29.5 C
Manila
Biyernes, Hunyo 5, 2026

Mahigit 1,500 guro at school heads sa Caraga Region, nabigyan ng promosyon sa ilalim ng ECP Program ni PBBM

- Advertisement -
- Advertisement -

AABOT sa 1,559 guro at school heads sa rehiyon ng Caraga ang nabigyan ng matagal nang hinihintay na promosyon sa ilalim ng Expanded Career Progression (ECP) System ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.

Pormal na isinagawa ang kanilang panunumpa sa isang Mass Oathtaking Ceremony sa Agusan Valley Convention Center sa Agusan del Sur nitong Linggo bilang pagkilala sa kanilang dedikasyon at mahabang panunungkulan sa serbisyong publiko.

Ang Caraga Administrative Region, na kilala rin bilang Region 13, ay matatagpuan sa hilagang-silangang bahagi ng Mindanao at binubuo ng mga lalawigan ng Agusan del Norte, Agusan del Sur, Dinagat Islands, Surigao del Norte, at Surigao del Sur, at ang Lungsod ng Butuan na nagsisilbing sentrong pangrehiyon.

Sa talumpating binasa ni Special Assistant to the President Antonio Lagdameo Jr., muling tiniyak ng Pangulo ang suporta ng pamahalaan sa kapakanan at pag-unlad ng karera ng mga guro.

“Dahil limitado noon ang oportunidad para sa career advancement, maraming mahusay na guro ang nananatili sa parehong posisyon. Isa ito sa mga dahilan kung bakit natin isinulong ang Expanded Career Progression or ECP System. Sa ilalim ng sistemang ito, mas malinaw na ngayon ang landas para sa pag-angat ng ating mga guro,” saad ng Pangulo.

“Muli ko pong uulitin ang aking pangako noong SONA: wala nang public school teacher ang magre-retire na Teacher I,” dagdag ng Pangulong Marcos.

Sa ilalim ng Executive Order No. 174, s. 2022, binibigyan ng ECP System ang mga pampublikong guro ng mas malinaw na landas para sa promosyon at pagtaas ng sahod sa pamamagitan ng pagtuturo o pamamahala ng paaralan, kahit walang bakanteng plantilla position.

Ayon sa Department of Education (DepEd), kabilang sa mga na-promote ang 23 guro na may hanggang 39 taong serbisyo, at 91 gurong may edad 55 hanggang 64 na mula sa ranggong Teacher I ay nabigyan ng matagal nang nararapat na pag-angat sa posisyon bago magretiro.

“Simple lang ang hangarin natin. Gusto naming maramdaman ninyo na ang inyong sipag at sakripisyo ay kinikilala, binibigyang-halaga, at sinusuportahan ng pamahalaan,” saad ng Pangulong Marcos.

Mula Agosto 2025, halos 80,000 guro at school heads na sa buong bansa ang na-promote sa ilalim ng ECP System.

Inanunsyo rin ng Pangulo na mayroon ng halos 33,000 bagong teaching positions na inaprubahan ngayong taon upang mabawasan ang kakulangan sa mga guro.

Mahigit 60,000 posisyon na rin ang napunan hanggang Abril 30, katumbas ng 97.7 porsiyentong completion rate.

Binanggit din ng Pangulo ang iba pang hakbang ng pamahalaan para mapagaan ang trabaho at mapabuti ang kapakanan ng mga guro, kabilang ang pagkuha ng Administrative Officers at Project Development Officers, pagbibigay ng 30 araw na vacation service credits, P10,000 teaching allowance, at pagpapalawak ng saklaw ng Special Hardship Allowance para sa mga guro at kawani ng DepEd sa malalayong lugar.

“Mga Ma’am at Sir, hinding-hindi ako magsasawang magpasalamat sa inyong pagmamahal, dedikasyon, at pasensya,” saad ng Pangulo.

“Makakaasa kayo na narito ang inyong gobyerno, katuwang ninyo sa pag-angat ng inyong trabaho at ng inyong pamumuhay,” dagdag ng Pangulong Marcos. | PND

 

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -