24.5 C
Manila
Lunes, Hulyo 13, 2026

Sen Villanueva: Ang pinakabagong employment data na inilabas ng  PSA ay hindi dapat ipagsawalang-bahala

- Advertisement -
- Advertisement -

NAGBIGAY ng kanyang pahayag si Senator Joel Villanueva, chair ng Senate labor committee, tungkol sa May 2026 Employment Data. Narito ang kanyang pahayag.

Tumaas sa 4.8 porsiyento ang unemployment rate nitong Mayo, katumbas ng 2.50 milyong Pilipinong walang trabaho. Mas mataas ito kumpara sa 2.41 milyon noong Abril at 2.03 milyon sa parehong panahon noong nakaraang taon.

Lalong nakakabahala na ang pinakamalaking pagkawala ng trabaho ay nagmula sa sektor  ng agrikultura at forestry, na nakapagtala ng taon-sa-taong pagbaba ng 906,000 trabaho, ang pinakamalaking pagbagsak sa lahat ng sektor na sinusubaybayan ng PSA.

Kasabay nito, patuloy na lumalaki ang pagdepende ng bansa sa inaangkat na bigas,  kasunod ng inaasahang hindi pag-abot ng lokal na produksyon ng palay sa target na 20.28 milyong metriko tonelada.

Kinikilala natin ang pangangailangan ng agarang interbensiyon ng pamahalaan upang  matugunan ang mataas na presyo ng pagkain. Ngunit hindi maaaring maging pangmatagalang solusyon ang patuloy na pag-asa sa importasyon. Kung mananatiling “default response” ang pag-aangkat sa halip na palakasin ang agrikultura at pangisdaan, lalo lamang tayong mawawalan ng trabaho sa sektor na dapat sana’y lumilikha ng sustenableng kabuhayan para sa milyun-milyong Pilipino.


Ito mismo ang uri ng istraktural na hamon na nais tugunan ng Trabaho Para sa Bayan Act, na aming pangunahing iniakda at inisponsoran sa Senado. Sa pagsasabatas ng Republic Act No. 11962 noong 2023, layunin naming bumuo ng isang 10-year roadmap para sa makabuluhang paglikha ng trabaho na sumusuporta sa manggagawang Pilipino, micro, small, and medium enterprises (MSMEs), gayundin sa ating mga magsasaka at mangingisda.

Nakahanda na ang legal na balangkas at naitatag na ang plano. Ang kailangan ngayon ay  ang tuloy-tuloy, epektibo, at mahusay na pagpapatupad nito.

Nananawagan kami sa Department of Economy, Planning, and Development (DEPDev), sa  kanilang kapasidad bilang chair ng Trabaho Para sa Bayan Inter-Agency Council, na tiyakin ang aktibong partisipasyon ng Department of Agriculture sa kanilang mga susunod na pagpupulong. Ang produksiyong agrikultural at paglikha ng trabaho ay magkaugnay at hindi dapat tratuhin bilang magkahiwalay na usapin sa paggawa ng patakaran. Kung tunay tayong seryoso sa pagpapabuti ng kabuhayan ng ating mga magsasaka at mangingisda, kailangan silang tugunan sa isang magkakaugnay at koordinadong paraan.

Sa huli, ang usapin ng agrikultura ay hindi lamang tungkol sa suplay ng pagkain. Ito rin ay usapin ng pagprotekta sa trabaho, pagpapalakas ng kabuhayan, pagpapatatag ng  seguridad sa pagkain, at pagtiyak sa pangmatagalang katatagan ng ating ekonomiya.

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -