31.2 C
Manila
Sabado, Hunyo 13, 2026

Power Mapping 101

- Advertisement -
- Advertisement -

PANGUNAHING sinasagot ng power mapping ang mga katanungang sino-sino ang pinakamakapangyarihan sa lipunan, sino-sino ang mga nakapaligid sa kanila at kung sumusuporta o humahadlang ba sila sa inyong mga adhikain. Sa pamamagitan ng pagmamapa ay biswal na mailalatag ang ugnayan ng inyong hanay sa mga panlipunang puwersa na may kinalaman at mapagpasya sa ikatatagumpay o ikabibigo ng inyong isinusulong na adbokasiya. Nakalata sa ibaba ang ilan sa mga alituntunin at gabay sa panimulang pagsasagawa ng power mapping.

  • Tukuyin ang mga pang-ekonomiya at pampolitikang puwersa sa larangan at lipunan. Tandaan ang mahigpit na ugnayan ng kayamanan at kapangyarihan sa isa’t isa. Malaking tulong ang pampolitikang ekonomiyang pagsusuri (o political economic analysis) sa pagsasagawa ng power mapping.
  • Maging malay rin sa mga katangian ng kapangyarihang tinutukoy (economic power, political power, cultural power at symbolic power).
  • Imapa ang mga panlipunang puwersa batay sa dalawang pangkalahatan at nagtutunggaling kategorya: sumusuporta (for) at hindi sumusuporta (against). Tukuyin din ang mga puwersang pumapagitna (neutral).
  • Unawain din mabuti ang malalim na batayan ng kanilang pagposisyon at pagpanig sa bawat usapin.
  • Suriin din ang dahilan at implikasyon ng pagiging neutral. Alinsunod sa paniniwalang “neutrality is a myth,” maaaring ang pagiging neutral ay sumasalamin sa (1) kawalan ng pakialam bilang ekspresyon ng desperasyon at (2) takot na kalabanin ang namamayaning sistema. Bilang implikasyon, ang pagiging neutral ay pumapabor sa dominanteng istruktura at naghaharing uri sa lipunan.
  • Tukuyin ang mga kaalyado mula sa mga panlipunang puwersa na may kinalaman sa ikatatagumpay ng inyong isinusulong na layunin at adbokasiya. Alamin ang inyong point of unity o interseksyon ng pinagkakasunduan.
  • Maging matalas sa pagsipat ng mga tambalan (convergence) at talaban (divergence) sa larangan at lipunan. May kinalaman ang konpigurasyong ito sa magiging pangkalahatang latag ng isasagawang power map.
  • Imapa sa pamamagitan ng grid ang mga panlipunang puwersa na tumutukoy sa antas ng kanilang kapangyarihan at kung sila ba ay sumusuporta o hindi sa inyong posisyon at paninindigan. Itala sa itaas na kaliwa ang “strong power at supportive”, itaas na kanan ang “strong power pero unsupportive”, babang kaliwa ang “weak power pero supportive” at babang kanan ang “weak power at unsupportive.”
  • Tukuyin kung sino/ano ang sentro/lunduyan ng kapangyarihan na siyang may pinakamalakas na impluwensiya sa pagdedesisyon.
  • Tukuyin sa pamamagitan ng pagmamapa kung sino ang may akses at malakas/malapit na relasyon sa sentro ng kapangyarihan. Sa tulong nito ay mas magiging malinaw ang target ng inyong advocacy work at social and behavioral change communication (SBCC).
  • Gumamit ng one-headed arrow kung isahang direksyon o panig lamang ang impluwensiya ng kapangyarihan (unidirectional) at double-headed arrow naman kung parehong panig (bi-directional). Maaari ring dalawang one-headed arrow na magkabilaang direksyon ang iguhit kung saan puwedeng gawing mas makapal ang arrow ng sinumang may mas malakas na kapangyarihan o impluwensiya.
  • Gamitin ding batayan ang layo at lapit upang isalarawan kung may malapit at mahigpit (close and tight) na relasyon ang mga panlipunang puwersa sa isa’t isa.
  • Gawing malinaw at masinsin ang biswal na paglalarawan upang higit na maging matagumpay ang pagsusuri at interpretasyon.
  • Imapa rin ang mga panlipunang puwersa sa pamamagitan ng isang spectrum na maglalatag at maghahanay sa kanilang posisyon at pagpanig sa tampok na usapin o patakaran: strongly agree, nominally agree, neutral, nominally disagree, strongly disagree. Tinatawag ding “die hard” ang mga kabilang sa strongly agree o strongly disagree.
  • Gamitin ang power mapping upang maisentro ang plano, oras at rekurso sa mga indibidwal at institusyon na kailangang maimpluwensiyahan at mahamig. Sa kontekstong ito ay napakahalaga ng political at policy communication.
  • Tandaan na kabilang sa mga pangunahing layunin ang (1) mapalakas ang kaisahan, (2) mahikayat ang mga neutral, at (3) mabago ang pagkiling at paninindigan ng mga nasa kabilang panig.
  • Tandaan na bawat indibidwal ay mayroon ding kani-kaniyang spheres of influence kagaya ng kanilang mga kaanak, kaibigan, kalarangan, katrabaho, kaorganisasyon, kanegosyo, kapatiran, kalalawigan at kapananampalataya.
  • Ikonsidera ang mga tagapayo (adviser) at tagapondo (financier) ng mga indibidwal at institusyon na may malakas ding impluwensiya sa kanila.
  • Gamitin ang power mapping upang matukoy at mapalakas ang alyansa ng mga magkakasangga at magkakapanalig. Sa pamamagitan din ito ay matutukoy ang tambalan ng mga koalisyon (halimbawa: mega-coalition, rainbow coalition o broad-based coalition) at banggaan ng mga koalisyon (koalisyon laban sa iba pang koalisyon).
  • Magsagawa ng pagsasakasaysayan para matukoy at maestablisa ang oryentasyon at paninindigan ng bawat panig at puwersa sa lipunan ukol sa mga partikular na usapin. Malaking tulong ang political history, political sociology at political psychology upang mas maunawaan ang pattern of change at continuity sa pag-aaral ng political ideology, political movement at political development.
  • Imapa at suriin din ang iba’t ibang porma ng informal leadership at informal network na maaaring may malakas na kapangyarihan at impluwensiya sa pagdedesisyon. Tandaan na hindi lamang ang mga may titulo at may posisyon ang tanging makapangyarihan at mapagpasya.
  • Gamitin ang power mapping upang suriin at siyasatin ang tumbasan, tambalan at talaban ng kapangyarihan tuwing eleksyon. Matutukoy sa pamamagitan nito ang mga nabubuo at/o nabubuwag na alyansa ng mga partido politikal.
  • Tandaan ang kasabihang “Politics is addition.” Sa kontekstong ito ay mahalagang mapalawak at mapalakas ang hanay.
  • Isaisip at pagnilayan din ang kasabihang “The enemy of your enemy is your friend.” Suriin ang aplikasyon nito sa inyong konteksto at kapaligiran.
  • Gamitin din ang power mapping sa pag-oorganisa ng komunidad o kilusang unyonismo. Sa pamamagitan ng pagmamapa ay matutukoy ang mga kaalyado (ally) at kalaban (opponent) sa pakikibaka at pagbabagong panlipunan.
  • Isagawa ang power mapping nang mayroong katuwang upang matiyak na ganap na masaklaw at tamang maihanay ang lahat ng mga panlipunang puwersa.
  • Iwasang maging padalos-dalos sa konklusyon. Pagnilayan mabuti ang pagmamapa ng kapangyarihan upang maiwasan ang maling paglalatag at paghahanay ng grupo.
  • Siyasatin din mabuti maging ang mga panlipunang puwersa na naisasantabi at hindi nabibigyang puwang. May mga nakukubling realidad na maaaring hindi kapansin-pansin sa unang sipat at suri.
  • Isagawa tuwina ang pagmamapa upang matukoy ang mga nagiging pagpapanibagong hubog ng mga panlipunang puwersa at ang kaakibat nitong pagpapalit at pagpihit ng panig.
  • Tandaang nagbabago ang political at ideological landscape ng lipunan kung saan tayo nakapaloob kaya mahalaga ang patuloy na pagmamapa, pagsasakasaysayan, paghahanay, pagsusuri at pagbibigay-katuturan.
  • Alalahanin din na mula sa punto-de-bista ng conflict theory (critical theory o discourse of suspicion) ay maituturing ang larangan at lipunan bilang espasyo
    (o sitio) ng tunggalian. Sa parametrong ito, mahalagang maimapa ang parehong salimbayan (o synergy) at salpukan (o clash) ng kapangyarihan at interes.

Bilang pagbubuo(d), pakatandaan na kritikal na bahagi ng isasagawang pagmamapa at pagsusuri na kapwa maitampok ang nagtutunggaling gahum (hegemony) at kontra-gahum (counter-hegemony) sa mga puwersang panlipunan. Sa pamamagitan nito ay mailalantad ang monopolyo sa kapangyarihan at pananaig ng iilan – at kung paano ito hahamunin, lalansagin at mababago.

Para sa inyong reaksyon at pagbabahagi, maaari ring umugnay sa pamamagitan ng [email protected].

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -