(Ika-2 sa serye tungkol sa Korea library visit ng FLAPI)
DINALA kami ni Ginoong Chung Ki-Won, director ng Korea Small Library Association, sa kanyang tinitirhang lugar sa Iksan City. May isa pa palang library na nakatakda naming makita nang hapong ‘yun. Habang daan ay mapapansin ang malawak na kabukiran sa naturang siyudad. Napag-alaman kong ‘barley’ pala, hindi palay, ang nakatanim sa malawak na sakahin. Kay rami ring nakahilerang greenhouses sa magkabilang panig ng highway para sa mga pananim nilang letsugas, repolyo (pang-kimchi!), sibuyas, labanos, sili, at iba pa. May pagka-agricultural ang naturang area pero ito man ay hindi napagkaitan ng library. Katunayan, si Director Chung mismo ay nagtayo ng isa sa kanyang lugar. Ang naipong libro na nai-donate sa kanya ay kanyang masinop na naisaayos sa isang ‘kakaibang library.’

Isang container van na kinulayan ng dark red ang tumambad sa amin pagpasok namin sa kanyang bakuran. Parihaba ang naturang container van pero nilagyan ng bubong na tatsulok kaya nagmukhang maliit na gusali. Kahanga-hanga! Ang pinakaharap nito ay may mga salaming ‘one-way’ (mula sa ibaba hanggang sa may bubungan) kung kaya’t nagre-reflect dito ang magandang tanawin ng mga kabukiran. Ang iba pang mga dingding ng naturang container van ay halos walang bintana (kung mayroon man, ito ay maliliit na bintana lamang). May airconditioning unit sa loob kaya malamig din ito. Dahil salamin nga ang frontage ng building kung kaya’t maliwanag din sa loob nito. Napaliligiran ng magagandang halaman at bulaklak ang naturang library. Kay presko ng hangin sa labas!

Nahahati sa dalawang palapag ang naturang container van library. Sa ilalim ay matatagpuan ang hilera ng mga bookshelves na puno ng aklat. May toilet din doon. Sa ikalawang palapag, nandoon ang receiving area ni Director Chung. Ito na rin ang kanyang nagsisilbing opisina. May mahabang mesa na puwedeng pagdausan ng iba’t ibang book-related activities. Katuwang niya ang kanyang anak sa pagpapatakbo nito. Sa isang talakayan na ginawa ng grupo kay Director Chung, naitanong ng kasama naming textbook author at early childhood educator na si Maria Rosario ‘Charry’ Marasigan kung may naihanda na bang ‘succession plan’ si Chung sakaling magretiro na siya sa pamumuno ng Korea Small Library Association? Matatandaang higit sa 1,500 small libraries ang affiliated dito. Nais malaman ni Marasigan sa kung kaninong kamay mapupunta ang pamamahala nito. Ayon sa butihing director, ang kanyang mga anak ay naihanda na niya sa pagpapatakbo nito.

Kinuha na rin namin ni Charry Marasigan ang pagkakataong makapag-donate ng tig-isang kopya ng librong aming sinulat sa container van library ni Director Chung. Kung hindi nga lang mabigat ibiyahe ang mga aklat, nakapagbigay sana kami ng ilan pang aklat. Bagama’t puno na ang naturang container van library ng kay raming aklat, maganda ring represented ang ating aklat mula sa Pilipinas. Espesyal pa naman kina Director Chung ang Pilipinas sapagkat ilang ulit na rin nilang nadalaw ang ating bansa upang magdaos ng kumperensiya at lecture-workshops. Si Marasigan ay nag-donate ng latest edition ng kanyang Science textbook (na ginagamit ding textbook ngayon sa ilang eskuwelahan sa Bahrain at Japan); ako naman ay nag-donate ng isang aklat pambata.

Nagkaroon kami ng pagkakataong matanong si Ginoong Chung sa pasimula ng kanyang pagtataguyod ng mga maliliit na libraries sa iba’t ibang dako ng Korea. Sabi niya, malaking sakripisyo ang kanyang ginawa upang maisakatuparan ang ganitong adhikain. Ginawa raw niya ito out of his love for library development at para maitaguyod ang pagbabasa sa Korea. Bata pa lang daw siya’y nangangarap na siyang makagawa ng magandang kontribusyon sa bansa nila. Hindi raw niya akalaing ito pala’y sa pamamagitan ng masikap niyang pagtataguyod ng mga ‘small libraries’ sa buong Korea.

Biniro pa namin siya na kung gagawa siya ng memoir o aklat-gunita tungkol sa kanyang life journey, ang magandang pamagat nito ay ang ‘Chung Ki-Won: The Book Hero from Gochang.’ Bagama’t sa Iksan City matatagpuan ang container van library ni Director Chung Ki-Won at doon na rin naninirahan ang pamilya niya, ang lugar niyang pinagmulan ay ang siyudad ng Gochang sa South Korea. “You are indeed Gochang’s pride,” dagdag pa ni Fe Abelardo na tumatayong Pangulo ng Friendship Library Association of the Philippines, Inc. (FLAPI) at naging katuwang rin ni Director Chung sa ilang book donation drive at library development dito sa bansa.

Matapos ang ilang talakayan tungkol sa pagse-setup ng library at pagtatanong sa kung paano maging affiliate ng naturang organisasyon, inanyayahan kaming makibahagi sa isang book-related activity na inihanda ng kanyang staff para sa amin. Sa mahabang mesa ay nakalatag ang mga tote bags na katsa at mga sets ng colored acrylic pens. Sinimulan ng naturang facilitator ang isang storytelling at doon namin nalaman na ang lahat ng art na nakadrowing sa harap ng tote bag ay hinango pala sa aklat mula sa isang kilalang Koreanong manunulat.

Nagkataon namang nakatabi ko sa naturang aktibidad ang isang Korean national na si Dr. Byung Kil Park, isang doktoradong dalubhasa sa larangan ng Pharmacology, na nagsisilbi ring deacon sa isang evangelical church. Ayon sa kanya, ang artist na gumawa ng naturang artwork ay mula pa sa Joseon dynasty. Hindi ko na nakuha ang aktuwal na pangalan sapagkat nakasulat ito sa Korean. Ang naturang artist daw ay kilala sa paggamit ng simbolismo at reflection sa kanyang mga iginuguhit. Kahit ang hari raw ng Joseon noon ay bilib sa kanyang mayamang rendisyon ng guhit.

Hindi na nakapagtatakang matapos ang ginawa naming pagkukulay sa nakadrowing na artworks sa tote bag, kami man ay hinilingang ipakita sa grupo ang aming ginawa. Kasabay nito ay ang pagbanggit sa kung ano ang kinakatawan ng bawat kulay na ginamit sa artwork. Aaminin kong na-relax ako sa naturang aktibidad. Naalala ko ang aking pagkabata, noong panahong mahilig pa akong magkulay ng mga coloring books. Noong bata pa ako, lagi akong nagpapabili ng coloring books sa aking nanay kapag nagagawi siya sa Cabanatuan City. Hindi ko makalimutan na isa sa mga prized possession ko noon ay ang isang set ng crayons na may 64 colors at built-in sharpener!

Lilipas pa ang mga taon bago ko matutuklasang may kakayahan akong kumatha ng kuwentong pambata. Pero hindi ako biniyayaan ng husay sa pagdodrowing. Sa akin ang kuwento, ang mga guhit nito ay mula sa ibang tao. May naka-assign na ilustrador sa bawat aklat pambatang ginagawa ko. Kaya naman masasabi kong kaibang karanasan itong ‘pagkukulay’ para sa akin. Naalala ko ang available ngayon na ‘mandala coloring books for grown-ups’ na kinukulayan ng mga adults bilang isang anyo ng relaxation at stress reliever. Ngayon nga ay may mga inilalathala na ring ‘Mental Health Coloring Books.’

Gaya nang inaasahan, hiniling na magbahagi ang lahat sa kanilang inilapat na kulay sa mga nakaguhit na artwork sa tote bag. Ano ang kinakatawan o simbolismo ng napili naming kulay para sa isang object? Ano ang aming naging pagmumuni-muni (reflection) habang ginagawa ang pagkukulay? Nang umiyak ang isang participant na kasamahan namin tungkol sa ibinabahagi niya, noon ko na-realize na may hatid na ‘catharsis’ ang naturang exercise. Nagkaroon ng ‘release’ nang nilapatan niya ng kulay ang mga drowing. Tunay nga na nakapagdudulot ng ‘healing’ ang mga aklat: sa teksto man nito o sa mga nakalapat na guhit. Isang masayang hapon ang naranasan namin sa loob ng pulang container van library!
(May karugtong)

