KAPURI-PURI ang isang grupo ng mga estudyante sa University of the Philippines-Diliman na gumawa ng isang proyektong makatutulong nang malaki sa komunidad. Sila’y mga mag-aaral sa ikalawang taon sa kolehiyo ng kursong BS Library and Information Studies. Ito’y isang inisyatibang kanilang ginawa para sa National Service Training Program (NSTP). Naanyayahan nila akong maging tagapagsalita sa isang talakayan na naisip nilang isagawa sa mga bata’t kabataan ng Krus na Ligas, isang barangay na katabi ng UP campus. May kaugnayan ito sa pagpapalaganap nila ng impormasyon at kampanya kontra-Dengue Fever, isang sakit na puwedeng makamatay dala ng kagat ng lamok. Napag-alaman daw nilang higit sa 80 bata na ang nagkasakit ng dengue nitong unang tatlong buwan ng kasalukuyang taon kahit hindi pa nagsisimula ang tag-ulan.

Tinawag nilang ‘MosquiTalk’ ang naturang proyekto. Sabi ko sa kanila, napaka-witty ng napili nilang pangalan ng proyekto. Nakaugnay talaga sa lamok! At ang tawag nila sa akin bilang panauhing tagapagsalita upang ipaliwanag ang sakit na Dengue Fever ay ‘Denguest.’ O, di ba, witty talaga? Marami silang inihandang activities na may papremyo pa sa mga batang lalahok. Sa kanilang slide presentation ng mga tanong na inihanda ay nakasulat doon ang ‘ano ang alam mo(k)?’ patungkol sa mga impormasyong dapat malaman ng mga bata tungkol sa sakit na ito. Nakatutuwang isipin na sadyang pinaglaruan nila ang mga salita upang mapaghusay ang proyekto.

Halos katanghaliang-tapat ‘yun sa buwan ng Abril nang marating ko ang gusaling ‘yun sa Krus na Ligas kung saan gagawin ang ‘Mosquitalk.’ Puno na ang hall nang pumasok ako. Siguro’y aabutin ng 40 bata ang nandoon, bukod pa sa mga estudyante ng UP, ilang guro, at mga barangay officials. Iba-iba ang edad ng mga batang dumalo. May maliliit at merong dalagita na.

Sinimulan nila ang aktibidad sa pamamagitan ng mga nakasanayang parlor games gaya ng ‘Bring Me’ at paunahan sa pagsagot ng ilang nakahandang tanong. Natuwa akong makita na hindi kimi ang mga bata sa naturang komunidad at talagang nakikisali sa mga aktibidad. Nakatulong na may bitbit na mga simpleng gift items ang mga estudyanteng ito upang maengganyo nilang lumahok ang mga bata.
Matapos nito ay sinimulan na ang pagkukuwento o storytelling ng aking nasulat na aklat pambata tungkol sa sakit na Dengue Fever: ang ‘Wanted: Lolit, Lamok ng Dengue!’ na bahagi ng aking seryeng pangkalusugang ‘Mga Kuwento ni Tito Dok’ (inilathala ng Hiyas Books ng OMF Literature). Dalawang estudyanteng lalaki mula sa UP-SLIS ang nakatokang magsagawa ng storytelling sa mga bata, na may paalalang ‘kung makikinig kayong mabuti, may matatanggap kayong regalo kapag nasagot n’yo ang mga tanong na hahanguin mismo sa kuwento.’ Epektibo naman ang paalala sapagkat tumahimik ang mga bata.

Siyempre, sinundan ang naturang storytelling ng aking maikling lektura at ilang practical tips upang makaiwas sa Dengue Fever. Hinikayat ko silang magtanong at makibahagi. Ipinaliwanag kong hindi kahit anong lamok lang ang nagdadala ng dengue. May iba’t ibang uri ng lamok. At depende sa uri nito, doon natin malalaman kung anong sakit ang maaari nitong idulot. Ang sakit na malaria (sa dugo) ay dulot ng kagat ng lamok na nabibilang sa uring ‘Anopheles’ samantalang ang lamok na nagdudulot ng dengue ay may scientific name na ‘Aedes aegypti’ o ‘Aedes albopictus.’

Binanggit ko na ang mga karaniwang lamok na alam natin ay paboritong mamahay sa madidilim na lugar at maruruming kanal. Pero iba ang lamok na may dala ng dengue virus. Mas gusto nitong manahan sa malilinis na tubig (gaya ng tubig na naistak sa timba, o tubig-ulang naipon sa mga gulong o lata) at aktibong nangangagat ito sa araw (habang may liwanag pa). Kakikitaan din sila ng pambihirang pattern sa katawan: may black and white stripes ang Aedes aegypti mosquito. ‘Yung ibang lamok ay basta’t itim lamang.
Ipinaliwanag ko rin na hindi ngunit dati nang nagka-dengue Fever ay may immunity na ang isang tao mula rito. Ipinaliwanag ko na may apat na uri o serotypes ang dengue virus. Kaya apat na beses din ang posibilidad na maulit ang Dengue infection sa isang tao. Halimbawa, noong unang pagkakataong nagka-dengue, baka ‘serotype 1’ ang nakuhang virus ng pasyente. Hindi na siya mauulit magka-dengue dulot ng dengue virus serotype 1, pero puwede pa siyang magkaroon ulit ng dengue Fever (na baka serotype 2 naman, o di kaya’y serotype 3 o 4). Masusing pag-iingat din ang kakailanganin at nang di na maulit pa ang dengue infection. Walang lugar ang pagiging mapagpabaya sa usapin ng dengue.

Bawat isang batang dumalo ay binigyan ng kopya ng aking libro tungkol kay ‘Lolit Lamok.’ Nalaman kong namakyaw pala sila ng mga kopya ng aklat ko. “Para po mababalikan nila ang kuwento,” pagbabahagi ni Erin Clemente, ang isa sa student leaders ng grupo. “Hindi lang ‘yun, kahit po ang ilang family members ng batang ito ay maaaring matuto mula sa aklat ninyo,” natutuwang pagbabahagi naman ni Marc Ian Young, ang project manager ng MosquiTalk.
Nakita ko ring ipinamahagi nila sa bawat batang nandoon ang mga ‘skin lotion’ na kontra-kagat ng lamok. Siyempre, sa bawat ginagawang outreach, may tsibugan din. Nandoon ang kay raming lunch kit mula sa isang kilalang fastfood chain na bubuyog (at hindi lamok) ang logo. Hindi lang busog ang kaisipan kundi busog din ang tiyan. Ano pa’t naging masaya ang naturang pangyayari isang hapon sa mainit na Abril.

Biniro ko pa ang kanilang guro sa subject na ito, si Mr. Dridge Reyes na nasa audience, na karapatdapat bigyan ng mataas na grade ang mga estudyante niyang ito. Nakita ko kasi ang effort at pagnanais ng mga college students na ito na maitampok ang ‘Dengue awareness’ sa komunidad. At bakit nga naman kailangan pa nilang dumayo sa malayong lugar gayong katabi lamang ng UP Diliman campus ang Krus na Ligas na naging beneciary ng kanilang proyekto?
Mulat ang ating mga estudyante. Hindi pa man sila nagtatapos ng kolehiyo ay makikita na sa kanila ang pambihirang pagmamalasakit sa ating mga kababayan. Nagustuhan ko rin ang kanilang mainit na paanyaya sa akin na samahan sila sa kanilang proyekto. Nais nilang ang mismong awtor ng aklat ay makadalo (at willing din silang mag-adjust sa aking iskedyul) upang magkaroon ng pagkakataon ang mga dumalo na makapagtanong sa inyong lingkod. Sana’y magtuloy-tuloy at maging adbokasiya na nila ito. Hindi naman kailangang bongga ang isasagawang proyekto. Ang mahalaga’y nandoon ang puso natin sa mismong ginagawa. Mabuhay ang mga ganitong makabuluhang school projects.

