32.1 C
Manila
Miyerkules, Hunyo 4, 2025

Silip sa kultura ng New Orleans sa Amerika

- Advertisement -
- Advertisement -

Unang Bahagi

NANGGALING kami kamakailan sa New Orleans, ang siyudad na sentro ng estado ng Louisiana sa Amerika, katabi ng Mississippi River. Inanyayahan akong pumunta roon ng aking pamangkin na doktor – si Dr. Mark Joshua Gatmaitan Bernardo (na ngayo’y isa ng psychiatrist sa Maine Medical Center). Nakumbinsi agad akong sumama matapos malaman na pangatlong beses na itong binabalikan ni Doc Mark. Ano ang mayroon sa New Orleans? Walo kaming nagtungo roon, kasama ang pamilya ng aking kapatid, at ang aking ina.

Malaki ang ginampanang papel ng Mississippi River sa kasaysayan ng New Orleans. Naging posible ang kalakalan sa Port ng New Orleans dahil sa river na ito. Katabi ito ng siyudad kung kaya’t ito ang nagbukas ng maraming negosyo sa New Orleans. Sa isang banda, malaki rin ang ginampanang papel nito sa naganap na malawakang pagbabaha sa Louisiana dulot ng Typhoon Katrina na nagbunga ng malawakang pinsala. Dala-dala ko ito sa aking isip nang lumapag ang aming eroplano sa airport.


 

Mainit ang hangin na sumalubong sa amin paglabas pa lang ng airport ng New Orleans. Biniro ko pa sila na sa Pilipinas pala kami ibinaba ng eroplano! Sa palagay ko, halos magkasing-init ang Pilipinas at ang Louisiana (nang panahong pumunta ako). Nanggaling kami sa state ng New Hampshire sa US kung saan hanggang ngayong Tagsibol (Spring) ay ramdam pa rin ang malamig na klima. Tama ang paalala sa amin ni Doc Mark na huwag kaming magdadala ng makakapal na kasuotan. Binanggit pa niya na may swimming pool ang aming tutuluyang Air BnB sa siyudad.

Ang tinuluyan naming Air BnB house ay maituturing na isang ‘shotgun house.’  Bakit ‘shotgun’, maitatanong n’yo. Ito’y sapagkat mapapansing ang karamihan sa mga bahay sa New Orleans ay pahaba (elongated) at may makitid lamang na bungad/dilintera. Aakalain mong maliit ang bahay sa unang tingin ngunit pagpasok mo’y mapapansing malaki pala dahil sa sobrang haba nang espasyong paloob nito: ang lapad ng bahay ay pang-isahang kuwarto lamang at ang layout ng mga kuwarto ay linear lamang (ang mga kuwarto’y inayos na parang straight line, wala halos hallways).

- Advertisement -

Pero bakit nga ba tinawag itong shotgun houses? Ito’y nanggaling sa ideya na puwedeng bumaril ng shotgun sa bukas na front door at lalabas ang bala sa back door nang walang ano mang tatamaan. Ang ganitong disenyo ng bahay ay sinasabing dinala sa New Orleans ng mga refugees mula sa Haiti matapos ang Haitian Revolution. Kami mismo ay naaliw sa hitsura ng bahay na aming tinuluyan. Sa loob nito’y makikita pa ang maraming maskara na nakasabit sa dingding (bagay na magpapaalala sa iyo ng siyudad ng Bacolod at ang kanilang dinarayong  Maskara Festival taon-taon).

NOLA. New Orleans Louisiana. Ito ang nakasanayang tawag ng marami sa lugar na ito. Hindi na bago kung may magsasabi sa ‘yo na ‘Have fun at NOLA o kaya’y Enjoy NOLA!’ Kilala ang New Orleans sa makulay nitong nightlife, sa masiglang live-music scene, at sa mga pambihira nitong pagkain. Sinasabi ring melting pot ito ng kulturang French, African, at American. Kung narinig n’yo na ang kilalang festival na Mardi Gras, dito ‘yun ginaganap sa New Orleans. Ang Mardi Gras ay isang carnival na idinaraos sa dulong bahagi ng Taglamig (late-winter) kung saan makukulay ang kasuotan ng mga tao at maraming parada ang nagaganap sa kalye; may mga street parties pa! Nakasuot ng maskara  ang mga tao na wari mo’y dadalo sa masquerade ball!

Isa pa sa agad na pumasok sa isip ko nang banggitin ang New Orleans ay ang jazz music na pinaging popular ni Louis Armstrong, isang Amerikanong Itim na sinasabing nag-revolutionize ng Jazz music. Dahil sa kanyang halimbawa, maraming musikero ang naganyak na sumunod sa kanyang yapak. Totoo naman na noong nandoon kami, kahit saang kalye, parke, o restaurant, may musikerong tumutugtog ng gitara, plawta, trumpeta, thrombone, at saxophone. Kitang-kita ang iniwang legacy ni Armstrong sa music scene ng New Orleans. Kahit sa mga mural, makikitang nakapinta ang mga larawan ng jazz musicians.

- Advertisement -

Marami rin ang nagpayo sa akin na kumain doon ng masasarap na talaba (oyster), lalo na ang grilled, pati na ng sikat na beignet (kung bigkasi’y ‘bin-yey’).

Ang beignet ay isang kuwadradong donut (na walang butas sa gitna) na may topping na powdered sugar, na masarap kainin kapartner ng  café au lait (coffee with milk). Isa rin sa dinarayong pagkain dito ay ang kanilang crawfish (parang maliliit na ulang na wala sa Pilipinas), at mga klasikong pagkaing Creole gaya ng gumbo at jambalaya. Marami pang pagkaing masasarap ang aming tinikman, sa rekomendasyon ng aking pamangking doktor na isang food enthusiast.

Makulay ang kasaysayan ng New Orleans. Kagaya ng Pilipinas, ang estado na ito ay sinakop din ng mga Espanyol. Hindi kataka-takang may Spanish plaza din sa New Orleans. Agad kong naalala ang siyudad ng Vigan sa Ilocos Sur nang tumuntong ako sa mga kalye na tinaguriang French Quarter. May pagkakatulad sa Vigan ang mga hanay ng bahay at gusali roon. Cobbled stones din ang iyong lalakaran. Lalo akong nagulat nang biglang may dumaan sa tabi ko na isang kalesa na hatak-hatak ng isang kabayo.  Parang nasa Vigan talaga ako!

Ayon sa kasaysayan, matagal na naging Spanish settlement ang New Orleans. Matapos isuko ng France ang Louisiana sa Spain noong 1762, ang New Orleans ay naging bahagi ng Spanish colony ng Louisiana. Sinasabing nagtagal ng 40 taon ang Spanish rule sa New Orleans. Naalala ko na ang ating bansa ay naging kolonya rin ng Espanya sa loob ng halos 300 taon kung kaya’t may nakikita akong ilang pagkakatulad sa kulturang New Orleans at sa ating kultura.

Ang isa sa nangungunang atraksiyon sa New Orleans ay ang lugar na kung tawagi’y French Quarter, itinuturing na sentro o pinakapuso ng New Orleans. Kahit na ang mga unang Europeans na nanirahan doon ay mga French, ang nakita kong arkitektura ng mga gusali sa French Quarter ay maituturing na Spanish. Ito marahil ang dahilan kung bakit ang agad na pumasok sa isip ko ay ang siyudad ng Vigan nang makita ko ang French Quarter.  Ang bawat gusali o kabahayan sa distritong ito ay laging may balkonahe sa ikalawang palapag. Kapag nagsimula na’ng dumilim, buhay na buhay na ang mga kalye sa liwanag at sa dami ng tao na naglalakad o nagpupunta sa bar.

(May karugtong)

 

 

 

 

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -