NAIBALITA sa mga pahayagan kamakailan na naghahanda na ang Maynilad Water Services Inc. na buksan ang pagmamay-ari ng kanilang kompanya sa publiko sa pamamagitan ng pagbebenta ng initial public offering (IPO) sa Hulyo 10, 2025 sa Philippine Stock Exchange. Ito ang unang pagkakataon ng Maynilad na pasukin ang bilihan ng stock upang makalikom ng pondo. Ang planong pagbebenta ng IPO ng Maynilad ay tinatayang makalilikom ng pondo na aabot sa P49 bilyon. Dalawang mahalagang tanong ang nais kong sagutin sa maikling sanaysay na ito. Ano ang mga dahilan kung bakit pinili ng tagapamahala ng Maynilad ang alternatibong makalikom ng pondo sa pamamagitan ng pagbebenta ng kanilang mga bagong stock sa Philippines Stock Exchange? Ikalawa, ano ang mga dahilan kung bakit nagbebenta ng napakalaking bagong stocks ang Maynilad?
Sa unang tanong, maraming alternatibong maaaring gamitin ang Maynilad sa paglikom ng pondo upang tustusan ang kanilang pangangapital ngunit bakit pinili nila ang pagbebenta ng mga bagong stock sa Philippine Stock Exchange. Pwede naman nilang gamitin ang kanilang retained earnings o inimpok mula sa tubong kinita nila sa nakaraan. Ang kinitang tubo ng Maynilad noong 2024 ay tinataya na halos P10 bilyon. Mula sa halagang ito ay nagbabayad pa sila ng corporate income tax, maglalaan ng pondo sa pamamahagi ng dibidendo sa mga nagmamay-ari nito at ang natitira ay iniimpok o retained earnings. Mula sa impormasyong ito tinatayang maliit lamang ang kanilang magiging retained earnings batay sa pamamahagi ng corporate income. Marahil ang opsiyon na ito ay hindi praktikal dahil malaki ang pagkukulang ng retained earnings sa hinahangad nilang makalikom ng P49 bilyon.
Pwede rin naming mangutang ang Maynilad sa mga bangko. Ngunit, sa laki ng halagang kinakailangan ng Maynilad na P49 bilyon mangangailangan ng maraming bangko upang pondohan ang napakalakihang halagang nito. Maraming kondisyon ang ilalatag ng mga bangko bago magpautang at baka hindi maabot ang hinahangad nilang P49 bilyong pondo.
Isa pang alternatibo ay maglagak ng dagdag pondo ang kasalukuyang magmamay-ari ng Maynilad. Ang nagmamay-ari ng Maynilad ay ang Maynilad Water Holdings Company, Inc. (MWHCI), isang kompanyang pagmamay-ari ng Metro Pacific Investments Corporation (MPIC), DMCI Holdings, Inc. (DMCI) at Marubeni Corporation. Tinataya na halos P112 bilyon ang kasalukuyang halaga ng capital ng Maynilad at halos 93% nito ay hawak ng Maynilad Water Holdings Company o halos PHP 104 bilyon. Kung magdagdag pa ang MWHCI ng P49 bilyon, aabot sa halos 95% ang control ng tatlong kompanya. Ang karagdagang control ng MWHCI sa Maynilad ay maliit lamang kung ihahambing sa napakalaking pondong idaragdag nila. Ngunit kung ibang alternatibo ang gagamitin sa magpopondo ng P49 bilyon ang conrol ng MWHCI sa ay liliit sa 65% ngunit sila pa rin ang may pinakamalawak na control sa capital ng Maynilad.
Puwede rin naming mag-anyaya ng bagong magmamay-ari. Marahil ito ang dahilan bakit ayon sa plano ibebenta ang 36.31 milyong primary common share sa First Pacific Co, Ltd. Ngunit ito ay halos 2% lamang ng ipagbibiling bagong stock ng Maynilad. Marahil, ayaw ng kasalukuyang nagmamay-ari ng Maynilad ng ibang kompanyang lalaban sa kanilang control sa Maynilad. Kaya’t ayon sa plano ang halos 98% ng IPO ay ipagbibili sa publiko. Kahit bumaba sa 65% ang control ng Manila Waters Holding Company sa Maynilad, walang malalaking kompanya ang hahawak ng 35% dahil ito ay hahawakan ng napakaraming mamamayan at kompanya.
Maaari namang mangutang ang Maynilad sa ibang bansa upang malikom ang P49 bilyon. Ngunit sa lagay ng ekonomiya ng Estados Unidos at nagbabagong patakaran ng pamahalan hindi makatwiran ang mangutang sa Estados Unidos dahil haharap ang Maynilad sa mga panganib bunga ng epekto ng mga pagbabago ng patakaran sa palitan ng salapi at sa interest rate na makaaapekto sa pagbabayad ng interes sa kanilang uutangin.
Dahil sa mga nabanggit na kakulangan ng iba’t ibang alternatibo sa paglikom ng pondo, ang pinaka episyenteng opsiyon ay ang pagbebenta ng mga bagong stock sa Philippine Stock Exchange.
Ang ikalawang tanong sa sanaysay na ito ay kung bakit napakalaki ng kinakailangang bagong capital ng Maynilad. Alam natin na ang halagang P49 bilyon na malilikom ng Maynildad sa pagbebenta ng IPO ay kakailanganin nito upang pondohan ang malalaking proyekto ng kompanya sa pagbili ng makabagong teknolohiya sa paglilinis ng tubig, pagpapatayo ng mga bagong planta at sa episyenteng distribusyon ng tubig sa malaking bahagi ng Kamaynilaan. Ang pondong malilikom ay kumakatawan sa 30.45% ng kabuoang halaga ng capital ng Maynilad pagkatapos ng pagbebenta ng mga bagong stock. Samakatuwid, kahit lumiit ang kontrol ng MWHCI sa Maynilad nanatili pa rin silang ang mayorya at may malaking kontrol sa kompanya.
Napakahusay ng estratehiyang ginawa ng MWHCI na palawakin ang kanilang capital upang magamit sa mga malalaking proyekto nang wala man silang ginamit na pondo mula sa kompanya. Kahit na bumaba nang malaki ang proporsiyon na hawak ng MWHCI sa capital ng Maynilad, nananatili pa rin ang kanilang control sa kompanya.