ISINAGAWA noong Mayo 6, 2025 ang Pampublikong Konsultasyon ng Ortograpiyang Surigaonon sa Surigao Del Norte State University (SNSU) sa Lungsod Surigao.
Dinaluhan ito ng mga kawani mula sa Kagawaran ng Edukasyon (DepEd) ng Surigao Del Norte, mga opisyal na SNSU at mga gradwadong mag-aaral sa Filipino ng unibersidad, kinatawan mula sa lokal na pamahalaan (LGU), mga historyador, at mga mananaliksik ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) na sina Earvin Christian Pelagio at Christian Nayles.
Sinimulan ang pagbuo ng Ortograpiya ng Surigaonon noong Hulyo 2024. Pinangunahan ito ni Dr. Eliza Bayang, direktor ng Sentro ng Wika (SWAK) ng SNSU at mga kasamahang fakulti na sina Merdolyn LLoren, Pilmore Causing, at Denzel Mark Ciruela.
Sa isinagawang pampublikong konsultasyon, tinakakay ang prosesong pinagdaanan ng ortograpiya, isinapinal ang mga tuntunin at alpabeto nito. Napagkasunduan din ang opisyal na pangalan ng ortograpiya na Ortograpiyang Surigaonon.
Ang pagbuo ng ortograpiya ng mga wika ng Pilipinas ay isang patuluyang programa ng KWF sa ilalim ng Sangay ng Lingguwistika at Aplikadong Lingguwistika (SLAL). Inaasahang makatutulong ang mabubuong ortograpiya sa kanilang komunidad at magamit bilang midyum ng pagtuturo sa paaralan.