ANG autoethnography kagaya ng isinasaad ng terminong ito ay tambalan ng autobiography (maykro) at ethnography (makro). Kinapapalooban ito ng tatlong konsepto na tatalakayin sa akdang ito: auto (self) + ethno (culture) + graphy (writing) o ang pagsusulat ukol sa tambalan o talaban ng sarili sa kontekto ng kultura. Ang autobiography ay tumutukoy sa sariling danas at alaala. Samantalang ang ethnography naman ay sumasaklaw sa mas malawak na lipunan at kultura. Kapwa binibigyang katuturan sa autoethnography ang personal na danas (self) at panlipunang balangkas (society) sa pamamagitan ng pagninilay at interpretasyon. Ang mga sumusunod ay ilang tala ng paalala at gabay ukol sa paggamit ng autoethnography sa pagsusuri, pananaliksik at pagsusulat.
- Tandaan ang mahigpit na ugnayan ng sariling danas (specific) at ang kaugnayan nito sa mas malawak na lipunan (general).
- I-angkla ang pag-aaral ng sariling danas sa konteksto ng organisasyon, institusyon, komunidad, kapaligiran, disiplina, larangan at/o lipunang kinabibilangan. Mas nagiging malakas ang pagpapatibay at malalim ang pagsusuri dahil ang nagsisiyasat ay kabahagi mismo ng kinakapaloobang konteksto. Ito ang dahilan kung bakit tinatawag din dati ang autoethnography bilang “insider ethnography.”
- Gamitin ang autoethnography upang mapagnilayan ang sariling pilosopiya at praktika sa konteksto ng mas malawak na larangan at lipunan.
- Gamitin ang kakayahan ng autoethnography na mapatalas ang ating
self-awareness, other-orientedness at place-sensitivity. - Isaisip na ang dulog na ito sa pananaliksik ay kapwa kinakapalooban ng paloob (inward) at palabas (outward) na mga pananaw at salimbayan ng dalawang ito.
- Pahalagahan ang kakayahan ng autoethnography na suriin ang mga penomenon sa iba’t ibang level of analysis at dimension of analysis. Sinasaklaw ng level of analysis ang pansarili hanggang panlipunan. Samantala, sinasaklaw naman ng dimension of analysis ang pang-ekonomiya, pampolitika at pangkultural na aspekto ng lipunan at pag-iral.
- Pahalagahan ang sariling boses dahil kinakatawan din nito ang kolektibong danas at panawagan ng iyong sektor na kinabibilangan. Alinsunod ito sa epistemolohiya at metodolohiya ng autoethnography na pinagdudugtong ang sarili (personal, individual) at samahan (organizational, institutional).
- Kilalanin ang danas, repleksyon at punto-de-bista ng mga taga-komunidad na kinabibilangan mo bilang lehitimong batis ng karunungan. Ang ganitong epistemolohiya ay humahamon sa nananaig na paradigma na nagbabalewala sa lokal, lapat at nakalugar na pagpapahalaga (values).
- Pahalagahan ang emosyon o damdamin bilang mahalagang salik ng pagninilay, pagsusuri at pagsisiyasat.
- Isaad ang posisyonalidad bilang mananaliksik. Ang posisyonalidad ay tumutukoy sa pagkatao (kakanyahan o identitad) ng mananaliksik na nakakaimpluwensiya sa kanyang iskolarsyip, politika at etika. Maaari itong tumukoy sa kanyang etnisidad, kasarian, uring panlipunan, ideolohiya, pananampalataya at iba pa.
- Tandaan na ang posisyonalidad (o positionality) ay tumutukoy sa identidad na sinusuhayan at sumasalamin sa mas malawak na konteksto kung saan tayo nakapaloob (positionality = identity and context).
- Tukuyin din kung bakit pinili ang partikular na paksa, tema, metodo, metodolohiya at larangan ng pananaliksik batay sa iyong posisyonalidad, at bigyang katwiran din ito.
- Tandaan na first-person ang paraan ng pagsusulat ng autoethnography kaya “ako o I” ang ginagamit na panghalip o pronoun sa akda.
- Gamitin ang metodolohiyang ito sa masaklaw na larangan ng humanities, human sciences at iba pa.
- Isaisip na kapwa itinuturing na datos sa autoethnography ang sariling danas (maykro), kolektibong pag-iral (meso) at malawak na lipunan (makro).
- Unawain na ang bahagi ng etnograpiya ay maaaring tumukoy sa pang-ekonomiya, pampolitika, pangkultural at pang-edukasyonal na dimensyon ng lipunan.
- Tandaan na ang auto-ethnography ay isang uri ng pagsusulat na kailangang nagtataglay ng siyentipiko, sistematiko, masinsin at masining na paraan.
- Gamitin bilang batayan, unit of analysis at pagpapatibay ang mga sariling tala, repleksyon, dyornal, talaarawan at iba pang personal na teksto para sa pagsisiyasat.
- Gawing masaklaw at multimodal ang pagbabatayang datos ng autoethnography na maaaring sumaklaw sa alaala, liham, diary, field notes, larawan, photo caption, panayam, dokumento, artifacts, video recording, voice notes at iba pa.
- Maging masinop sa pagtatala, dokumentasyon at pagtitipon ng mga akda at teksto.
- Gamitin ang tambalan ng micro at macro analysis upang tukuyin, isalarawan, ipaliwanag at/o hamunin ang mga mensahe at kahulugan sa ating indibiwal at kolektibong pag-iral sa larangan at lipunan.
- Suriin ang mga akda at teksto sa gabay ng analytical lens na iyong gagamitin. Ang autoethnography ay kinapapalooban ng pagsusuri gamit ang konsepto, teorya o tradisyon upang maging makahulugan, mas lumalim at mapaghalawan ng dagdag o bagong kaalaman at aral.
- Suriin ang tumbasan, tambalan at talaban ng teksto at konteksto. Ang personal na danas ang nagsisilbing teksto at ang mas malawak na lipunan ang tumatayong konteksto.
- Gamitin ang mayamang datos mula sa autobiography at ethnography upang isalarawan, ipaliwanag at siyasatin ang mga personal at panlipunang penonemon para maging batayan ng makabuluhang pagbabagong panlipunan, pagyabong ng larangan at personal na pag-unlad.
- Tandaan na magmimistulang autobiography lamang ang isinusulat kung ito ay hindi tatambalan ng panlipunang konteksto at kaukulang pagsusuri at interpretasyon.
- Lapatan ng malalim na pagninilay (o reflectivity) ang personal na pag-iral sa konteksto ng kinakapalooban nitong panlipunan at pangkaunlarang kapaligiran.
- Bumuo ng mga angkop na reflective prompt upang paglunsaran ng iyong pagninilay, introspeksyon at pagsusuri. Maaaring maging tematiko o kronolohikal ang dulog.
- Maging masinsin sa pagtukoy, pagsasalarawan at pagsusuri sa mga elemento, simbolismo at mensaheng ipinahahatid ng akda at alaala.
- Tambalan ng komentaryo at pagsasakonteksto ang personal na danas sa dialektikal na ugnayan nito sa politikal na balangkas.
- Tambalan din ang sariling kaisipan, damdamin at pagninilay ng panayam tampok ang ibang indibidwal o grupo upang higit na mapagyaman ang repleksyon sa sariling danas at pagsusuri sa kolektibong pag-iral.
- Bigyang-diin ang mapagnilay, malalim at masining na pagsusuri at pagsusulat dahil ang autoethnography ay isang kuwalitatibong pagsisiyasat (qualitative inquiry). Kinapapalooban din ang autoethnography ng storytelling bilang estratehiya.
- Maging responsable at mapagnilay sa pagtugon sa mga mabibigat na emosyon na maaaring maramdaman at malalagim na alaala na maaaring manariwa bunga ng metodolohiyang ito.
- Tiyaking gamitin ang pinakamataas na pamantayang etikal sa pagsasagawa ng pananaliksik gamit ang autoethonography.
- Unawain na ang personal na danas ay hinubog/hinuhubog ng mas malawak na puwersa sa lipunan. Gayundin, nakakaimpluwensiya ang ating mga personal na danas sa mas malawak na ekolohiya ng lipunan sa pangkalahatan.
- Itaas ang antas sa critical autoethnography upang hamunin ang nananaig na kaayusan at makapagmungkahi ng istruktural na pagbabago. Layunin ng critical autoethnography na lumampas sa antas ng pagsasalarawan (description) at pagpapaliwanag (explanation) lamang.
- Gamitin ang critical autoethnography upang itampok ang mga personal na karanasan ng pagsasamantala at hamunin ang mga istruktural na puwersa sa lipunan na sumusuhay rito.
- Maging malay rin sa mga konsepto at kuwento na natatabunan, nababalewala at nababaluktot upang maging mapagpalaya ang layon, proseso at kahahantungan ng pananaliksik.
- Tandaan na ang autoethnography ay isa ring imbitasyon, paghihikayat at pagbubukas ng mas malawak na puwang para sa ibang sektor na magpahayag at manindigan din.
Bilang pagbubuo(d), tandaan na komplementaryo ang autobiography at ethnography sa isa’t isa. Mas nabibigyang kahulugan, napapalalim at napatatalas ang pagsisiyasat sa pamamagitan ng pagkokonteksto ng personal sa mas malawak na kompigurasyong panlipunan at paglalapat ng makro-istruktural na realidad sa personal na danas at pag-iral. Makapangyarihan ang pagsasanib ng personal narrative at political analysis upang mapagnilayan, hamunin at mabago ang ating mga kinagisnang paradigma, pananaw, kaisipan, damdamin, ritwal, patakaran, plano, proseso at praktika bilang indibidwal, mag-aaral, mananaliksik, propesyonal at mamamayan.
Para sa inyong reaksyon at pagbabahagi, maaari ring umugnay sa pamamagitan ng [email protected]

