27.3 C
Manila
Linggo, Hulyo 5, 2026

Innovation 101

PAGBUBUO(D)

- Advertisement -
- Advertisement -

MAHALAGA ang tuloy-tuloy na inobasyon sa gitna ng malawakang pagbabago sa larangan at sa kabila ng mabibigat na hamon sa iba’t ibang antas ng pag-iral – personal, organisasyonal at sosyo-struktural man ito.  Bilang interbensyon, ang inobasyon ay tumutukoy sa mga bagong ideya, metodo, sistema, solusyon, patakaran, proseso, teknolohiya, produkto at/o serbisyo na may layuning tumugon sa mga problema sa kasalukuyan at/o hinaharap. Ang aplikasyon ng inobasyon ay maaaring nakapaloob at nakakonteksto sa larangan ng medisina, edukasyon, agrikultura, pangisdaan, pagmamanupaktura, konstruksyon, transportasyon, komunikasyon, pampublikong pamamahala, pinansiyal na serbisyo, turismo, pagpapaunlad ng komunidad at iba pa. Ang mga sumusunod ay ilang tala ng paalala at panuntuntunan sa pagpaplano at pagbalangkas ng inobasyon bilang isa sa mga mahahalagang salik ng tagumpay.

  • Ituring ang bawat problema bilang oportunidad upang sumulong at umunlad. Ang bawat hamon ay nagbubukas ng pagkakataon na higit na maging mahusay sa larangan.
  • Itambal ang binabalangkas na inobasyon sa itinakdang layunin ng organisasyon.
  • Tandaan na ang inobasyon ay hindi lamang tumutukoy sa teknolohiya dahil sinasaklaw din nito ang mga kaisipan at kaparaanan.
  • Isaisip na ang inobasyon ay kailangang nag-aambag sa higit na ikabubuti at ikauunlad ng partikular na bahagi o kabuoan ng sistema. Samakatwid, ang inobasyon ay inaasahang maging value-adding, change-driven at development-oriented.
  • Isaisip din na ang inobasyon ay may progresibong karakter dahil sa oryentasyon nitong hamunin ang mga kinagisnan at kinasanayang pananaw, aktitud at gawi.
  • Tiyakin na suportado ng pamunuan at kawanihan ang binabalangkas at ipapatupad na inobasyon sa pamamagitan ng malawakang konsultasyon at deliberasyon.
  • Tiyaking malinaw ang diin, saklaw at inaasahang pagbabago sa binabalangkas at ipapatupad na inobasyon.
  • Unawain ang mga transisyong pinagdadaanan ng organisasyon, sektor, merkado, propesyon, larangan at/o industriya upang higit na mai-angkop ang kinakailangang inobasyon at pagbabago. Kaugnay nito, ang mismong pagpapatupad ng inobasyon ay isa ring proseso ng transisyon.
  • Isaisip na maaari ring tumukoy ang inobasyon sa paggamit ng lumang kaisipan (o ideya) at kaparaanan (o metodo) sa panibagong konteksto, komunidad at/o kapaligiran.
  • Gamitin ang Johari window upang tukuyin at unawain ang ang mga bagay na batid mo at batid din ng iba (open area), batid mo pero hindi batid ng iba (hidden area), hindi mo batid pero batid ng iba (blind spot) at kapwa ninyo hindi batid (unknown). Makatutulong ito sa pagtiyak ng self-awareness, other-awareness at place-based awareness.
  • Hamunin ang mga kinagisnang pananaw, pagpapalagay at paninindigan.
  • Harapin, unawain at tugunan ang mga pagbabago batay sa iba’t iba nitong katangian – kanais-nais o hindi, inaasahan o hindi, daglian o hindi at malawakan o hindi.
  • Tiyaking ang inobasyon ay sinusuhayan (o sinusuportahan) ng pananaliksik. Samakatwid, ang inobasyon ay dapat maging evidence-based at research-informed.
  • Bumuo ng knowledge management section upang higit na paunlarin ang pagbalangkas at papapatupad ng mga inobasyon bilang isang prosesong nakabatay sa karunungan (knowledge-based).
  • Tipunin at aralin ang resulta ng mga pananaliksik at feedback mula sa mga stakeholder upang magsilbing matibay na batayan ng binabalangkas na inobasyon.
  • Baybayin at subaybayan ang buong proseso ng inobasyon mula sa pagbuo ng ideya (conceptualization) hanggang sa pagpapatupad (o execution).
  • Gumamit ng mga angkop na performance metrics at success indicators upang masubaybayan ang pagsulong (growth) at pag-unlad (development).
