IPINANUKALA ni Health Secretary Teodoro Herbosa na ideklara ang isang national health emergency dahil sa 500 porsyentong pagtaas ng kaso ng HIV sa bansa o 56 na bagong Persons Living with HIV (PLHIV) kada araw mula Enero hanggang Marso 2025..
Nagsumite na si Secretary Herbosa kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. ng panukala ukol dito upang makakilos ang ibat-ibang ahensiya ng pamahalaan para labanan ang pagdaming ito.
Aniya, patuloy ang implementasyon ng Department of Health (DOH) ng mga programa kontra HIV/AIDS ngunit mas higit na makatutulong kung may koordinasyon ang mga ahensiya ng gobyerno, pribadong sektor, media, at iba pa.
“Hindi ako pwedeng mag-utos sa ibang mga ahensya. Tanging ang pangulo lamang ang makagagawa niyan. Kung kaya, inirerekomenda ko ang isang national emergency. Bansa natin ito, at ayokong lumaganap pa ang HIV (I can’t order other agencies. Only the president can do that. That’s why I’m recommending a national emergency — so the entire government acts. This is our country, and I don’t want HIV to spread any further),” aniya.
Ano ang HIV at AIDS?
Human Immunodeficiency virus ang kahulugan ng acronym na HIV, isang epidemya sa rehiyong Kanlurang Pasipiko ayon sa mga pananaliksik.
Isa itong virus na sumisira sa immune system ng tao. Ang immune system ang panlaban ng katawan laban sa mga impeksyon at sakit.
Sinisira ng HIV ang CD4 cells na isang uri ng white blood cell na nagiging sanhi ng paghina ng immune system. Kapag humina ang immune system, madali para sa iba’t ibang opportunistic infections tulad ng tuberculosis at pneumonia na umatake sa katawan.
Ang AIDS naman ay nangangahulugang Acquired Immune Deficiency Syndrome. Isa itong malubhang kondisyon na huling yugto ng impeksyon sa HIV.
Sino ang mga malamang nahahawahan at mga vulnerable group
Sa isang siyentipikong artikulo na nalathala sa isang website ng National Library of Medicine, isang opisyal na website ng US government na may titulong “The State of the HIV Epidemic in the Philippines: Progress and Challenges in 2023.”, tinukoy dito ang mga ‘key populations’, bumubuo ng 92% na may HIV na naitala noong 2022.
Kabilang sa mga ito ang MSM (males having sex with males), transgender women, sex workers, trafficked women and girls, mga taong nagtuturok ng gamot.
Tinukoy namang vulnerable groups ang mga migrant workers, people with disabilities, mga bilanggo at mga babaeng asawa ng mga nasa tinaguriang nasa ‘key populations.’
Gayundin ang sinabi ng isang artikulo ng Philippine Council for Health Research and Development ng Department of Science and Technology (DOST-PCHRD, na mga lalaking nakikipagtalik sa kapwa lalaki ang may malaking bilang ng nagkakaroon ng HIV.
Dahilan ng patuloy na pagtaas ng kaso ng may HIV
Sa isang press conference, sinabi ni Secretary Herbosa na maraming dahilan ng pagtaas ng kaso ng may HIV sa bansa.
Kabilang sa mga dahilang ito ang pagtaas ng risk behaviour dahil sa madali na lamang makakuha ng mga pornographic material sa mga online sites.
Dahil sa mga dating app, madali na ring makakakuha ng sex partner na nagpapataas ng tsansa nito.
Marami rin ang hindi gumagamit ng proteksyon gaya ng condom.
Nadiskubre rin ng kalihim na may mga nagaganap na patagong prostitusyon. May mga spa aniya na may mga sex workers.
Gayundin, kinakailangang muling ibalangkas ang batas kaugnay dito dahil dito hindi nirerequire na itest ang mga lalaki.
Ayon kay Herbosa, dahil nakalagay sa batas “female sex workers” ang kinakailangang itest pero sa aktwal, pinakamarami ang mga lalaki sa mga may HIV, mga male having sex with male (MSM).
Ang tinutukoy na batas ni Herbosa ay ang The Revised Philippine HIV and AIDS Policy and Program Act of 2012.
Isa pa sa tinukoy na dahilan ang stigma o diskriminasyon kung kaya maraming tumatanggi o nahihiyang magpa-test o magpagamot dahil sa takot sa panghuhusga mula sa pamilya, kaibigan o sa lipunan mismo.
Mga kabataan ang karamihan sa mga may HIV, na ayon kay Herbosa, maaaring dahil sa “raging hormone of an adolescent.”
May edad 15-25 ang karamihan na naitalang may HIV sa bansa.
Programa ng DOH para sa PLHIV
Sa isang paulat ng DOH, sinabi ditong pinaiigting at pinadadali ng pamahalaan ang pagbibigay ng antiretroviral (ARV) drug sa mga PLHIV base sa direktiba ng Pangulo.
Tinatawag na PLHIV ang mga taong may HIV. Bagama’t hindi nagagamot ang HIV, maaari itong masupil hanggang sa hindi na ito nakikita sa mga test sa pamamagitan ng patuloy-tuloy na paggamit ng ARV drug.
Pinangunahan ni Secretary Herbosa ang pagpapatupad ng Patient Appointment System (PAS) sa San Lazaro Hospital (SLH), na isa sa pangunahing treatment centers sa Metro Manila para sa HIV.
Layon ng PAS na padaliin ang pagschedule ng mga checkup ng mga PLHIV, gamit ang nasabing online platform. Mas mahihikayat din ang PLHIV na regular na magpakonsulta, at ang maayos na pag-inom ng gamot kung may appointment sila sa kanilang check-up at ARV refills. Kasama sa konsultasyon ng PLHIV ang pre- at post-counseling, para magabayan ang pasyente sa kaniyang pagpapagamot, ayon sa paulat ng DOH.
Bukod sa konsultasyon, counseling at pagbibigay ng ARV sa PLHIV, maaari na ring magpa-appointment para sa libreng screening, dagdag pa nito.
Ayon pa rito, sa kasalukuyan, mayroong 2,901 PLHIV ang tumatanggap ng Antiretroviral Therapy (ART) sa San Lazaro Hospital – HIV AIDS Department (SLH-H4). Kailangan ang ARV para mapababa ang viral load sa katawan ng PLHIV at makamit ang “U=U”, o ang Undetectable = Untransmittable na estado ng PLHIV. Kapag undetectable na ang viral load ng pasyente, hindi na siya makahahawa ng HIV.
Sapat ang suplay ng ART refill para sa lahat ng kasalukuyang enrolled na pasyente sa SLH. Karaniwang nagkakahalaga ito ng Php 1,000 hanggang Php1,500 kada bote kung bibilhin sa labas ang gamot na ito. May kakayahan ring magbigay-serbisyo sa 200 hanggang 300 pasyente ang SLH-H4 kada araw.
“Kasama kami ng bawat PLHIV. Ang pagsigurong hindi mag-isa ang ating mga kababayan na may HIV ay importante para matulungan silang alagaan ang kanilang kalusugan. Pag-usapan natin ang HIV nang may malawak na isip. Normal ang HIV testing at may paraan para ma-manage ang HIV,” ani Secretary Herbosa.
“Parang high blood o diabetes lang yan, may maintenance na gamot para tumagal ang buhay. Wala nang dapat mamatay o maging malubha dito,” dagdag pa ni Sec. Herbosa.