NAGHAIN si Committee on Labor & Employment Chairperson Sen. Idol Raffy Tulfo ng panukalang batas para tiyakin ang kapakanan at proteksyon ng mga manggagawa sa Business Process Outsourcing (BPO), lalo na tuwing may kalamidad at mapanganib na kondisyon sa trabaho.
Isinumite niya ang Senate Bill (SB) No. 1493 o ang “BPO Workers’ Welfare and Protection Act,” na naglalayong siguruhin ang job security at access sa medical benefits para sa mga BPO workers, gayundin ay magtakda ng pambansang entry-level wage na nakaayon sa family living wage para sa kanila.
“This bill aims to uphold and safeguard the rights of many Filipinos, particularly those from the youth demographic, who seek immediate employment in BPO firms. It reiterates the labor standards defined in the Labor Code and introduces additional benefits intended to tackle specific challenges and issues linked to the nature of BPO work,” saad niya.
Sa ilalim ng SB 1493, dapat awtomatikong suspindihin ang trabaho nila tuwing may bagyo, lindol, pagputok ng bulkan, sunog, at iba pang kalamidad.
Kaugnay nito, may mga naiulat na ilang kompanya kamakailan ang ni-require pa rin ang mga empleyado nila sa BPO sa gitna ng super typhoon Uwan, kaya ilan sa kanila ay napilitan ding lumusob sa baha at malagay sa panganib.
Iminungkahi rin ni Tulfo na boluntaryo ang pagpasok tuwing malakas na ulan at iba pang masamang panahon, at dapat mabigyan ng nararapat na Hazard Pay ang mga papasok na BPO employees.
Nakasaad din sa panukala na magiging regular ang BPO worker matapos ang anim na buwang probationary period. At kung mas maikli ang training, magiging regular sila pagkatapos nito.
Dapat ding tumanggap ang BPO workers ng entry-level wage na hindi bababa sa ₱36,000; magkakaroon sila ng medical benefits pagpasok pa lang sa kompanya at hindi lamang pagkatapos ma-regular; at may karapatang mag-organisa para sa collective bargaining at makilahok sa mga usaping may kinalaman sa kanilang mga karapatan sa trabaho.



