24.5 C
Manila
Lunes, Hulyo 13, 2026

Mahirap, maykaya, at mayaman

DALUMAT AT SAYSAY

- Advertisement -
- Advertisement -

(Unang bahagi)

KUNG susuriin natin ang ating pisikal na katangian at katawan, pare-pareho ang ating kabuuan. May ulo, katawan, mga kamay at paa. Ang biyolohiya natin ang hubad na katotohanan ng tao. Hindi tayo nagkakaiba-iba sa antas na iyan. Subalit tulad ng ibang organismo, ang kalikhaan natin ay nag-iiba batay sa kulay ng ating balat, taas, timbang, at reproductive organ. Sa loob ng ating mga katawan, pare-pareho rin ang ating anatomiya—may utak, puso, baga, mga buto, kalamnan, bato, apdo, at iba pa, maliban sa ating reproductive organ.

Samakatuwid, ang tao, bilang tao, ay higit na magkakatulad sa antas ng kanyang biyolohiya at anatomiya sa unang antas kung lilimiin. Sa ikalawang antas, nakalantad ang pagkakaibang sekswal (biyolohikal) bilang babae at lalaki. Sa ikatlong antas, higit tayong nagkakaiba-iba dahil sa katayuan natin sa lipunan batay sa ating kita, kakayahan, at kapangyarihan na gagamitin kong lente upang suriin ang mahirap, maykaya, at mayaman sa lipunang Filipino. Sa ikaapat na antas, dito papasok ang pagkakaiba-iba ng ating iniisip na bunga ng ating pananaw, paninindigan, at mga mithiin sa buhay.

May ilang realidad na kailangan nating tanggapin. Ang ating kultura at lipunan ay hindi natin pinili. Ipinanganak tayo rito. Nagkataon na nasa Pilipinas ang ating mga magulang. Dito rin sila isinilang, kaya dito rin nagsimula ang ating pagkamulat. Hindi natin pinili na tayo’y mahirap, maykaya, at mayaman. Lumaki tayo na bitbit ang ganitong sagisag ng ating uri sa lipunan. Ngunit tulad ng lahat ng bagay, magbabago rin ito kung gugustuhin at kakayanin natin.

Sa ating bansa, ang matinding pagkakaiba-iba natin ay nakabatay sa ating kakayahang kumita ng salapi. Nakabatay ang kitang ito sa kakayahan ng pamilya (household).  Ito ang ekonomikong kondisyon natin na mahirap takasan dahil itinatakda at ipinipilit sa atin ito bilang ideolohiya at praktika sa ating pang-araw-araw na buhay. Kita o salapi ang pamantayan. Labas nito’y nasa laylayan ang turing sa atin. Isinilang tayo sa ganitong kondisyon. Subalit anuman ang ating antas sa lipunan, normal na naisin nating umalpas. Ang mahirap ay kailangang umalpas upang maituring na maykaya. Ang maykaya, nanaisin niyang maging mayaman. Ang mayaman ay aabutin niyang maging higit na mayaman. Ideyal ang ganitong kondisyon. Subalit, alamin natin ang nuances ng bawat antas-panlipunan ng mamamayang Filipino.


Mahirap maging mahirap sa Pilipinas. Sa ulat ng “Digital 2026: The Philippines”, umaabot na sa 117 milyon ang populasyon ng Pilipinas. Lamang nang bahagya ang kababaihan, na 50.1% ng ating populasyon, kumpara sa 49.9% ng kalalakihan. Sa panukat ng United Nations, $3 (o katumbas ng PhP180) kada araw ang threshold of poverty. Kapag bumaba ka sa poverty line na $3 kada araw, ibig sabihin, mahirap ka. Para sa mahihirap na Filipino, ang sikmura ang unang kumakalam. Matindi ang pangamba sa pagkagutom.

Sa datos ng Philippine Statistics Authority, P9,550 kada buwan ang kailangan ng pamilyang may limang katao bilang food threshold. Ilan ang mahihirap sa ating bansa at bakit sila mahirap? Sa ulat ng SWS noong May 2026, 52% o katumbas na 14.5 milyong pamilya ang sumagot na mahirap sila na gamit ang self-rated poverty survey. Ibig sabihin, kalahati ng ating populasyon ay umaamin na mahirap o naghihirap sila. Ang panukat na iyan ay para sa limang miyembro ng pamilya. Kung lalagpas diyan, minsan umaabot ng walo hanggang 14 katao ang mahirap na pamilya, tiyak lubhang mabigat ang pasanin nila. Tipikal at natural na pagkain ang unang pagtutuunan ng pansin.

Tulad sa amin, walo kami sa pamilya. Nagiging malikhain kami sa aming kakainin. Hindi nawawala ang kanin, sardinas at itlog. Maraming puwedeng iluto sa sardinas—torta, sinabawan na may malunggay o pechay o anumang gulay, ginisa na may miswa, ginisa na may kamatis, at marami pang iba. Kung hindi sapat ang kita ng magulang, dadaanin sa itlog na ang luto’y scrambled egg. Hindi puwedeng tag-iisa kaming sunny side-up. Kung walang sardinas at itlog, ang eksperimentasyon ay papaling sa kanin. Kanin na may toyo. Kanin na may asin o kanin na winisikan ng cooking oil. Kapag wala nang kanin na hindi naman umaabot sa ganoon, ibig sabihin, parehong walang trabaho ang nanay at tatay.

Sa iba’t ibang panahon o henerasyon ng kahirapan, iba-iba ang payak na pagkaing Filipino. Sa iba’y ang kombinasyon ay kanin at noodles o kaya’y kanin at tuyo at murang daing. Sa ilan, mumurahing ulam na mabibili sa karinderya. Ang iba’y kamote, talbos ng kamote, mga gulay na tumutubo sa bakuran. Marami pang permutasyon basta ang hangad, maibsan ang kagutuman. Masuwerte kami kapag may haing isda, manok, at karne ng baboy at masasarap na putahe ang luto sa mga ito. Kapag naging permanente na ang trabaho ng magulang bilang factory worker o rank-and-file, magiging madalas na ang masasarap na pagkain. Ang kita ng magulang ang magtatakda ng uri ng pagkain ng pamilya. Hindi mahalaga ang balanced diet o food pyramid; ang mahalaga’y may makain.

- Advertisement -

Sa kita rin ng magulang manggagaling ang pantustos sa pag-aaral ng mga anak. Sa publikong paaralan kaming walong magkakapatid nag-aral dahil libre ang edukasyon dito. Ngunit hindi libre ang mga gagamitin sa eskuwela tulad ng school supplies, uniporme, at gastusin sa mga proyekto. Kahit malayo ang paaralan, sa tantiya ko’y tatlong kilometro, lalakarin namin iyon. Sabik na sabik kaming mag-aral kasi masayang magkaroon ng mga kaklase. May libreng nutriban at sopas kapag recess. Minsan champorado, pero may bayad na ito. Kalaunan, kahit paulit-ulit itong paglalakad, pagkain ng pareho-parehong putahe sa recess, at pakikisalamuha sa iba’t ibang tao (kaklase, guro, magulang, principal) nasa dulo ang gantimpala. Kaalaman at kakayahan ng bawat batang mag-aaral na mahirap ang pinupundar nila para sa kanilang kinabukasan.

Hindi madali para sa mga mahihirap na bata ang makatapos sa elementarya at hayskul. Ang iba’y pinapahinto ng magulang para maghanapbuhay na lang at makatulong sa pamilya. Ang iba’y biktima ng karahasan at bullying. Ang ilan ay napapariwara. Totoong ang edukasyon ang susi upang lumaya sa kahirapan ang pamilyang mahihirap. Sa bawat isang anak na nakatatapos ng kolehiyo, tumataas ang probabilidad na makaahon sila sa kumunoy ng kahirapan. Kung ang lahat ng anak ng mahihirap na pamilya’y makapagtatapos ng pag-aaral, tiyak na mababago ang kanilang buhay.

Ano ang siklo ng kahirapan? Sina Ragnar Nurkse at Gunnar Myrdal ang nagpaliwanag ng siklo ng kahirapan. Isipin natin, halimbawa, na may mahirap na babae at lalaking nagsama. Nagkaroon sila ng anak, sabihin na nating walo. Walang matatag na hanapbuhay ang tatay at nanay. May ilang mag-aaral sa mga anak na hindi makakatapos ng elementarya. Ang ibang anak ay aabot hanggang hayskul subalit papahintuin sila para maghanapbuhay na lang—mag-extra sa construction o maging kargador sa pier. Kalaunan, makakatagpo siya ng nonobyohing kasama na mahirap din. Magkakaanak sila—sabihin nating apat. Hindi pa rin sapat ang kinikita nila. Hindi rin makakapag-aral ang mga anak. Tatanda at mag-aasawa uli ang mga anak. Ito ang siklo ng kahirapan na pasalin-salin sa iba’t ibang henerasyon. Hindi umaahon, tila nasa kumunoy.

(Itutuloy)

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -