IKINAGALAK ni Senador Win Gatchalian ang pag-apruba sa ikatlong pagbasa ng Senado sa Career Progression System for Public School Teachers and School Leaders Act (Senate Bill No. 3000).
Layunin ng panukalang batas na i-institutionalize ang Career Progression System para sa mga public school teachers at school leaders. Palalawakin nito ang mga oportunidad para sa mga guro at mga school leaders pagdating sa pagtuturo, school administration, at supervision.
“Sa ilalim ng panukalang batas na ito, mas mapapalawak natin ang mga oportunidad para sa promotion ng ating mga guro at school leaders, bagay na makakatulong sa pag-angat ng kanilang karera,” ani Gatchalian, sponsor ng naturang panukala.
Magiging mandato sa Department of Budget and Management ang pagtatatag ng mga posisyong Teacher IV, Teacher V, Teacher VI, Teacher VII, Master Teacher V, Master Teacher VI, School Principal V, Education Supervisor III, Education Supervisor IV, at Education Supervisor V.
Nakasaad din sa batas na ang kakayahan at kaalaman ng mga guro at mga school leaders, pati na rin ang mga qualifications at professional standards, ang magiging mga batayan ng promotion. Ang mga posisyong Teacher I at Master Teacher I ang magsisilbing mga base positions.