  • Pagtambalin ang statistics and stories, numbers and narratives at metrics and meanings sa pangangalap ng datos upang mas maging makatuturan ang pagsusuri at interpretasyon.
  • I-angkop ang inobasyon batay sa kinakapaloobang kondisyon at konteksto.
  • Pinuhin (refine) ang mga ideya alinsunod sa iba’t ibang dimensyon at antas ng pagsusuri. Kabilang sa dimension of analysis ang pang-ekonomiya, pampolitika at pang-administratibong usapin samantalang saklaw naman ng level of analysis ang intrapersonal, interpersonal, at institusyonal na antas ng tambalan at talaban.
  • Magsagawa ng kongkretong pagsusuri batay sa kongkretong kalagayan (KPKK) upang maging lapat at hindi lumulutang sa alapaap ang inobasyon.
  • I-antisipa ang mga posibleng magiging problema upang hindi mabulaga (o mabigla).
  • Padaanin sa sistema ng validation ang mga ideya at panukala upang maging masinsin ang pagsusuri at pag-aaral.
  • Pagkumparahin ang mga inobasyon sa isa’t isa upang matukoy kung ano ang tunay na lapat at tumutugon sa hinihingi ng sitwasyon.
  • Maging bukas sa patuloy na pagpapanibagong-hubog ng binabalangkas na inobasyon alinsunod sa pagpihit ng kondisyon at pagbabago ng katangian ng mga nakakalap na datos. Tumutukoy ito sa recursive at iterative na katangian ng proseso ng inobasyon.
  • Gawing demokratiko ang proseso ng pagbuo ng inobasyon sa pamamagitan ng pagbubukas sa iba’t ibang pananaw, (perspective), panig (side) at paninindigan (standpoint).
  • Lumikha ng ligtas na espasyo (safe space) upang malayang makapagbahagi at makapag-ambag ang lahat ng sektor at stakeholder.
  • Magbukas ng plataporma para makapag-usap at makapaglinaw ukol sa mga nagtutunggaling pananaw at paninindigan.
  • Ikonsidera ang distribusyon ng limitadong rekurso sa lahat ng pagkakataon.
  • Tasahin (assess) kung may sapat na imprastrakturang pagsasandigan ang isasagawang inobasyon at pagbabago.
  • Tiyakin na ang inobasyon ay lapat sa kultura (culturally sensitive) at tumutugma sa pagpapahalaga ng komunidad (values-oriented at place-based).
  • Lagyan ng cross-professional, cross-departmental at cross-functional na katangian at aplikasyon ang binubuong inobasyon, inisyatiba at interbensyon upang magkaroon ng mahigpit na ugnayan at koordinasyon.
  • Isaisip na ang inobasyon ay kinakailangang measurable (nasusukat) at manifestable (naipakikita) upang magsilbing batayan ng siyentipikong pagtatasa (assessment) at pagsusuri (analysis).
  • Palawigin ang monitoring and evaluation (M&E) tungong monitoring, evaluation, accountability and learning (MEAL) upang hindi lamang mamonitor at masuri ang ipinatupad na inobasyon kundi matiyak din ang kultura ng pananagutan at matuto mula sa karanasan.
  • Tandaan na ang inobasyon ay isang tuloy-tuloy na proseso. Hindi ito natatapos dahil patuloy ring nagbabago ang kondisyon at mga kaakibat nitong hamon.
  • Huwag kalimutan ang mahalagang papel ng komunikasyon sa inobasyon dahil nakakapaghikayat ito ng aktibong partisipasyon ng mga stakeholder sa buong proseso at bawat yugto.
  • Suriin ang inobasyon gamit ang demokratiko, dekolonyal, etikal, makakalikasan, makakasarian at makakomunidad na lente.
  • Linangin ang kultura ng inobasyon sa organisasyon upang maging bahagi ito ng kamalayan at praktika ng bawat isa.

Bilang pagbubuo(d), mahalagang bigyang diin na ang inobasyon ay isang mapanuri, mapanlikha at makapagpanibagong-hubog na proseso. Inaasahang taglay rin nito ang pagiging likas-kaya (sustainable), mapagpalaya (liberating) at mapanlahok (inclusive) upang ganap na makapag-ambag sa kanais-nais na pagbabago para sa nakararami at higit na nangangailangan.

Para sa inyong reaksyon at pagbabahagi, maaari ring umugnay sa pamamagitan ng [email protected].

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -