28.9 C
Manila
Linggo, Hulyo 5, 2026

Lacson: Hindi tungkulin ng Impeachment Court na mag-safekeep ng ‘BIR Green Box’

- Advertisement -
- Advertisement -

HINDI tungkulin ng Impeachment Court na dumidinig sa kaso ni Vice President Sara Duterte-Carpio na i-safekeep ang tinatawag na “BIR Green Box” na naglalaman ng tax records ng Bise Presidente, kaya maaari itong isauli sa House prosecution panel, ayon kay Sen. Panfilo “Ping” Lacson nitong Sabado.

Diin ni Lacson, wala ring kapangyarihan ang Impeachment Court na magpasya kung bubuksan ang kahon — lalo nang i-unseal ito — at maaari pa itong maharap sa reklamong grave abuse of discretion kung gagawin nito iyon.

“Ang isang napagkasunduan namin, isauli namin yan kasi unang una labag sa batas. Hindi ang Impeachment Court or maski anong korte ang mag-unseal noon,” aniya sa panayam sa DZMM radio.

“Tama din si Sen. Escudero, nagsabi wala tayong business mag-safekeep ng evidence kasi korte tayo, unless presented yan at iadmit natin bilang korte magpresent niyan prosecution or defense,” dagdag niya.

Sinabi ni Lacson na sa ilalim ng Section 71 ng National Internal Revenue Code,  kinakailangan ng nakasulat na pahintulot mula sa Pangulo, batay sa rekomendasyon ng Bureau of Internal Revenue at Department of Finance, bago mabuksan ang kahong naglalaman ng tax records ng Bise Presidente.


Dagdag niya, maaari ring mabuksan ang kahon kung may nakasulat na waiver mula sa  respondent.

Nagbabala rin si Lacson na kung ang Impeachment Court mismo ang magpapasya na tanggalin ang selyo ng kahon batay sa posisyon ng prosekusyon, maaari nitong ilantad ang sarili sa reklamong grave abuse of discretion.

“So huwag sa amin ibagsak ang burden na mag-unseal o magbukas. Kung gusto ng prosecution, humingi sila ng permiso sa Office of the President para i-unseal yan. Huwag kami huwag ang Impeachment Court. Di namin gagawin,” aniya.

Samantala, sinabi ni Lacson na ipauubaya ng majority bloc kay Senate President Sherwin  Gatchalian ang pagtatalaga ng tagapagsalita ng Impeachment Court, na aniya’y mas  mainam kung abogado at dapat na malapit na makikipag-ugnayan kay Senate Secretary Renato Bantug Jr., na siyang Impeachment Clerk of Court.

- Advertisement -

Tungkol naman sa magiging presiding officer ng Impeachment Court, sinabi ni Lacson na umaasa ang majority bloc na mapagtitibay ito sa kanilang caucus sa Lunes ng umaga.

Sa kanyang panig, nagbigay si Lacson ng “1,000 percent” na garantiya na ibabatay niya  ang kanyang magiging pasya sa ebidensiya.

“As far as I’m concerned, 1000% guaranteed na ang titingnan ang evidence, di ang political alliance or personal biases. Sinisigurado ko yan,” aniya.

Iginiit din ni Lacson na dapat magpatuloy ang paglilitis anuman ang bilang ng mga dumadalong senador-hukom, at sinabing nagiging usapin lamang ang kanilang bilang sa oras ng pagbibigay ng hatol.

“Hindi kami pwedeng ma-hostage na kulang kami halimbawa 13 lang kami o ilan lang kami, di itutuloy ang trial. O mag-boycott sino man gusto mag-boycott sa kasamahan namin wag naman sana kasi ito constitutional duty,” aniya.

“Di pwedeng maantala ang trial in fairness kay VP Sara ituloy tuloy na lang para kung  lalabas ang verdict na acquitted siya at least ma clear na siya. Pero di pwede ang hostage ayaw namin mag-attend diyan at makakaabala kami di yan pupuwede kasi forthwith nga,” dagdag niya.

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -