya, mahalagang ipagtanggol ang katotohanan dahil dito nakasalalay ang demokrasya. Nasa programa siya sa isang panel discussion tungkol sa “Security Policy and Human Rights – Scope for Action in Times of War and Crisis” kasama si Jens Stoltenberg na dating Secretary-General ng North Atlantic Treaty Organization (NATO).

Kasama ni Dr. Luis Gatmaitan ang Nobel Peace Prize laureate na si Maria Ressa

Naging mabili ang aklat ni Maria Ressa sa naturang book fair. Halos maubos ang mga kopya nito. Kitang-kita sa iba’t ibang lahi na dumalo sa kanyang mga talks at panel discussion ang paghanga sa tapang, talino, at integridad ni Ressa. Pinagkaguluhan ng marami ang Nobel laureate. Lahat halos ay nais magpakuha ng larawan sa kanya. Matatandaan na si Ressa ay isa sa tinanghal na ‘Ten Oustanding Young Men’ (TOYM)  awardees sa Pilipinas sa larang ng Journalism noong 2002. Nagkaroon ako ng pagkakataong makasama si Ressa nang pareho kaming naanyayahang maging hurado (national judges) sa pagpili ng Search for the ‘Ten Oustanding Students of the Philippines’ (TOSP). Saksi ako sa pagiging mababang-loob at down-to-earth ni Maria Ressa. Sa Frankfurt, muling nagtagpo ang aming landas ni Ressa, na ngayo’y awardee na ng Nobel Peace Prize.

Binisita ni Ambassador Susan Natividad ang OMF corner sa Philippine National Stand ng Frankfurt Book Fair. Kasama niya sa larawan sina Gladys Doronila, ang inyong lingkod, at Edgar Trono.

Marami sa mga awtor natin ang nagkaroon ng salin sa Aleman ang kani-kanilang aklat (at karamihan sa kanila ay naging bahagi ng delegasyon ng bansa sa Frankfurt Book Fair). Sila ay mga sumusunod: Charlson Ong (nobela), Butch Dalisay (nobela), Candy Gourlay (nobela), Allan Derain (fiction), Blaise Gacoscos (memoir/personal essays), Jessica Zafra (nobela), Dr. Gideon Lasco (essays), Katrina Tuvera (fiction), Russell Molina (graphic novel), Bambi Eloriaga-Amago (graphic lit), Budjette Tan (komiks), Gerry Alanguilan (komiks), Mike Alcazaren (komiks), Renren Galero (komiks), Paolo Herras (komiks), Jerico Marte (komiks), Jay Ignacio (komiks), Ace Enriquez (komiks), Luna Sicat Cleto (tula), at Daryll Delgado. Nagkaroon din ng mga readings o booksigning event sa kani-kanilang mga aklat. Nagtungo rin sina Derain, Gacoscos, Zafra, at Dalisay sa Switzerland upang daluhan ang paglulunsad o pagbabasa ng kani-kanilang aklat. Sinamahan din ng kilalang Swiss author na si Annette Hug ang ilang delegado sa naturang bansa. Nakapagsalin na sa wikang Aleman si Hug ng ilang aklat mula sa wikang Filipino.


Naisalin sa wikang Aleman ang maraming Pinoy books. Kasama ni Gatmaitan sina Candy Gourlay, Blaise Gacoscos, Charlson Ong, Miguel Syjuco, at Xandra Ramos sa malawak na Philippine Pavilion.

Nagpakita ng suporta ang mga embahada ng Pilipinas sa Germany at Italya sa pagiging GoH natin sa Frankfurtl. Namataan ko roon si Ambassador Irene Susan Natividad, ang ambassador ng Pilipinas sa Germany (na ang opisina ay nasa lungsod ng Berlin). Noong nakaraang taon, siya ang kumatawan sa Pilipinas sa handover ceremony nang tanggapin ng ating bansa ang simbolikong scroll sa pagiging GoH mula sa Italya (ang GoH ng taong 2024).

Itinampok ang mga reading experts na sina Ani Almario at Dina Ocampo sa isang panel sa Philippine Pavilion

Nakausap ng aming publishing group (na OMF Literature), sa pangunguna ng CEO nito na si Edgar Trono, si Ambassador Natividad tungkol sa mga kopya ng mga librong dala namin sa naturang book fair. Sa pagtatapos ng event na ito, ang mga kopyang naidispley doon ay ninais i-donate ng OMF Literature sa Embahada ng Pilipinas sa Frankfurt o sa Berlin para sa mga Pilipinong naninirahan sa Alemanya. Natutuwang tinanggap ni Ambassador Natividad ang mga naturang aklat mula sa OMF Literature at sa marami pang publishing houses na ninais ipagkaloob ang kanilang mga aklat sa Embahada ng Pilipinas sa Germany.

Nandoon din ang Ambassador ng Pilipinas sa Italya na si Neil Imperial

Nandoon din si Ambassador Neil Imperial, ang ambassador ng Pilipinas sa Italya. Nakilala ko siya nang dumalo ako sa Bologna Children’s Book Fair sa Bologna, Italy noong nakaraang Abril. Naging kabahagi siya ng isang panel discussion na ginanap sa Asia Stage . Nagpakita ng suporta ang dalawang ambassador natin – Natividad at Imperial – sa naging paglulunsad ng German edition ng Noli Me Tangere at El Filibusterismo, mga nobela ni Dr. Jose Rizal. Naghandog din ng kopya sa Embahada ng Pilipinas sa Germany ang publisher ng German edition ng mga nobelang ito.

Itinampok din sa Frankfurt Book Fair ang mag-amang kilala sa kanilang comic strips: Jess Abrera at Manix Abrera

Marami ring Pilipinong manunulat na naninirahan na sa iba’t ibang bansa ang nagtungo sa Frankfurt Book Fair upang makibahagi sa once-in-a-lifetime experience na ito na ang Pilipinas ang panauhing bansang pandangal. Nakita ko ang fictionist na si Lakambini ‘Bing’ Sitoy na ngayo’y naninirahan na sa Denmark. Si Miguel ‘Chuck’ Syjuco, awtor ng nobelang ‘Ilustrado’ (na nanalo ng Man Booker Prize Asia), ay nanggaling pa sa Abu Dhabi, UAE, kung saa’y nagtuturo siya sa New York University-Abu Dhabi.  Ang award-winning Fil-Bristish novelist na si Candy Gourlay (kung bigkasin ay ‘Gur-ley’) ay bahagi rin ng delegasyon.  Siya ang awtor ng mga young adult novels na Tall Story, Bone Talk, at Wild Song. Nakilala ko rin doon ang author/academician at cultural historian na si  Lisandro Claudio na ngayo’y Chair ng Center for Southeast Asia Studies sa University of California-Berkeley. Ang historian na si Stephanie Marie Coo na nananahan sa Lisbon, Portugal ay nandoon din. Isa pa sa naitampok ay ang Fil-Am fictionist na si Cecilia Manguera-Brainard na naisalin ang kanyang mga aklat sa iba’t ibang wika ng daigdig.

- Advertisement -
Naisalin na sa maraming wika ng daigdig ang mga aklat ng Fil-Am author na si Cecilia Manguera-Brainard.

Ang mga reading specialists na sina Dina Ocampo at Ani Almario ay pinalakpakan sa kanilang sesyon tungkol sa ‘Reading is Everyone’s Business kung saan ay ipinakita nila ang kalagayan ng pagbabasa at functional literacy sa bansa. Kinatawan naman ni DepEd Undersecretary Atty Fatima Panontongan si DepEd Secretary Sonny Angara na originally ay dapat kasama sa Frankfurt ngunit piniling manatili sa Pilipinas upang bisitahin ang maraming eskuwelahang tinamaan ng lindol at iba pang kalamidad (na nangyari bago ang naganap na book fair).

Hinanap ko ang Olympian gold medalist na si Hidilyn Diaz na sa orihinal na plano ay kasamang tutungo sa Frankfurt para sa paglulunsad ng kanyang aklat ng memoir. Hindi pala natuloy ang pagiging delegado ni Diaz, at ito’y dahil hindi nakaabot sa iskedyul ng FBM ang paglalathala ng kanyang memoir.

(May karugtong)

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -