26.2 C
Manila
Linggo, Hunyo 14, 2026

Sen Camille Villar naghatid ng tulong, nagbigay-pugay sa bayani ng lindol sa GenSan

- Advertisement -
- Advertisement -

PERSONAL na nagtungo si Senator Camille Villar, ang pinakabatang senador ng ika-20 Kongreso, sa mga komunidad na naapektuhan ng mapaminsalang magnitude 7.8 na lindol sa General Santos City nitong Sabado upang maghatid ng tulong at makiisa sa mga pamilyang patuloy na humaharap sa epekto ng kalamidad.

“Sa panahon ng sakuna, higit kailanman kailangan nating maramdaman na may nagkakaisa at handang tumulong. Hindi lamang ito tungkol sa relief goods. Ito ay pagpapakita ng malasakit at pakikiisa sa bawat pamilyang naapektuhan ng lindol,” ani Villar.

Kasama sina Senator Loren Legarda, Senator Robinhood Padilla, General Santos City Mayor Lorelie Pacquiao, at Barangay Lagao Chairman Jaime Tatad, binisita ni Villar ang dalawang evacuation center sa Barangay Lagao—ang Carcon Vill at Balite—kung saan pansamantalang nanunuluyan ang daan-daang residenteng naapektuhan ng lindol.

Pinangunahan ng millennial senator ang pamamahagi ng relief assistance na binubuo ng bigas, mga pangunahing pagkain, at inuming tubig para sa mga evacuee. Tiniyak din niya sa mga residente na hindi sila nag-iisa sa kanilang pagbangon mula sa trahedya.

Bago ang kanyang pagbisita, kabilang sina Senator Camille Villar at Senator Mark Villar sa mga unang nagpaabot ng tulong sa General Santos City matapos ang lindol. Nagpadala sila ng mga suplay ng bigas at mineral water na ipinamahagi sa pamamagitan ng lokal na pamahalaan upang makatulong sa patuloy na relief operations sa lungsod.

Bukod sa pagbisita sa mga evacuation center, nagtungo rin sina Villar at Padilla sa burol ni Joey Puntual Deluvio, isang empleyadong nasawi habang buong tapang na sinusubukang iligtas ang kanyang kapwa manggagawa na naipit sa isang gusaling gumuho kasunod ng malakas na pagyanig.

Batay sa mga ulat, agad na rumesponde si Deluvio sa sigaw ng tulong ng kanyang kasamahan sa trabaho sa kabila ng panganib. Sa kasamaang-palad, siya mismo ay naipit nang tuluyang bumigay ang istruktura.

Ayon kay Villar, ang sakripisyo ni Deluvio ay nagsisilbing paalala ng katapangan at malasakit na ipinapakita ng mga Pilipino kahit sa gitna ng matinding pagsubok.

“Sa gitna ng takot at panganib, pinili niyang iligtas ang kapwa. Nakikiramay kami sa kanyang pamilya at ipinapanalangin namin ang kanyang kaluluwa,” ani Villar.

Muling tiniyak ng senador ang kanyang pakikipag-ugnayan sa mga lokal na opisyal at mga kaukulang ahensya ng pamahalaan upang matiyak na tuluy-tuloy ang pagdating ng tulong at suporta sa mga komunidad na naapektuhan ng lindol.

“Habang nakikiramay tayo sa mga pamilyang nawalan ng mahal sa buhay at ipinagdarasal ang kaligtasan ng lahat ng naapektuhan, nananatili tayong matatag sa pagtulong sa ating mga kababayan. Sa panahon ng kalamidad, pinakamahalaga ang pagkakaisa, malasakit, at mabilis na pagkilos upang matiyak na walang maiiwan sa ating pagbangon,” pagtatapos ni Villar.

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -